Mangangaral 4

Pang-aapi, Pagpapagal at Kawalan ng Kaibigan

1Nakita ko ulit ang mga pang-aapi rito sa mundo.

Umiiyak ang mga inaapi,

pero walang tumutulong sa kanila

dahil makapangyarihan ang mang-aapi

at walang kumakalinga sa kanila.

2Kaya nasabi kong mas mabuti pa ang mga patay kaysa sa mga buháy.

3Pero higit na mabuti ang mga hindi pa ipinapanganak,

na hindi pa nakakakita ng kasamaan dito sa mundo.

4Nakita ko rin na nagsusumikap ang mga tao at ginagawa ang lahat ng makakaya dahil naiinggit sila sa kanilang kapwa. Wala itong kabuluhan; para silang humahabol sa hangin.

5Hangal ang taong tamad,

kaya halos mamatay siya sa gutom.

6Mas mabuti pa ang may isang dakot ng pagkain

at payapa ang buhay

kaysa sa dalawang dakot ng pagkaing

dala ng labis na paghihirap,

at para ka lang humahabol sa hangin.

7May nakita pa ako sa mundong ito na walang kabuluhan.

8May isang taong nag-iisa sa buhay.

Wala siyang anak at wala ring kapatid.

Pero wala siyang tigil sa pagtatrabaho

at hindi nakokontento sa kanyang kayamanan.

Sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi na ako nakakapagsaya

dahil sa sobrang pagtatrabaho.

Pero wala naman akong mapag-iiwanan

ng aking mga pinaghirapan.”

Wala itong kabuluhan!

At napakalungkot ng ganitong klase ng buhay.

9Mas mabuti ang may kasama

kaysa mag-isa;

mas marami silang magagawa.

10Kapag nadapa ang isa sa kanila

maitatayo siya ng kanyang kasama.

Kaya nakakaawa ang taong nag-iisa at nadapa,

dahil walang tutulong sa kanya.

11Kapag malamig, maaari kayong matulog nang magkatabi

at pareho kayong maiinitan.

Pero kung nag-iisa ka,

papaano ka maiinitan?

12Madali kang matalo kung ikaw ay nag-iisa,

subalit mahirap kang talunin

kung may kasama ka.

Tulad din ng lubid na may tatlong pilipit na hibla,

mahirap itong malagot.

Ang Pag-unlad ay Walang Kabuluhan

13Mas mabuti pa ang isang batang mahirap pero marunong, kaysa sa isang matandang hari pero hangal at ayaw tumanggap ng payo.

14At maaaring maging hari ang batang iyon kahit siya ay nakulong at ang matandang hari namang iyon ay maaaring maghirap kahit na ipinanganak pa siyang dugong bughaw.

15Pero naisip ko na kahit maraming tao dito sa mundo ang susunod sa batang iyon na pumalit sa hari,

16at hindi mabilang ang mga taong paghaharian niya, maaaring hindi rin masisiyahan sa kanya ang susunod na henerasyon. Ito man ay wala ring kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.