Ester 6

Pinarangalan si Mordecai

1Kinagabihan, hindi makatulog si Haring Asuero, kaya ipinakuha niya ang aklat tungkol sa kasaysayan ng kaharian niya at ipinabasa habang nakikinig siya.

2Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkakatuklas ni Mordecai sa plano nina Bigtan at Teres na patayin si Haring Asuero. Sina Bigtan at Teres ay mga lingkod ng hari. Sila ang guwardiya ng pintuan ng kuwarto ng hari.

3Sa nabasang iyon, nagtanong ang hari, “Anong gantimpala o parangal ang ginawa o ibinigay kay Mordecai dahil sa mabuting ginawa niya sa akin?”

Sinabi ng lingkod ng hari, “Wala po.”

4Tamang-tama naman na nang oras ding iyon, papasok si Haman sa bulwagan ng palasyo para hilingin sa hari na ituhog si Mordecai sa matulis na kahoy na ipinagawa niya para dito. Nagtanong ang hari, “Sino ang nasa bulwagan?”

5Sumagot ang mga lingkod ng hari, “Si Haman po.”

Kaya sinabi ng hari, “Papasukin ninyo siya rito.”

6Nang naroon na si Haman, tinanong siya ng hari, “Ano ang mabuting gawin sa taong nais parangalan ng hari?”

Ang akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari na pararangalan.

7Kaya sinabi niya, “Ito po ang gawin nʼyo, Mahal na Hari:

8Ipakuha nʼyo ang isa sa inyong mga damit na panghari na nasuot na, at ang isa sa mga sinasakyan nʼyong kabayo, na may sagisag ng hari na nakasuot sa ulo nito.

9Pagkatapos, utusan po ninyo ang isa sa mga pinuno ninyo na isuot sa taong pararangalan ang damit ng hari at pasakayin siya sa kabayo ng hari, at ilibot sa buong bayan habang isinisigaw ng mga kasama niya, ‘Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.’ ”

10Sinabi ng hari kay Haman, “Sige, ipakuha mo ang isa sa aking mga damit at kabayo ko, at gawin mo ang lahat ng sinabi mo kay Mordecai, ang Hudyong nakaupo sa pintuan ng aking palasyo. Tiyakin mo na matutupad ang lahat ng sinabi mo.”

11Kaya kinuha ni Haman ang damit ng hari at isinuot kay Mordecai, at isinakay sa kabayo ng hari at inilibot sa lungsod habang sumisigaw siya, “Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.”

12Pagkatapos, bumalik si Mordecai sa pintuan ng palasyo. Si Haman naman ay dali-daling umuwi na nakatalukbong dahil sa hiya at sama ng loob.

13Pagdating niya sa bahay, isinalaysay niya sa asawa niyang si Zeres at sa mga kaibigan niya ang lahat ng nangyari. Sinabi sa kanya ng asawa niya at mga kaibigang mga tagapayo niya, “Unti-unti ka nang nadadaig ni Mordecai. Hindi mo siya madadaig dahil isa siyang Hudyo. Tiyak na ikaw ang matatalo.”

14Habang nag-uusap pa sila, dumating ang ilang lingkod ng hari at dali-daling isinama si Haman sa inihandang hapunan ni Ester.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.