The chat will start when you send the first message.
1Nang araw ding iyon, ibinigay ni Haring Asuero kay Reyna Ester ang ari-arian ni Haman, ang kalaban ng mga Hudyo. Sinabi ni Ester sa hari na kamag-anak niya si Mordecai, kaya ipinatawag ito ng hari.
2Kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak, na binawi niya kay Haman, at ibinigay kay Mordecai. At siya ang ginawang katiwala ni Ester sa lahat ng ari-arian ni Haman.
3Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Asuero habang nakaluhod at umiiyak sa kanyang paanan. Hiniling niyang huwag nang ituloy ang masamang plano ni Haman na Agageo laban sa mga Hudyo.
4Itinuro ng hari ang kanyang gintong setro kay Ester, kaya tumayo ito sa harap ng hari.
5Sinabi niya, “Kung kalugod-lugod po ako sa inyo, Mahal na Hari, at kung para sa inyoʼy tama at matuwid ito, nais ko sanang hilingin sa inyo na gumawa po kayo ng isang kautusan na magpapawalang bisa sa kautusang ipinakalat ni Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na patayin ang lahat ng Hudyo sa inyong kaharian.
6Hindi ko po matitiis na makitang nililipol ang aking mga kalahi at kamag-anak.”
7Sinabi ni Haring Asuero kay Reyna Ester at kay Mordecai na Hudyo, “Ipinatuhog ko na si Haman dahil sa masama niyang plano na patayin ang mga Hudyo. Kaya ibinigay ko na sa iyo, Ester, ang mga ari-arian niya.
8Kaya gumawa kayo ng kautusan sa aking pangalan ng anumang nais ninyong isulat para sa ikabubuti ng mga Hudyo, at pagkatapos ay tatakan ninyo ng singsing ko. Dahil anumang kasulatan na isinulat sa pangalan ng hari at tinatakan ng singsing niya ay hindi mababago.”
9Kaya noong ikadalawampuʼt tatlong araw ng ikatlong buwan, ang buwan ng Sivan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari. Isinulat nila ang lahat ng idinikta ni Mordecai. Ang sulat ay para sa mga Hudyo, mga gobernador, mga punong-bayan, at iba pang lingkod ng hari sa 127 lalawigan, mula sa India hanggang sa Etiopia. Isinulat ito sa bawat wika ng mga tao sa buong kaharian, pati na sa wika ng mga Hudyo.[#8:9 : Sa Hebreo, Cush.]
10Ipinasulat ni Mordecai sa pangalan ni Haring Asuero at tinatakan ng singsing ng hari. At pagkatapos, ipinadala sa pamamagitan ng mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari.
11Ayon sa sulat na iyon, binigyan ng pahintulot ang lahat ng Hudyo na magsama-sama at ipagtanggol ang kanilang sarili, pati na ang kanilang mga babae at mga bata. Maaari nilang patayin ang sinumang sasalakay sa kanila mula sa kahit anong lungsod o lalawigan. Pinahintulutan din silang samsamin ang mga ari-arian ng kanilang mga kaaway.
12Magaganap ito sa lahat ng lalawigang nasasakupan ni Haring Asuero, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, ang buwan ng Adar.
13Ang sulat na itoʼy ipapadala sa lahat ng lalawigan bilang isang kautusan at dapat ipaalam sa lahat, para makapaghanda ang mga Hudyo sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa mga kaaway nila sa araw na iyon.
14Kaya sa utos ng hari, nagmamadaling umalis ang mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari. Ang utos na iyon ay ipinakalat din sa lungsod ng Susa.
15Nang lumabas si Mordecai sa palasyo, nakadamit siya ng damit panghari na puti at asul at nakabalabal ng pinong lino na kulay ube, at may malaking koronang ginto sa kanyang ulo. Nagsigawan sa tuwa ang mga tao sa lungsod ng Susa.
16Labis ang katuwaan ng lahat ng Hudyo.
17Sa bawat lungsod o lalawigan na naabot ng utos ng hari, tuwang-tuwa ang mga Hudyo at nagdiwang sila. At marami sa lupaing iyon ang naging Hudyo dahil sa takot nila sa mga Hudyo.