Ester 9

1Dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng Adar. Ito ang araw na ipapatupad ang kautusan ng hari. Inakala ng mga kalaban na sa araw na ito ay lubusan na nilang malilipol ang mga Hudyo. Ngunit kabaligtaran ang nangyari, dahil sila ang nalipol ng mga Hudyo.

2Nang araw na iyon, nagtipon ang mga Hudyo sa kani-kanilang mga lungsod at lalawigan na sakop ni Haring Asuero para patayin ang sinumang mangahas na sumalakay sa kanila. Subalit wala namang nangahas dahil takot sa kanila ang mga tao.

3Tinulungan pa ng mga pinuno ng mga lalawigan, ng mga gobernador, at ng iba pang lingkod ng hari sa bawat lugar ang mga Hudyo dahil natatakot din sila kay Mordecai.

4Sapagkat makapangyarihan na si Mordecai sa palasyo ng hari at tanyag na sa buong kaharian. At lalo pang nadadagdagan ang kanyang kapangyarihan.

5Pinatay ng mga Hudyo ang lahat ng kalaban nila nang araw na iyon sa pamamagitan ng espada. Ginawa nila ang gusto nila sa lahat ng nagagalit sa kanila.

6Sa lungsod lang ng Susa, limandaang lalaki ang napatay nila.

7Pinatay din nila sina Farsandata, Dalfon, Aspata,

8Porata, Adalia, Aridata,

9Parmasta, Arisai, Aridai at Vaizata

10na mga anak na lalaki ni Haman na kalaban ng mga Hudyo at anak ni Hamedata. Pero hindi sinamsam ng mga Hudyo ang mga ari-arian ng mga kalaban nila.

11Nang araw ding iyon, napag-alaman ng hari ang dami ng mga pinatay sa lungsod ng Susa.

12Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa pa lang limandaang lalaki ang pinatay ng mga Hudyo, at pinatay din nila ang sampung anak ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lungsod at lalawigan? Ano pa ngayon ang gusto mong hilingin at ibibigay ko sa iyo.”

13Sinabi ni Ester, “Mahal na Hari, kung gusto po ninyo, payagan ninyong ipagtanggol pa ng mga Hudyo rito sa Susa ang kanilang sarili hanggang bukas, tulad ng ginagawa nila ngayon. At ituhog sa nakatayong kahoy ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman.”

14Kaya nag-utos ang hari na gawin ang kahilingan ni Ester. Ipinaalam sa mga taga-Susa ang utos ng hari at ibinigay ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman.

15Sa ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, nagtipong muli ang mga Hudyo na nasa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daang lalaki. Ngunit hindi rin nila sinamsam ang mga ari-arian ng mga ito.

16Samantala, nagtipon ang mga ibang Hudyo na nasa ibaʼt ibang lalawigan ng kaharian upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at makaligtas mula sa kanilang mga kaaway. Nakapatay sila ng pitumpuʼt limang libong tao, pero hindi nila sinamsam ang mga ari-arian ng mga ito.

17Nangyari ito noong ikalabintatlong araw ng buwan ng Adar. Sa ikalabing-apat na araw, nagpahinga sila at ginawa itong araw ng pagdiriwang at kagalakan.

18Ngunit sa Susa, patuloy pa ang pagpatay ng mga Hudyo sa kanilang mga kalaban. At nang ikalabinlimang araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista.

19Ito ang dahilan kung bakit ang mga Hudyong nasa lalawigan ay nagdiriwang ng pista sa ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar. Sa araw na iyon, nagbibigayan sila ng mga regalo.[#9:19 : O regalong pagkain.]

Ang Pista ng Purim

20Isinulat ni Mordecai ang lahat ng nangyari, at nagpadala siya ng sulat sa lahat ng Hudyo sa malalayo at sa malalapit na lalawigang nasasakupan ni Haring Asuero.

21Sa sulat na ito, sinabi ni Mordecai sa mga Hudyo na dapat alalahanin nila at ipagdiwang ang ikalabing-apat at ikalabinlimang araw ng buwan ng Adar.

22Itoʼy para alalahanin ang araw na nakaligtas sila sa mga kalaban, na ang kalungkutan nila ay naging kaligayahan at ang kanilang iyakan ay naging kasayahan. Kaya sinabi sa kanila ni Mordecai sa sulat na dapat magdiwang sila ng pista, magsaya sa araw na iyon, at magbigayan ng mga regalo sa isaʼt isa at sa mahihirap.

23Sinunod ng mga Hudyo ang utos ni Mordecai, na patuloy nilang ipagdiwang ang pistang iyon sa bawat taon.

24Si Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na kalaban ng mga Hudyo ay nagplanong patayin ang lahat ng Hudyo. Nagpalabunutan sila para malaman kung kailan isasagawa ang pagpatay. Ang uri ng palabunutan na ginamit ay tinatawag na “Pur”.

25Ngunit nang malaman ng hari ang planong ito sa pamamagitan ni Reyna Ester, nagpasulat ang hari ng isang utos na ang masamang plano ni Haman laban sa mga Hudyo ay gawin kay Haman at sa mga anak nitong lalaki. At iyon nga ang nangyari.

26Ito ang dahilan kaya tinawag ang pistang iyon na Purim, na mula sa salitang “pur”, na ang ibig sabihin ay palabunutan. At dahil sa sulat ni Mordecai at ayon sa karanasan nila,[#9:26 : Ito ang anyong plural ng .]

27nagkasundo ang mga Hudyo na ipagdiwang nila ang dalawang araw na iyon taon-taon katulad ng sinabi ni Mordecai, at napagpasyahan din nilang ipagdiwang ito ng kanilang angkan at ng lahat ng naging Hudyo.

28Ang dalawang araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat sambahayan ng Hudyo sa bawat salinlahi nila, sa lahat ng lungsod at lalawigan. Hindi ito dapat kalimutan o itigil ng alin mang lahi.

29Upang lalong mapagtibay ang sulat ni Mordecai tungkol sa Pista ng Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail patungkol dito. Kasama rin niya si Mordecai sa pagsulat nito.

30At ipinadala iyon ni Mordecai sa 127 lalawigan na sakop ng kaharian ni Haring Asuero. Ang sulat ay nagdulot ng kapayapaan at katiwasayan sa mga Hudyo,

31at itinalaga na ipagdiwang ang Pista ng Purim sa takdang panahon, ayon sa iniutos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Dapat nila itong sundin katulad ng pagsunod ng lahi nila sa mga tuntunin tungkol sa pag-aayuno at pagdadalamhati.

32At ang utos ni Ester na nagpapatibay ng pagganap ng Pista ng Purim ay itinala sa Aklat ng Kasaysayan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.