Ezekiel 18

Mamamatay ang Nagkasala

1Sinabi sa akin ng Panginoon :

2“Ano ang ibig ninyong sabihin sa kasabihang ito sa Israel:

‘Ang mga magulang

ay kumain ng maasim na ubas

at ang asim nitoʼy matitikman pati

ng kanilang mga anak?’

3“Ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buháy, ay sumusumpang hindi nʼyo na babanggitin ang kasabihang ito sa Israel.

4Makinig kayo! Akin ang lahat ng may buhay, maging ang buhay ng mga magulang o buhay ng mga anak. Ang taong nagkasala ang siyang mamamatay.

5Halimbawa, may isang taong matuwid

na ginagawa kung ano ang tama.

6Hindi siya sumasamba

sa mga diyos-diyosan ng Israel

o kumakain ng mga inihandog

sa mga diyos-diyosang ito

sa mga sambahan sa mga bundok.

Hindi siya sumisiping sa asawa ng iba

o sa babaeng may buwanang dalaw.

7Hindi siya nang-aapi at ibinabalik niya

ang mga isinangla ng

mga nangungutang sa kanya.

Hindi siya nagnanakaw

bagkus pinapakain niya

ang mga nagugutom

at binibigyan ng damit

ang mga walang damit.

8Hindi siya nagpapatubo

kapag nagpapahiram ng pera.

Hindi rin siya gumagawa ng masama

at wala siyang kinakampihan

sa kanyang paghatol.

9Sinusunod niyang mabuti

ang mga utos koʼt mga tuntunin.

Ang taong ganito ay matuwid

at patuloy na mabubuhay,”

sabi ng Makapangyarihang Panginoon .

10“Ngunit kung may anak siyang lalaki na malupit at mamamatay-tao, o gumagawa ng sumusunod na masasamang gawain

11(na hindi ginawa ng kanyang ama):

Kumakain siya sa mga sambahan sa bundok

at sumisiping sa asawa ng iba.

12Nang-aapi ng mahihirap at nangangailangan.

Nagnanakaw siya.

At hindi isinasauli ang isinangla

ng mga nangutang sa kanya.

Sumasamba sa mga diyos-diyosan,

gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay,

13at nagpapatubo

sa mga may utang sa kanya.

Maliligtas kaya siya? Hindi! Mamamatay siya dahil sa mga ginawa niyang kasuklam-suklam at walang ibang dapat sisihin sa kamatayan niya kundi siya.

14“Kung ang masamang taong ito ay may anak na lalaki at nakita niya ang lahat ng masamang ginawa ng kanyang ama pero hindi niya ito ginaya.

15Hindi siya sumamba

sa mga diyos-diyosan ng Israel

o kumain ng mga pagkaing inihandog

sa mga diyos-diyosang ito

sa mga sambahan sa bundok,

hindi siya sumisiping sa hindi niya asawa,

16hindi siya nang-aapi

at hindi niya inaangkin ang mga garantiya

ng mga umutang sa kanya,

hindi siya nagnanakaw,

pinapakain niya ang mga nagugutom

at binibigyan ng damit ang mga walang damit,

17hindi siya gumagawa ng masama

at hindi nagpapatubo

sa may utang sa kanya,

tinutupad niya ang aking mga utos

at mga tuntunin.

Ang taong itoʼy hindi mamamatay dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Patuloy siyang mabubuhay.

18Ngunit ang kanyang ama ay mamamatay dahil mukha siyang pera, magnanakaw at gumagawa ng masama sa kanyang mga kababayan.

19“Ngunit maaaring itanong ninyo kung bakit hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Kung ang anak ay matuwid, gumagawa ng tama at sinusunod ang mga tuntunin ko, patuloy siyang mabubuhay.

20Ang taong nagkasala ang siyang dapat mamatay. Hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama at ang ama naman ay hindi dapat parusahan dahil sa kasalanan ng kanyang anak. Ang taong matuwid ay gagantimpalaan sa ginawa niyang kabutihan at ang taong masama ay parurusahan dahil sa ginawa niyang kasamaan.

21“Ngunit kung ang taong masama ay magsisi sa lahat ng kasalanan niya at sumunod sa aking mga tuntunin at gumawa ng matuwid at tama, hindi siya mamamatay kundi patuloy na mabubuhay.

22Hindi na siya mananagot sa lahat ng nagawa niyang kasalanan at dahil sa ginawa niyang matuwid, patuloy siyang mabubuhay.

23Ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi natutuwa kapag namamatay ang masama. Masaya ako kapag nagsisi siya at patuloy na mabuhay.

24“Ngunit kung ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid, nagpakasama at gumawa pa ng kasuklam-suklam gaya ng ginagawa ng mga taong masama, patuloy pa rin kaya siyang mabubuhay? Siyempre hindi! Kalilimutan na ang mga ginawa niyang matuwid. At dahil sa pagtataksil niya sa akin at sa mga ginawa niyang kasalanan, mamamatay siya.

25“Ngunit baka naman sabihin ninyo, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon.’ Makinig kayo, kayong mga mamamayan ng Israel! Ang pamamaraan ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo ang hindi tama?

26Kapag ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid at magpakasama, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan.

27Ngunit kung ang taong masama ay tumigil sa paggawa ng masama at gumawa ng matuwid at tama, maililigtas niya ang buhay niya.

28Dahil inamin niya ang kasalanan niya at pinagsisihan ito, hindi siya mamamatay at patuloy na mabubuhay.

29Ngunit baka sabihin ninyo mamamayan ng Israel, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon!’ Mga mamamayan ng Israel, ang mga pamamaraan ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo?

30“Kaya sinasabi ko sa inyo, mga mamamayan ng Israel, ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ako ang hahatol sa bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga ginawa. Kaya, magsisi na kayo! Talikuran na ninyo ang lahat ng inyong kasalanan upang hindi kayo mapahamak.

31Mga mamamayan ng Israel, bakit gusto ninyong mamatay? Tumigil na kayo sa paggawa ng kasalanan at baguhin na ang inyong pamumuhay.

32Hindi ako natutuwa kapag may namamatay. Kaya magsisi na kayo para kayoʼy mabuhay, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.