The chat will start when you send the first message.
1“Awitin mo ang panaghoy na ito para sa mga pinuno ng Israel.
2Sabihin mo:
‘Ang iyong ina ay parang isang leon
na inaalagaan ang mga anak niya
kasama ng iba pang mga leon.
3Inalagaan niya ang isa sa mga anak niya,
lumaki ito at naging malakas na leon.
Natuto itong manghuli
at manlapa ng mga tao.
4Nang mabalitaan ito ng ibang bansa,
hinuli nila ito
at dinala sa Ehipto na nakakadena.
5“ ‘Nang malaman ng ina ng leon
na bigo ang pangarap niya
para sa kanyang anak,
pinalaki niya uli ang isa pang anak
at naging malakas na leon din ito.
6Sumama ito sa iba pang mga leon
at natutong manghuli at manlapa ng tao.
7Giniba niya ang mga kampo
ng kanyang mga kaaway
at winasak ang kanilang mga bayan.
Natatakot ang mga mamamayan
kapag naririnig ang atungal niya.
8Kaya nagkaisa ang mga bansa
upang labanan at palibutan siya.
Inilabas nila ang kanilang mga lambat
at siyaʼy nabitag nila sa hukay.
9Gamit ang kawit,
hinila siya sa loob ng hawla,
at dinala sa hari ng Babilonia.
Ikinulong nila ito
upang hindi na marinig
ang pag-atungal nito
sa kabundukan ng Israel.
10“ ‘Ang iyong ina
ay tulad ng isang ubas
na itinanim sa tabi ng tubig.
Nagkaroon ito
ng maraming sanga at bunga
dahil sagana sa tubig.
11Matitibay ang sanga nito
at maaaring gawing setro ng hari.
Mas tumaas pa ang ubas na ito
kaysa sa ibang halaman.
Kitang-kita ito dahil mataas
at maraming sanga.
12Ngunit dahil sa galit, binunot ito
at itinapon sa lupa.
Ang mga bunga nitoʼy natuyo
dahil sa mainit
na hangin mula sa silangan.
Natuyo rin ang matatayog na sanga,
nalaglag at pagkatapos ay nasunog.
13Ngayon, muli itong itinanim sa ilang,
sa lugar na tuyo at walang tubig.
14Isa sa mga sanga nitoʼy nasunog
at kumalat ang apoy
sa iba pang mga sanga
at tinupok ang mga bunga nito.
Kaya wala nang natirang sanga
na maaaring gawing setro ng hari.’
Ang panaghoy na itoʼy dapat awitin ngayon.”