The chat will start when you send the first message.
1Sinabi sa akin ng Panginoon ,
2“Anak ng tao, noon ay may magkapatid na babae.
3Nang mga bata pa sila, ibinenta nila ang kanilang dangal doon sa Ehipto tulad ng mga babaeng bayaran. Hinayaan nilang magpasasa ang mga lalaki sa kanilang katawan.
4Si Ohola ang panganay at ang bunso naman ay si Oholiba. Naging asawa ko ang dalawang ito at nagkaroon kami ng mga anak. Si Ohola ay ang Samaria at si Oholiba naman ay ang Jerusalem.
5“Kahit na asawa ko na si Ohola, patuloy pa rin siyang nagpapagamit sa iba bilang babaeng bayaran at nahumaling siya sa mga mangingibig niyang sundalo ng Asiria.
6Makikisig ang mga ito at nasa kasibulan ng kabataan. Matataas ang katungkulan ng mga ito, mga gobernador at mga kumander na nakadamit ng kulay asul at nakasakay sa kabayo.
7Nagpagamit si Ohola sa lahat ng opisyal ng Asiria, at dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa kanilang mga diyos-diyosan.
8Hindi niya itinigil ang mahahalay niyang gawain na sinimulan niya noong nasa Ehipto pa siya. Bata pa lang siya, nakiapid na siya at ang mga lalaki ay nagpasasa sa katawan niya.
9“Kaya, pinabayaan ko na siya sa mga mangingibig niyang taga-Asiria na kinahuhumalingan niya.
10Hinubaran nila siya, kinuha ang mga anak niya at pinatay sa pamamagitan ng espada. Naging usap-usapan ng mga kababaihan itong nangyaring parusa sa kanya.
11“Kahit nakita ni Oholiba ang nangyaring ito sa kapatid niya, nagpatuloy pa rin siya sa mahahalay niyang gawain at naging mas masama pa kaysa sa kanyang kapatid.
12Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria na makikisig at nasa kasibulan ng kanilang kabataan. Pinuno ng mga sundalo ang mga ito, nakauniporme at nakasakay sa kabayo.
13Nakita kong katulad din siya ng kapatid niya. Dinungisan din niya ang kanyang sarili.
14“Patuloy na nagbenta ng kanyang dangal si Oholiba. Nagkagusto siya sa mga opisyal ng Babilonia nang makita niya ang mga larawan ng mga ito sa mga pader.
15Nakapulang uniporme sila, may sinturon sa baywang at nakaturban. Lahat silaʼy tulad ng mga taga-Babilonia na nakakarwahe, mga lahi ng Caldeo.
16Nang makita niya sila, nagustuhan niya sila, at nagsugo siya ng mga mensahero upang imbitahan niya ang mga ito na bumisita sa kanya sa Caldeo.
17Kaya dumalaw ang mga ito at sumiping sa kanya. Sa pagsiping nila sa kanya, dinungisan nila siya. Ngunit kinalaunan, nagsawa rin siya at hindi na nagpagamit sa kanila.
18“Kinasuklaman ko si Oholiba at itinakwil tulad ng kapatid niya dahil patuloy niyang ipinagbibili ang kanyang dangal.
19Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin siya sa pagbebenta ng kanyang dangal tulad ng ginawa niya roon sa Ehipto noong kabataan niya.
20Nahumaling siya sa mga kalaguyo niya, na ang mga ari ay kasinlalaki ng sa asno at ang binhi ay kasindami ng sa kabayo.
21Kaya pinanabikan mo Oholiba ang iyong mahalay na gawain na ginawa mo sa Ehipto noong kabataan mo, nang ang mga lalaki roon ay nagpasasa sa katawan mo.
22“Kaya, Oholiba, ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon sa iyo: Ipapasalakay kita sa mga kalaguyo mong itinakwil mo at pinagsawaan.
23Sila ay ang mga taga-Babilonia at mga Caldeong mula sa Pekod, Shoa, Koa at ang mga taga-Asiria. Ang mga taga-Asiriang ito ay makikisig at batang-bata, lahat sila ay mga gobernador at mga kumander. Matataas ang katungkulan nila at nakasakay sa mga kabayo.
24Lulusob sila sa iyo mula sa hilaga na may maraming sundalo, mga kabayo, at mga karwahe. May mga pananggalang sila at nakahelmet, kukubkubin ka nila. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo at parurusahan ka nila kung ano ang sa tingin nila ay nararapat sa iyo.
25Sa tindi ng galit ko sa iyo, inatasan ko silang parusahan ka. At sa galit nilaʼy puputulin nila ang ilong mo at mga tainga. Bibihagin nila ang iyong mga anak, at ang matitira sa iyo ay papatayin nila sa pamamagitan ng espada o apoy.
26Huhubaran ka rin nila at kukunin ang mga alahas mo.
27Matitigil na ang kahalayan mo at pagpapagamit sa iba na sinimulan mo sa Ehipto. Hindi mo na iyon maaalala at makakalimutan mo na ang Ehipto.
28“Sapagkat ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabing ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo; ang mga taong itinakwil mo matapos mong pagsawaan.
29Sa galit nila, parurusahan ka nila at sasamsamin ang lahat ng pinagpaguran mo. Iiwanan ka nilang hubad at makikita ng mga tao ang kahiya-hiya mong kalagayan dahil sa kahalayan mo at pagpapagamit sa iba.
30Iyan ang nagdala sa iyo sa kapahamakan, dahil nakiapid ka sa mga taga-ibang bansa at dinungisan mo ang sarili mo sa pagsamba sa diyos-diyosan nila.
31Tinularan mo ang ginawa ng kapatid mo, kaya parurusahan kita katulad ng pagpaparusa ko sa kanya.
32“Ito sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon :
Parurusahan kita tulad ng
pagpaparusa ko sa iyong kapatid.
Ang parusa koʼy tulad ng inuming
nakalagay sa isang malaki
at malalim na tasa.
At kapag nainom mo
na ang laman ng tasang ito,
ikaʼy kukutyain at pagtatawanan
sapagkat puno ito ng aking galit.
33Malalasing kaʼt malulungkot
dahil ang tasang itoʼy puno
ng kapahamakan.
Ito ang tasa ng paghihirap
na ininom ng kapatid mong Samaria.
34Iinumin mong lahat ang laman nito
at babasagin mo ang tasa.
Dadagukan mo ang iyong dibdib
sa labis na kalungkutan.
Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.
35“Kaya ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon : At dahil kinalimutan mo akoʼt itinakwil, maghihirap ka dahil sa kahalayan mo at sa pagpapagamit mo ng iyong katawan.”
36Muling sinabi sa akin ng Panginoon : “Anak ng tao, hatulan mo sina Ohola at Oholiba. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain.
37Sapagkat nakiapid sila at pumatay. Nakikiapid sila sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyos-diyosan. At ang mga anak nila na itinalaga sa akin nang isilang ay siya mismong inialay nila sa mga diyos-diyosan bilang pagkain nito.
38-39Ito pa ang ginawa nila sa akin: Nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga at ang aking Templo. Nilapastangan nila ang Templo ko sa pamamagitan ng paghahandog ng mga anak nila sa kanilang mga diyos-diyosan.
40“Nagsugo sila ng mga mensahero para sa mga lalaki mula sa malalayong lugar. At nang dumating ang mga lalaki, naligo sila, nagpaganda at nagsuot ng mga alahas.
41Pagkatapos, naupo sila sa magandang higaan na may mesa sa harapan. Naglagay sila sa mesa ng insenso at langis na ihahandog sana sa akin.
42“Maririnig ang ingay ng mga lasing at ng mga taong walang magawa sa buhay, na galing sa ilang. Sinuotan nila ang mga babae ng pulseras at pinutungan ng magandang korona.
43Pagkatapos, sinabi ko sa aking sarili, ‘Sige, magpakasawa na sila sa babaeng iyon na tumanda na sa pakikiapid.’
44At iyon nga ang ginawa nila. Sumiping sila kay Ohola at Oholiba, ang mga babaeng marumi dahil sa kanilang kahalayan.
45Ngunit parurusahan sila ng mga taong matuwid, parusang nararapat sa kanilang pakikiapid at pagpatay.
46“Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Dalhin mo ang mga taong sasalakay sa kanila para takutin sila, sasamsamin ang kanilang mga ari-arian,
47batuhin at patayin sa pamamagitan ng espada. Papatayin ng mga ito pati ang mga anak nila at susunugin pati ang kanilang mga bahay.
48“Sa ganitong paraan, mapapatigil ko ang kahalayan ng bansang ito. At magsisilbi itong babala sa iba na hindi nila dapat tularan ang ginawa ng dalawang babaeng ito.
49At kayong magkapatid, pagdudusahan ninyo ang ginawa ninyong kahalayan, pati na ang kasalanang pagsamba ninyo sa mga diyos-diyosan, at malalaman ninyo na ako, ang Makapangyarihang Panginoon .”