Ezekiel 25

Ang Pahayag Laban sa Amon

1Sinabi sa akin ng Panginoon ,

2“Anak ng tao, humarap ka sa lugar ng Amon at sabihin mo ito laban sa kanya.

3Sabihin mo sa kanyang mga mamamayan na makinig sa akin, dahil ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: ‘Dahil natuwa kayo nang lapastanganin ang aking Templo, nang wasakin ang Israel at bihagin ang mga taga-Juda,

4ipapasakop ko kayo sa mga tao sa silangan at magiging pagmamay-ari nila kayo. Magkakampo sila sa inyo, at kakainin nila ang inyong mga prutas at iinumin ang inyong gatas.

5Gagawin kong pastulan ng mga kamelyo ang lungsod ng Rabba, at ang buong Amon ay gagawin kong pastulan ng mga tupa. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon .

6Sapagkat ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Dahil pumalakpak kayo at lumundag sa tuwa sa pagkutya sa Israel,

7parurusahan ko kayo. Ipapaubaya ko kayo sa ibang bansa upang kunin ang mga ari-arian ninyo. Lilipulin ko kayo at uubusin hanggang wala nang matira sa inyo, at malalaman ninyong ako ang Panginoon .’ ”

Ang Pahayag Laban sa Moab

8Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon , “Ang Moab, na tinatawag ding Seir ay nagsasabing ang Juda ay katulad lang din ng ibang bansa.

9Kaya ipapalusob ko ang mga bayan sa mga hangganan ng Moab, kasama ang ipinagmamalaki nilang bayan ng Bet-jeshimot, Baal-meon at Kiryataim.

10Ipapasakop ko ang mga ito sa mga tao sa silangan at aariin din silang katulad ng mga Amonita. At ang Amon ay hindi na maituturing na isang bansa, ganoon din ang Moab.

11Parurusahan ko ang Moab, at malalaman nila na ako ang Panginoon .”

Ang Pahayag Laban sa Edom

12Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon , “Gumanti ang Edom sa Juda at dahil ditoʼy nagkasala ang Edom.

13Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing, parurusahan ko ang Edom. Papatayin ko ang mga mamamayan at mga hayop niya. Gagawin ko itong tiwangwang, mula sa Teman hanggang sa Dedan. Mamamatay ang mga mamamayan nito sa digmaan.

14Maghihiganti ako sa Edom sa pamamagitan ng mga mamamayan kong Israelita. Parurusahan nila ang mga taga-Edom ayon sa matinding galit ko sa kanila, at malalaman ng mga taga-Edom kung paano ako maghiganti, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .”

Ang Pahayag Laban sa Filistia

15Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon , “Nagplano ang mga Filisteo na paghigantihan ang Juda dahil sa matagal na nilang alitan.

16Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga Filisteo. Papatayin ko ang mga Kereteo pati ang mga nakatira sa tabing-dagat.[#25:16 : Iba pang tawag sa mga Filisteo.]

17Sa aking galit, maghihiganti ako at parurusahan ko sila. At kapag nakapaghiganti na ako sa kanila, malalaman nilang ako ang Panginoon .”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.