Ezekiel 27

Ang Panaghoy tungkol sa Tiro

1Sinabi sa akin ng Panginoon ,

2“Anak ng tao, managhoy ka para sa Tiro,

3ang lungsod na daungan ng mga barko na sentro ng kalakalan ng mga taong nakatira malapit sa dagat. Sabihin mong ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi:[#27:3 : O tabing-dagat.]

‘Ipinagmamalaki mo Tiro,

ang iyong kagandahan

at sinasabi mong wala kang kapintasan.

4Pinalawak mo ang nasasakupan mo sa karagatan.

Talagang pinaganda ka

ng mga nagtayo sa iyo.

5Tulad ka ng isang malaking barko

na gawa sa tablang abeto mula sa Senir.

Ang palo moʼy gawa sa kahoy

na sedro mula sa Lebanon.

6Ang mga sagwan moʼy yari sa kahoy

na ensina mula sa Bashan.

At ang sahig moʼy gawa sa mga kahoy

na galing pa sa isla ng Cyprus

na may disenyong gawa

sa pangil ng elepante.

7Ang layag moʼy gawa

sa binurdahang pinong lino

na mula pa sa Ehipto

at parang bandila kapag tiningnan.

Ang iyong tolda ay kulay asul at ube

na mula sa tabing-dagat ng Elisha.

8Mga taga-Sidon at Arvad ang tagasagwan mo

at ang mga bihasang tripulante

ay nanggaling mismo sa sarili

mong tauhan.

9Ang mga matatanda at bihasang

karpintero na mula sa Gebal

ang taga-ayos ng iyong mga sira.

Pumupunta sa iyo ang mga tripulante

ng ibang mga sasakyan

at sa iyoʼy nakikipagkalakalan.

10“ ‘Ang mga sundalo mo

ay mga taga-Persia, Lydia at Put.

Isinasabit nila ang mga kalasag nila

at helmet sa iyong pader

na nagbibigay ng karangalan sa iyo.

11Mga taga-Arvad at taga-Helek

ang nagbabantay

sa palibot ng iyong mga pader.

At ang mga taga-Gamad

ang nagbabantay ng iyong mga tore.

Isinasabit nila ang kanilang mga kalasag

at mga helmet sa iyong pader,

at nagbibigay din ito ng karangalan sa iyo.

12“ ‘Nakipagkalakalan sa iyo ang Tarsis dahil sagana ka sa kayamanan. Ang ibinayad nila sa iyo ay pilak, bakal, lata at tingga.

13“ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang Gresya, Tubal at Mesec, at ang ibinayad nila sa iyo ay mga tao at mga gamit na yari sa tanso.[#27:13 : Sa Hebreo, Javan.]

14“ ‘Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Bet-togarma ay mga kabayong pantrabaho at mga molang pandigma.

15“ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Dedan at marami kang suki sa mga lugar sa tabing-dagat. At ang ibinayad nila ay mga pangil ng elepante at maiitim at matitigas na kahoy.[#27:15 : Sa Septuagint, Rodes.]

16“ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang Siria dahil sa marami kang produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay batong turkois, telang kulay ube, pinong lino, mga binurdahang tela, mga koral at batong rubi.

17“ ‘Nakipagkalakalan din ang Juda at Israel at ang ibinayad nila sa iyo ay trigo mula sa Minit, igos, pulot, langis, at gamot na ipinapahid.

18“ ‘Nakipagkalakalan din ang Damasco sa iyo dahil sa napakarami mong kayamanan at produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay alak mula sa Helbon at puting telang lana mula sa Zahar.

19Nakipagkalakalan din ang mga taga-Dan at taga-Javan na mula sa Uzal at ang ibinayad nila sa iyo ay mga bakal at mga sangkap.

20“ ‘Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Dedan ay mga telang pangsapin sa likuran ng mga sinasakyang hayop.

21“ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Arabia at lahat ng pinuno sa Kedar. At ang ibinayad nila sa iyo ay mga tupa at kambing.

22“ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga mangangalakal ng Sheba at Raama, at ang ibinayad nila sa iyo ay lahat ng klase ng pinakamainam na sangkap, mga mamahaling bato at ginto.

23“ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Haran, Cane, Eden at Sheba, maging ang mga mangangalakal ng Asur at Kilmad.

24At ang ibinayad nila sa iyo ay mga mamahaling damit, mga asul na tela, mga telang may burda at mga karpet na maayos ang pagkakatahi na may ibaʼt ibang kulay.

25Ang mga barko ng Tarsis ang nagdadala

ng iyong mga produkto.

Ikaʼy punong-puno ng kargamento

habang naglalakbay sa karagatan.

26Ngunit dadalhin ka ng mga tagasagwan

mo sa gitna ng karagatan,

at wawasakin ka ng malakas na hangin

mula sa silangan.

27Ang iyong mga kayamanan at produkto,

mga tripulante, tagasagwan at mga karpintero,

maging ang mga mangangalakal at lahat ng sundalo,

at lahat ng nakasakay sa iyo

ay lulubog sa gitna ng laot

sa oras na ikaʼy mawasak at lumubog.

28Manginginig sa takot ang mga nakatira sa tabing-dagat

kapag narinig nila ang sigawan ng iyong mga mandaragat.

29Iiwan ng mga tagasagwan,

mga tripulante at mga opisyal ng barko

ang kanilang mga sasakyan

at tatayo sa dalampasigan.

30Iiyak sila ng buong pait,

maglalagay ng alikabok sa ulo

at gugulong sa abo upang ipakita ang kanilang pagdadalamhati.

31Magpapakalbo sila at magdadamit ng sako

habang umiiyak sa labis na kapighatian

32Sa pagdadalamhati at pagluluksa nila sa iyo,

ang panaghoy nila ay ganito:

O Tiro, may iba pa bang tulad mo

na lumubog sa gitna ng karagatan?

33Naglayag kang dala ang mga kalakal mo

at maraming bansa ang natuwa sa iyong napakaraming kayamanan.

Pinayaman mo ang mga hari sa mundo

sa pamamagitan ng iyong mga produkto.

34Ngunit ngayon, wasak ka na

at lumubog na sa gitna ng karagatan,

pati ang iyong mga kalakal at mga tripulante.

35Ang lahat ng nakatira sa mga tabing-dagat

ay nagulat sa nangyari sa iyo.

Natakot ang mga hari nila

at kitang-kita ito sa kanilang mga mukha.

36Hindi makapaniwala ang mga mangangalakal ng mga bansa

sa iyong kinahinatnan.

Nakakatakot ang iyong naging wakas,

at nawala ka nang tuluyan.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.