Ezekiel 28

Ang Pahayag Laban sa Hari ng Tiro

1Sinabi sa akin ng Panginoon :

2“Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabi:

‘Sa iyong pagmamataas ay iyong sinasabi

na isa kang diyos

na nakaupo sa trono

sa gitna ng karagatan.

Ngunit ang totoo,

kahit na ang tingin mo sa iyong sarili

ay marunong katulad ng isang diyos,

tao ka lang at hindi diyos.

3Iniisip mong mas marunong ka pa

kaysa kay Daniel

at walang lihim

na hindi mo nalalaman.

4Sa pamamagitan ng iyong karunungan

at pang-unawa ay yumaman ka,

at nakapag-imbak

ng mga ginto at pilak

sa iyong kaban ng kayamanan.

5Dahil mahusay ka sa pangangalakal,

lalo pang nadagdagan

ang iyong kayamanan

at dahil ditoʼy naging mapagmataas ka.

6“ ‘Kaya sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon :

Dahil ang tingin mo sa sarili

ay matalino tulad ng diyos,

7ipapalusob kita sa mga dayuhan,

sa pinakamalulupit na bansa.

Lalabanan ka nila at sisirain

ang iyong ganda at karunungan.

At mawawala ang karangalan mo.

8Masaklap ang magiging kamatayan mo,

at ihahagis ka nila sa kailaliman

ng karagatan.

9Masasabi mo pa kayang isa kang diyos,

sa harap ng mga papatay sa iyo?

Para sa kanila,

ikaw ay tao lang at hindi diyos.

10Kaya mamamatay ka tulad ng pagkamatay

ng mga taong hindi tuli,

sa kamay ng mga dayuhan.

Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.’ ”

11May sinabi pa ang Panginoon sa akin,

12“Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tiro. Sabihin mo sa kanya: ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon :

Noon, larawan ka ng isang walang kapintasan,

puspos ng kaalaman at kagandahan.

13Nasa Eden ka pa noon,

sa halamanan ng Diyos.

Napapalamutian ka

ng ibaʼt ibang mamahaling bato

gaya ng rubi, topaz, esmeralda,

krisolito, onise, haspe, safiro,

turkois at beril.

Napapalamutian ka rin ng ginto

na inihanda para sa iyo

noong araw ng iyong kapanganakan.

14Hinirang kita bilang kerubin

na magbabantay sa banal

na bundok ng Diyos.

Lumalakad ka sa gitna

ng nagniningning na mga bato.

15Walang maipipintas sa iyong pamumuhay

mula pa nang ikaw ay isinilang

hanggang sa maisipan mong

gumawa ng masama.

16Ang pag-unlad mo sa pangangalakal

ang naging dahilan ng iyong

pagmamalupit at pagkakasala.

Kaya pinalayas kita,

tagapagbantay na kerubin

sa banal na bundok ng Diyos;

pinaalis kita mula

sa nagniningning na mga bato.

17Naging mayabang ka

dahil sa iyong kagandahan,

at ang karunungan moʼy iyong ginamit

sa paggawa ng masama

upang maging sikat ka.

Ito ang dahilan kung bakit ibinagsak kita

sa lupa sa harapan ng mga hari,

upang magsilbing babala sa kanila.

18Dahil sa napakarami mong kasalanan

at pandaraya sa pangangalakal,

dinungisan mo ang mga lugar

kung saan ka sumasamba.

Kaya sa harap ng mga nakatingin sa iyo,

sinunog ko iyong ang lugar

at ikaʼy nasunog hanggang

sa maging abo sa lupa.

19At ang lahat ng mga nakakakilala sa iyo

ay nagulat sa iyong sinapit.

Kakila-kilabot ang iyong naging wakas,

at lubusan ka nang mawawala.’ ”

Ang Pahayag Laban sa Sidon

20Sinabi sa akin ng Panginoon :

21“Anak ng tao, humarap ka sa Sidon at sabihin mo ito laban sa kanya;

22sabihin mong: ‘Ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi:

Sidon, kalaban kita

at ipapakita ko ang aking kaluwalhatian.

Pupurihin ako ng mga tao sa oras

na parusahan kita,

at malalaman nila

na ako ang Panginoon .

Sa ganitong paraan malalaman mo

kung gaano ako kabanal.

23Padadalhan kita ng mga salot

at dadanak ang dugo

sa iyong mga lansangan.

Kabi-kabila ang sasalakay sa iyo,

maraming mamamatay

sa mga mamamayan mo.

At malalaman nila

na ako ang Panginoon .

24“ ‘At mawawala na ang mga kalapit-bansa ng Israel na nangungutya sa kanila, na parang mga tinik na sumusugat sa kanilang damdamin. At malalaman nilang ako ang Makapangyarihang Panginoon .

25“ ‘Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon : Titipunin ko na ang mga mamamayan ng Israel mula sa mga bansang pinangalatan nila. Sa pamamagitan ng gagawin kong ito, maipapakita ko ang aking kabanalan sa mga bansa. Titira na sila sa sarili nilang lupain, ang lupaing ibinigay ko sa aking lingkod na si Jacob.

26Ligtas silang maninirahan doon. Magtatayo sila ng mga bahay at magtatanim ng mga ubas. Wala nang manggugulo sa kanila kapag naparusahan ko na ang lahat ng kalapit nilang bansa na kumukutya sa kanila. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Diyos.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.