The chat will start when you send the first message.
1Noong ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan, nang ikasampung taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon :
2“Anak ng tao, humarap ka sa Ehipto, at magpropesiya ka laban sa Faraon na hari ng Ehipto at sa mga tagaroon.
3Sabihin mong ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito:
Kalaban kita,
O Faraon, hari ng Ehipto.
Para kang malaking buwaya
na nagbababad sa ilog.
Sinasabi mong ikaw
ang may-ari ng ilog Nilo,
at ginawa mo ito para sa iyong sarili.
4Ngunit kakawitan ko
ng kawil ang iyong panga,
at hihilahin kita paahon sa tubig
pati na ang mga isdang nakakapit
sa iyong mga kaliskis.
5Itatapon kita sa ilang
ikaw, pati na ang mga isda ng iyong ilog.
Ikaw ay babagsak at hahandusay sa lupa
at walang kukuha upang maglilibing sa iyo.
Ipapakain kita sa mga mababangis
na hayop at sa mga ibon doon.
6Malalaman ng lahat ng nakatira sa Ehipto na ako ang Panginoon .
“ ‘Sapagkat para kang isang marupok na tungkod na gawa sa tambo para sa mga mamamayan ng Israel.
7Nang humawak sila sa iyo, nabiyak ka at nasugatan ang mga bisig nila. Nang sumandal sila sa iyo, nabali ka kaya nabuwal sila at napilayan.
8“ ‘Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing: Ipapasalakay kita sa mga tao na papatay sa mga mamamayan at mga hayop mo.
9Magiging tiwangwang ang Ehipto at malalaman ninyong ako ang Panginoon .
“ ‘At dahil sinabi mong sa iyo ang Ilog ng Nilo at ikaw ang gumawa nito,
10kalaban kita at ang iyong ilog. Wawasakin ko ang Ehipto at magiging tiwangwang ito mula sa Migdol papuntang Aswan, hanggang sa hangganan ng Etiopia.[#29:10 : O Seyene.; #29:10 : Sa Hebreo, Cush.]
11Walang tao o hayop na dadaan o titira man doon sa loob ng apatnapung taon.
12Gagawin kong tiwangwang na lugar ang Ehipto sa lahat ng bansa. Ang mga lungsod niya ay magiging pinakamalungkot sa lahat ng lungsod sa loob ng apatnapung taon. At ikakalat ko ang mga taga-Ehipto sa ibaʼt ibang bansa.
13“ ‘Ngunit sinabi rin ng Makapangyarihang Panginoon : Pagkalipas ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga taga-Ehipto mula sa mga bansang pinangalatan nila.
14Muli ko silang ibabalik sa Patros sa gawing timog ng Ehipto na siyang lupain ng kanilang mga ninuno. Ngunit magiging mahinang kaharian lang sila.
15Sila ang magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian at kahit kailan ay hindi na sila makakahigit sa ibang bansa dahil gagawin ko silang pinakamahinang kaharian. At hindi na sila makakapanakop ng ibang bansa.
16Hindi na muling magtitiwala sa kanya ang mga mamamayan ng Israel. Ang nangyari sa Ehipto ay magpapaalala sa Israel ng kanyang kasalanan na paghingi ng tulong sa Ehipto. At malalaman ng mga Israelita na ako ang Makapangyarihang Panginoon .’ ”
17Noong unang araw ng unang buwan, nang ikadalawampuʼt pitong taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon ,
18“Anak ng tao, ang mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay nakipaglaban sa mga sundalo ng Tiro hanggang sa makalbo sila, at magkapaltos-paltos na ang mga balikat nila sa paglilingkod pero wala ring nangyari. Hindi nakuha ni Nebucadnezar at ng mga sundalo niya ang Tiro.
19Ngunit ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing: Ipapasakop ko ang Ehipto kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Sasamsamin niya ang lahat ng kayamanan ng Ehipto bilang bayad sa mga sundalo niya.
20Ibibigay ko sa kanya ang Ehipto bilang gantimpala sa pagpapagal na ginawa niya at ng mga sundalo niya para sa akin, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .
21“Ezekiel, sa oras na mangyari ito, muli kong palalakasin ang Israel. At malalaman ng mga Israelita na totoo ang sinabi mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon .”