The chat will start when you send the first message.
1Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang kasulatang ito; puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at magsalita ka sa kanila.”
2Kaya ibinuka ko ang aking bibig at isinubo niya sa akin ang nakarolyong kasulatan.
3Sinabi niya sa akin, “Sige, anak ng tao, kainin mo iyan at magpakabusog ka.” Kinain ko ang nakarolyong kasulatan, matamis ang lasa nito gaya ng pulot.
4Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at sabihin mo sa kanila ang ipinasasabi ko sa iyo.
5Hindi kita isinusugo sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, kundi sa mga mamamayan ng Israel.
6Sapagkat kung susuguin kita sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, tiyak na pakikinggan ka nila.
7Ngunit ang mga mamamayan ng Israel ay hindi makikinig sa iyo, dahil ayaw nilang makinig sa akin. Lahat sila ay matitigas ang ulo at mga lapastangan.
8Ngunit gagawin kitang mas matigas at mas manhid kaysa sa kanila
9katulad ng isang batong matigas. Kaya huwag kang matatakot sa kanila, dahil nalalaman mo na rebelde silang mamamayan.”
10Sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, makinig kang mabuti at isapuso ang lahat ng sinasabi ko sa iyo.
11Puntahan mo ang iyong mga kababayang kasama mong binihag at sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Makapangyarihang Panginoon ,’ makinig man sila o hindi, sabihin mo ang ipinasasabi ko.”
12Pagkatapos, binuhat ako ng Espiritu at may narinig akong tinig na dumadagundong sa likuran ko na nagsasabi, “Purihin ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa langit.”
13At narinig ko rin ang pagaspas ng mga pakpak ng apat na buháy na nilalang at ang ingay ng mga gulong na parang ingay ng malakas na lindol.
14Binuhat ako ng Espiritu at dinala sa malayo. Masamang-masama ang loob ko at galit na galit, pero tinulungan akong magtimpi ng Panginoon .
15Nakarating ako sa Tel Abib, sa tabi ng Ilog ng Kebar, sa tinitirhan ng mga bihag. Nanatili ako roon sa loob ng pitong araw. Nabigla ako sa mga bagay na nakita ko.
16Pagkatapos ng pitong araw, sinabi sa akin ng Panginoon ,
17“Anak ng tao, ginawa kitang bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya ang anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila.
18Kapag sinabi kong mamamatay ang taong masama, pero hindi mo siya binalaan o pinagsabihang lumayo sa kasamaan upang maligtas, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan at pananagutan mo sa akin ang kamatayan niya.
19Ngunit kung pinagsabihan mo siya at hindi siya lumayo sa kasamaan, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan, pero wala kang pananagutan sa akin.
20Kapag ang taong matuwid ay tumalikod sa kanyang pagiging matuwid at hahayaan ko siya sa ganoong kalagayan, mamamatay siya. Kung hindi mo siya pinagsabihan, mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan at hindi ko aalalahanin ang kanyang mabubuting gawa. Ngunit pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan.
21Ngunit kung pinagsabihan mo siyang tumigil na sa pagkakasala at nakinig sa iyo, hindi siya mamamatay at wala kang pananagutan sa akin.”
22Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at sinabi niya sa akin, “Tumayo kaʼt pumunta sa kapatagan, dahil may sasabihin ako sa iyo roon.”
23Kaya pumunta agad ako sa kapatagan at nakita ko ang makapangyarihang presensya ng Panginoon katulad ng nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar at akoʼy nagpatirapa.
24Pagkatapos, pinuspos ako ng Espiritu, pinatayo at sinabihan, “Umuwi ka at magkulong sa bahay mo!
25At ikaw, anak ng tao, ay gagapusin doon ng lubid upang hindi mo makasama ang mga kababayan mo.
26Gagawin kitang pipi upang hindi mo mapagsabihan ang mga rebeldeng mamamayang ito.
27Ngunit sa oras na kausapin kita, makakapagsalita kang muli. At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Makapangyarihang Panginoon .’ May mga makikinig sa iyo ngunit mayroon ding hindi makikinig dahil mga rebelde silang mamamayan.”