The chat will start when you send the first message.
1Noong unang araw ng ikatlong buwan, nang ikalabing-isang taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon ,
2“Anak ng tao, ito ang sabihin mo sa Faraon na hari ng Ehipto at sa mga mamamayan niya:
‘Kanino ko kaya maihahalintulad
ang iyong kapangyarihan?
3Ah, maihahalintulad kita sa Asiria,
ang bansa na parang puno ng sedro
sa Lebanon.
Ang punong itoʼy may magaganda
at malalagong sanga na nagbibigay-lilim
sa ibang mga puno
at naging mataas na halos kapantay
ng mga ulap.
4Sagana ito sa tubig
mula sa malalim na bukal
na nagpapalago sa kanya,
at umaagos sa lahat ng puno
sa buong kagubatan.
5Kaya ang punong itoʼy mas mataas
kaysa sa lahat ng puno sa kagubatan.
Ang mga sanga ay mahahaba
at ang mga dahon ay mayayabong
dahil sagana sa tubig.
6Ang lahat ng klase ng ibon
ay nagpugad sa kanyang mga sanga,
ang lahat ng hayop sa gubat
ay nanganak sa ilalim ng kanyang puno,
at ang lahat ng tanyag na bansa
ay sumilong sa kanyang lilim.
7Napakaganda ng punong ito.
Mahahaba ang sanga
at mayayabong ang dahon,
sapagkat ang mga ugat ay malalalim
at umaabot sa maraming tubig.
8Ang mga puno ng sedro
sa halamanan ng Diyos
ay hindi makakapantay sa kanya.
Kahit ang mga puno ng abeto
at puno ng platano
ay hindi maihahambing sa kagandahan
ng kanyang mga sanga.
Hindi maihahalintulad sa anumang puno
sa halamanan ng Diyos
ang kagandahan ng punong ito.
9Pinaganda ng Diyos ang punong ito
sa pamamagitan ng maraming sanga.
Kaya nainggit sa kanya
ang lahat ng puno sa Eden,
ang halamanan ng Diyos.
10“ ‘Kaya sinabi ng Makapangyarihang Panginoon : Dahil naging mapagmataas ang punong ito at higit na mataas kaysa ibang punongkahoy, at ipinagmamalaki niya ang kanyang sarili,
11kaya ibibigay ko siya sa pinuno ng mga makapangyarihang bansa. At tiyak na paparusahan siya ayon sa kasamaan niya. Oo, itatakwil ko siya;
12puputulin siya ng mga malulupit na dayuhan at pagkatapos ay pababayaan. Mangangalat ang mga putol na sanga niya sa mga bundok, lambak at mga ilog. At iiwan siya ng mga bansang sumilong sa kanya.
13Ang mga ibon sa himpapawid ay dadapo sa naputol na puno at ang mga hayop sa gubat ay magpapahinga sa mga sanga niyang nagkalat sa lupa.
14Kaya simula ngayon wala nang punong tataas pa sa ibang malagong mga punongkahoy, kahit sagana pa ito sa tubig. Sapagkat ang lahat ng puno ay mamamatay katulad ng tao, at pupunta sa ilalim ng lupa.
15“ ‘Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon : Kapag dumating na ang araw na ang punong itoʼy pupunta na sa lugar ng mga patay, patitigilin ko ang pag-agos ng mga bukal sa ilalim. Tanda ito ng pagluluksa. Kaya hindi na aagos ang mga ilog, at mawawala ang maraming tubig. Dahil dito, magdidilim sa Lebanon at malalanta ang mga punongkahoy.[#31:15 : Sa Hebreo, Sheol.]
16Manginginig sa takot ang mga bansa kapag narinig nila ang pagbagsak ng punong ito sa oras na dalhin ko na ito sa lugar ng mga patay, upang makasama niya ang mga namatay na. Sa gayon, ang lahat ng puno sa Eden at ang lahat ng magaganda at piling puno ng Lebanon na natutubigang mabuti ay matutuwa roon sa ilalim ng lupa.
17Ang mga bansang sumisilong at kumakampi sa kanya ay sasáma rin sa kanya roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga namatay sa digmaan.
18“ ‘Sa anong puno sa Eden maihahambing ang kagandahan mo at kapangyarihan, Faraon? Ngunit ihuhulog ka rin sa ilalim ng lupa kasama ng mga puno ng Eden. Doon ay magkakasama kayo ng mga taong hindi tuli na namatay sa digmaan.
“ ‘Iyan ang mangyayari sa Faraon at sa mga tauhan niya. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.’ ”