The chat will start when you send the first message.
1Noong unang araw ng ikalabindalawang buwan, nang ikalabindalawang taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon :
2“Anak ng tao, managhoy ka para sa Faraon, ang hari ng Ehipto. Sabihin mo sa kanya:
‘Ang akala moʼy isa kang leon
na parooʼt parito sa mga bansa.
Ngunit ang totooʼy tulad ka ng isang buwayang
lumalangoy sa sarili mong ilog.
Kinakalawkaw ng iyong mga paa ang tubig
at itoʼy lumalabo dahil sa putik.
3“ ‘Kaya ito ang sinasabi
ng Makapangyarihang Panginoon sa iyo:
Huhulihin kita gamit ang aking lambat
at ipakakaladkad sa maraming tao.
4Pagkatapos ay itatapon kita sa lupa,
at ipapakain sa mga ibon
at mga hayop sa gubat.
5Ang iyong laman ay aking ikakalat
sa mga kabundukan at mga lambak.
6Didiligan ko ng dugo mo ang lupain,
gayon din ang kabundukan
at padadaluyin ko ito
sa mga daanan ng tubig.
7Kapag napuksa na kita nang tuluyan,
tatakpan ko ang langit ng makapal na ulap,
at padidilimin ang mga bituin.
Tatakpan ko rin ang araw
at ang buwan ay hindi makapagbibigay
ng liwanag nito.
8Padidilimin ko ang lahat
ng nagliliwanag sa langit.
Kaya magdidilim sa buong lupain mo,
Ako, ang Makapangyarihang Panginoon ,
ang nagsasabi nito.
9Maguguluhan ang mga mamamayan
ng mga bansang hindi mo kilala
kapag nalaman nilang winasak na kita.
10Maraming tao ang masisindak
sa gagawin ko sa iyo,
pati ang mga hari nila
ay manginginig sa takot.
Manginginig ang bawat isa sa kanila
kapag iwinasiwas ko sa kanilang harapan
ang espada ko sa oras ng iyong pagkawasak.
11“ ‘Sapagkat ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon :
Ang espada ng hari ng Babilonia
ay sasalakay laban sa iyo.
12Ipapapatay ko ang iyong mga mamamayan
sa pamamagitan ng espada
ng mga makapangyarihang tao
na siyang pinakamalulupit sa lahat ng bansa.
Lilipulin nila ang lahat ng tao
sa Ehipto
at ang mga bagay na ipinagmamalaki
ng bansang ito.
13Papatayin ko ang lahat ng hayop sa Ehipto
na nanginginain sa tabi ng ilog.
Kaya wala nang hayop
o taong magpapalabo ng tubig nito.
14Palilinawin ko ang tubig nito,
at tuloy-tuloy itong aagos na parang langis,
sabi ng Makapangyarihang Panginoon .
15Kapag ginawa ko nang tiwangwang ang Ehipto
at nawasak ko na ang lahat,
at kapag nalipol ko na rin ang mga nakatira rito,
malalaman nila na ako ang Panginoon .’
16“Ito ang panaghoy ng mga bansa para sa Ehipto at sa mga mamamayan nito, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .”
17Noong ikalabindalawang taon, nang ikalabinlimang araw ng buwan ding iyon, sinabi sa akin ng Panginoon ,
18“Anak ng tao, magluksa ka para sa mga mamamayan ng Ehipto at sa iba pang makapangyarihang bansa. Dahil ihuhulog ko sila sa kailaliman ng lupa kasama ng mga namatay na.
19Sabihin mo sa kanila, ‘Nakakahigit ba kayo kaysa sa iba? Kayo rin ay ihuhulog doon sa ilalim ng lupa kasama ng mga hindi tuli
20na namatay sa digmaan.’ Mamamatay ang mga taga-Ehipto dahil nakahanda na ang espada ng mga kaaway na papatay sa kanila. Ang Ehipto at ang mga mamamayan niya ay kakaladkarin patungo sa kapahamakan.
21Buong galak silang tatanggapin ng mga makapangyarihang pinuno ng Ehipto at mga kakampi niyang bansa roon sa lugar ng mga patay. Sasabihin nila, ‘Bumaba rin sila rito! Kasama na nila ngayon ang mga hindi tuli na namatay sa digmaan.’
22-23“Naroon din ang hari ng Asiria na napapaligiran ng libingan ng mga sundalo niyang namatay sa digmaan. Ang mga libingan nila ay naroon sa pinakamalalim na bahagi ng kailaliman. Ang mga taong itoʼy naghasik ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila.
24“Naroon din ang hari ng Elam. Ang libingan naman niya ay napapaligiran ng libingan ng kanyang mga tauhan. Namatay silang lahat sa digmaan. Nagsibaba sila roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi tuli. Noong nabubuhay pa sila, naghasik sila ng takot sa mga tao sa daigdig, pero ngayon, inilalagay sila sa kahihiyan kasama ng ibang mga namatay na.
25May himlayan din doon ang hari ng Elam kasama ng mga namatay sa digmaan. Ang libingan niya ay napapalibutan ng libingan ng kanyang mga tauhan. Lahat sila ay hindi tuli at silang lahat ay namatay din sa digmaan. Naghasik sila ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila. Ngunit inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay kasama ng mga namatay sa digmaan.
26“Naroon din ang hari ng Mesec at ng Tubal. Napapalibutan din ang libingan nila ng libingan ng kanilang mga tauhan. Silang lahat ay hindi tuli, at namatay din sa digmaan. Kinatatakutan sila noong nabubuhay pa sila.
27Hindi sila binigyan ng marangal na libing katulad ng mga tanyag na mandirigma na hindi tuli, na noong inilibing ay nasa ulunan nila ang kanilang espada at ang kanilang pananggalang ay nasa kanilang dibdib. Ngunit noong nabubuhay pa sila kinatatakutan din sila ng mga tao.
28“At ikaw, Faraon, ay mamamatay din at mahihimlay kasama ng mga hindi tuli na namatay sa digmaan.
29“Naroon din sa lugar ng mga patay ang hari ng Edom at ang lahat ng pinuno niya. Makapangyarihan sila noon, pero ngayon, nakalibing na sila kasama ng mga hindi tuli na namatay sa digmaan.[#32:29 : O Sheol.]
30“Naroon din ang mga Sidoneo at ang lahat ng pinuno ng mga bansa sa hilaga. Kinatatakutan din sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila dahil sa kapangyarihan nila, pero ngayon, inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi tuli na namatay sa digmaan.
31Kapag nakita na ng Faraon ang mga namatay doon sa lugar ng mga patay, masisiyahan siya at ang mga sundalo niya dahil hindi lang sila ang namatay sa digmaan, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .
32Kahit ipinahintulot kong katakutan sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila, mamamatay sila kasama ng mga hindi tuli na namatay sa digmaan, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .”