1Sinabi ng Panginoon , “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bundok ng Israel. Sabihin mo sa kanila, ‘O kabundukan ng Israel, makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon .
2Ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon : Sinabi ng mga kalaban ninyo na sa kanila na ang mga bundok ninyo.’
3Kaya anak ng tao, sabihin mo sa kabundukan ng Israel na ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabi: Sinalakay kayo ng mga bansa mula sa ibaʼt ibang dako at sila ngayon ang nagmamay-ari sa inyo. Kinutya nila kayo at inilagay sa kahihiyan.
4Kaya mga kabundukan ng Israel, pakinggan ninyo ang sasabihin ng Panginoon : Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon sa mga bundok, burol, mga daluyan ng tubig, lambak, mga gibang lugar at tiwangwang na bayan na sinalakay at kinutya ng mga bansa sa palibot ninyo.
5Ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing: Labis ang galit ko sa mga bansang iyon, lalung-lalo na sa Edom. Sinakop nila ang aking lupain nang may katuwaan at pangungutya, dahil talagang gusto nilang mapunta sa kanila ang mga pastulan nito.
6Kaya anak ng tao, magsalita ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, daluyan ng tubig at lambak, na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: Tiniis ninyo ang pangungutya ng mga bansa sa palibot ninyo. Kaya dahil sa matindi kong galit,
7ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay sumusumpang mapapahiya rin ang mga bansang iyon.
8“Ngunit kayong mga bundok ng Israel, tutubuan kayo ng mga punongkahoy na mamumunga para sa mga mamamayan kong Israel, dahil malapit na silang umuwi.
9Makinig kayo! Aalagaan ko kayo. Bubungkalin at tataniman ko ang mga lupa ninyo.
10Pararamihin ko kayo, kayong mga mamamayan ng Israel. Muling itatayo at titirhan ang mga nawasak ninyong mga bayan.
11Pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa inyo. Patitirahin ko silang muli sa lupain ninyo katulad noon at pauunlarin ko kayo ng higit pa kaysa sa dati, at malalaman ninyong ako ang Panginoon .
12Ibabalik ko ang mga mamamayan kong Israel sa inyo. Sila ang magmamay-ari sa inyo, at hindi nʼyo na muling kukunin ang mga anak nila.”
13“Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon : Sinasabi ng mga tao sa inyo na nilalapa ninyo ang inyong mga mamamayan at inuulila ninyo sa kabataan ang inyong bansa.
14Ngunit mula ngayon, hindi na ninyo lalapain ang inyong mga mamamayan at hindi na ninyo uulilain sa kabataan ang inyong bansa. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.
15Hindi ko na papayagang kutyain o hiyain kayo ng ibang mga bansa. At hindi ko na rin papayagang mawasak ang bansa ninyo, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .”
16At muling sinabi ng Panginoon sa akin:
17“Anak ng tao, noong ang mga Israelita ay nakatira pa sa lupain nila, dinungisan nila ito sa pamamagitan ng masasama nilang ugali at pamumuhay. Sa aking paningin, ang kanilang uri ng pamumuhay ay kasindumi ng babaeng may buwanang dalaw.
18Kaya ibinuhos ko sa kanila ang galit ko, dahil sa mga pagpatay nila roon sa lupain ng Israel, at dahil sa pagsamba nila sa mga diyos-diyosan na siyang nagparumi sa lupaing ito.
19Ikinalat ko sila sa ibang mga bansa. Ginawa ko sa kanila ang nararapat ayon sa mga ugali at pamumuhay nila.
20At kahit saanmang bansa sila pumunta ay ipinapahiya nila ang banal kong pangalan. Sapagkat sinasabi ng mga tao, ‘Sila ang mga mamamayan ng Panginoon , pero pinaalis niya sila sa kanilang lupain.’
21Nag-alala ako sa aking banal na pangalan na inilagay ng mga mamamayan ng Israel sa kahihiyan saang bansa man sila pumunta.
22“Kaya sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ako ang nagsasabi, ‘O mga mamamayan ng Israel, pinababalik ko na kayo sa lupain ninyo, hindi dahil karapat-dapat kayong pabalikin, kundi dahil sa banal kong pangalan na nilalapastangan dahil sa inyo, saan mang bansa kayo mapunta.
23Ipapakita ko ang kabanalan ng marangal kong pangalan sa mga bansa kung saan nilapastangan ninyo ito. At malalaman ng mga bansang iyon na ako ang Panginoon kapag ipinakita ko sa kanila ang aking kabanalan sa pamamagitan ng gagawin ko sa inyo. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.
24“ ‘Sapagkat kukunin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at pababalikin ko kayo sa sarili ninyong lupain.
25Wiwisikan ko kayo ng malinis na tubig nang maging malinis kayo sa lahat ng karumihan ninyo at hindi na kayo sasamba sa mga diyos-diyosan.
26Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. At ang matitigas ninyong puso ay magiging pusong masunurin.
27Ibibigay ko rin sa inyo ang aking Espiritu upang maingat ninyong masunod ang mga utos koʼt mga tuntunin.
28Titira kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Magiging mga mamamayan ko kayo at magiging Diyos ninyo ako.
29Lilinisin ko kayo sa lahat ng inyong karumihan. Bibigyan ko kayo ng napakaraming butil at hindi na kayo magugutom.
30Pagbubungahin ko ng marami ang mga punongkahoy ninyo at pasasaganain ang mga ani ninyo upang hindi na kayo hamakin ng mga taga-ibang bansa dahil sa dinanas ninyong gutom.
31At maaalala ninyo ang inyong masasamang ugali at pamumuhay. Kasusuklaman ninyo ang inyong mga sarili dahil sa inyong mga kasalanan at kasuklam-suklam na ginawa.
32Ngunit mga mamamayan ng Israel, nais kong malaman ninyo na ang lahat ng itoʼy ginagawa ko hindi dahil sa inyo. Dapat ninyong ikahiya ang masasama ninyong pag-uugali, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .’
33“Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon : Kapag nalinis ko na kayo sa lahat ng kasalanan ninyo, patitirahin ko kayong muli sa lungsod ninyo, at muli ninyong itatayo ang mga bayan na nawasak.
34Ang mga lupaing walang pakinabang noon ay bubungkalin na ngayon. At ang lahat ng makakakita nito
35ay magsasabi, ‘Ang lupaing walang pakinabang noon, ngayon ay parang hardin na ng Eden. Ang mga lungsod na giba at tiwangwang noon, ngayon ay tinitirhan at napapaderan na.’
36At malalaman ng mga bansang nakatira sa palibot ninyo na ako ang Panginoong nagtayo ng mga nawasak at nagtanim sa mga ilang na lupain. Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito, at gagawin ko ito.”
37“Patuloy pang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon : Pakikinggan kong muli ang mga kahilingan ng mga mamamayan ng Israel, at ito pa ang gagawin ko sa kanila: Gagawin kong kasingdami ng mga kawan ng tupa ang mga mamamayan.
38Pararamihin ko sila na kasindami ng mga kawan ng tupa na inihahandog sa Jerusalem sa panahon ng pista. Kaya ang mga nawasak na lungsod ay titirhan na ng maraming tao. At malalaman nila na ako ang Panginoon .”