Ezekiel 39

Ang Pagbagsak ni Gog at ng kanyang mga Kawal

1“Anak ng tao, magsalita ka laban kay Gog. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: Gog, kalaban kita, ikaw na pinuno ng Mesec at Tubal.

2Paiikutin kita at hihilahin mula sa hilaga hanggang makarating ka sa bundok ng Israel.

3Pagkatapos, kukunin ko ang mga armas mo, at malalaglag ang mga pana sa iyong kanang kamay.

4Mamamatay ka at ang lahat ng sundalo mo, pati na ang mga bansang kasama mo roon sa bundok ng Israel. Ipapakain ko ang mga bangkay ninyo sa ibaʼt ibang uri ng ibong mandaragit at sa mababangis na hayop.

5Mamamatay kayo sa kapatagan dahil ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.

6“Susunugin ko ang Magog at ang mga katabi niyang bansa na malapit sa tabing-dagat, kung saan mamumuhay nang mapayapa ang mga mamamayan. At malalaman nila na ako ang Panginoon .

7“Ipapakilala ko sa mga mamamayan kong Israelita na banal ang pangalan ko, at hindi ko na papayagang lapastanganin ito. At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon , ang Banal na Diyos ng Israel.

8Sinasabi ko na darating ang araw na iyon. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.

9“Kapag dumating na ang araw na iyon, titipunin ng mga mamamayan ng Israel na nakatira sa mga bayan ang mga sandata ninyong pandigma. Ang malalaki at maliliit na kalasag, mga pana, palaso at sibat, at gagamitin nila itong panggatong sa loob ng pitong taon.

10Hindi na nila kailangang mangahoy pa sa mga parang o kagubatan dahil may mga sandata silang pagdigma na gagawing panggatong. Sasamsaman din nila silang mga sumamsam sa mga ari-arian nila, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .

11“Sa panahong iyon, ililibing ko si Gog at ang napakarami niyang tauhan doon sa Israel, sa lambak ng mga manlalakbay, sa gawing silangan ng Dagat na Patay. Napakalawak ng libingang iyon. Kaya hindi na makakadaan doon ang mga naglalakbay. At tatawagin itong Lambak ng Hukbo ni Gog.[#39:11 : Sa Hebreo, Hamon Gog. Ganito rin sa talata 15|EZK 39:15.]

12“Aabot ng pitong buwan ang paglilibing sa kanila ng mga Israelita. Sa ganitong paraan ay malilinis ang lupain.

13Ang lahat ng mga mamamayan ay tutulong sa paglilibing. Hinding-hindi makakalimutan ng mga Israelita ang araw na iyon dahil sa ganitong paraan ay mapaparangalan ako. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.

14Pagkaraan ng pitong buwan, may mga taong susuguin na ito lang ang gagawin: Susuyurin nila ang lugar na iyon upang tingnan kung may natitira pang nagkalat na bangkay at ipapalibing nila ito upang malinis ang lupain.

15Kapag may nakita pa silang mga kalansay ng tao, lalagyan nila ito ng tanda upang makita ng mga maglilibing at upang mailibing nila sa Lambak ng Hukbo ni Gog.

16May bayang malapit doon na tatawaging Hamonah o Maraming Tao. Sa ganitong paraan nila lilinisin ang lupain.”

17“Anak ng tao, ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Tawagin mo ang bawat uri ng ibon at mababangis na hayop: ‘Pumarito kayo at magsama-sama mula sa lahat ng dako dahil maghahanda ako ng isang piging sa kabundukan ng Israel at marami akong ihahandog doon na makakain nila.

18Kakain sila ng laman at iinom ng dugo ng matatapang na mga sundalo at pinuno na parang kumakain lang sila ng tupa, baka at kambing na pinataba mula sa Bashan.

19Sa piging na ito na ihahanda ko para sa kanila, magsasawa sila sa pagkain at pag-inom hanggang sa mabusog at malasing ang mga ito.

20Mananawa sila sa pagkain ng mga kabayo, mangangabayo, at matatapang na sundalo,’ sabi ng Makapangyarihang Panginoon .

21“Kapag pinarusahan ko na ang mga bansa, makikita nila kung gaano kalakas ang aking kapangyarihan.

22At mula sa araw na iyon, malalaman ng mga mamamayan ng Israel na ako ang Panginoon nilang Diyos.

23At malalaman din ng ibang bansa na ang mga mamamayan ng Israel ay binihag dahil sa mga kasalanan nila, dahil hindi sila sumunod sa akin. Kaya pinabayaan ko silang salakayin at patayin ng mga kaaway.

24Ginawa ko lang sa kanila ang nararapat, ayon sa ginawa nilang kasamaan at karumihan.”

25“Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon : Kahahabagan ko na ang mga mamamayan ng Israel, ang lahi ni Jacob. Muli ko silang pauunlarin, upang maparangalan ang banal kong pangalan.[#39:25 : O Ibabalik ko sila sa lupain nila mula sa pagkabihag.]

26Makakalimutan na rin nila ang kahihiyang sinapit nila at pagtataksil sa akin kapag naninirahan na silang payapa at walang ligalig sa lupain nila.

27Ipapakita ko ang kabanalan ko sa mga bansa kapag nakuha ko na ang mga Israelita sa mga bansang kaaway nila.

28At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Diyos. Sapagkat kahit ipinabihag ko sila sa ibang mga bansa, ibinalik ko rin silang lahat sa lupain nila at wala akong iniwan kahit isa.

29Hindi ko na sila pababayaan dahil ipapadala ko ang aking Espiritu sa mga mamamayan ng Israel, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.