Ezekiel 41

1Pagkatapos, dinala ako ng tao sa Banal na Lugar ng Templo. Sinukat niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Banal na Lugar, sampung talampakan ang taas,

2walong talampakan ang kapal ng pader at labingwalong talampakan ang lawak ng daanan. Sinukat din niya ang bulwagan ng Banal na Lugar, pitumpung talampakan ang haba at tatlumpuʼt limang talampakan ang lawak.

3Pagkatapos, pumasok ang tao sa Pinakabanal na Lugar. Sinukat din niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Pinakabanal na Lugar, tatlong talampakan ang kapal ng pader at labindalawang talampakan ang taas. Sampung talampakan ang luwang ng daanan.

4Sinukat niya ang bulwagan ng Pinakabanal na Lugar, at tatlumpuʼt limang talampakan ang haba nito ganoon din ang luwang. Pagkatapos, sinabi ng tao sa akin, “Ito ang Pinakabanal na Lugar.”

5Pagkatapos, sinukat ng tao ang pader ng Templo at ang kapal nito ay sampung talampakan. Sa labas ng pader na ito na nakapaligid sa Templo ay may sunod-sunod na silid na tig-pipitong talampakan ang luwang.

6May tatlong palapag ang mga silid na ito at bawat palapag ay may tatlumpung silid. Ang bawat palapag ay nakapatong sa malapad na parang biga sa gilid ng pader ng Templo. Kaya hindi na nito kailangan ng mga biga.

7Ang pader ay papanipis mula sa ibaba pataas, kaya ang mga silid ay unti-unting lumuluwang mula sa unang palapag hanggang sa pangatlong palapag. May hagdanan mula sa unang palapag papunta sa ikalawang palapag hanggang sa ikatlong palapag.

8Nakita ko ang Templo na nakapatong sa pundasyon na ang sukat ay labing-isang talampakan ang taas, at ito rin ang pundasyon ng mga silid sa gilid ng Templo.

9Ang pader sa bandang labas ng mga silid ay walong talampakan ang kapal. May bukas na bahagi sa pagitan ng mga silid na ito

10at sa ibang silid na may luwang na tatlumpuʼt limang talampakan at nakapaikot sa Templo.

11May dalawang pinto papunta sa mga silid sa gilid mula sa bukas na bahagi, ang isa ay sa gawing hilaga at ang isa ay sa gawing timog. Ang tapat ng bakanteng lugar ay may daanan na ang luwang ay walong talampakan.

12May nakita akong isang gusali na nakaharap sa bakuran ng Templo sa kanluran. Ang lawak ng gusaling ito ay 123 talampakan, at ang haba ay 158 talampakan, at ang kapal ng pader ay walong talampakan.

13Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba ng Templo, at itoʼy 175 talampakan. Ang sukat mula sa likurang bahagi ng Templo papunta sa kabilang bahagi ng pader ng gusali sa kanluran ay 175 talampakan.

14Ang luwang ng bulwagan sa loob sa gawing silangan, sa harap ng Templo ay 175 talampakan din.

15Pagkatapos, sinukat din ng tao ang haba ng gusali sa kanluran na nakaharap sa loob ng bulwagan na likod ng Templo, pati ang mga pader sa bawat tabi nito, at ito ay may sukat na 175 talampakan. Ang Banal na Lugar, ang Pinakabanal na Lugar, at ang balkonahe ng Templo

16ay nababalot ng tabla, pati ang palibot ng maliliit na bintana. Ang tatlong silid sa magkabilang daanan ay nababalot din ng tabla mula sa sahig hanggang bintana. Ang mga bintanang ito ay maaaring isara.[#41:16 : Ganito sa tekstong Septuagint. Sa tekstong Hebreo, ang sahig sa silong ng pintuan.]

17Ang dingding sa itaas ng pinto na papunta sa Pinakabanal na Lugar ay nababalot din ng mga tabla. Ang buong dingding sa loob ng Templo

18ay napapalamutian ng mga nakaukit na punong palma at mga kerubin na may dalawang mukha.

19Ang isang kerubin ay mukha ng taong nakaharap sa palmera at ang isa naman ay mukha ng leon na nakaharap din sa kabilang palma. Nakaukit ang mga ito sa lahat ng dingding ng Templo.

20Mula sa sahig hanggang sa itaas, nakaukit ang kerubin at mga palmera pati na sa dingding sa labas ng Banal na Lugar.

21Parisukat ang hamba ng pinto ng Banal na Lugar. Sa harap ng pinto ng Banal na Lugar ay may parang

22altar na kahoy na limang talampakan ang taas at tatlong talampakan ang haba at tatlo ring talampakan ang luwang. Ang mga sulok, sahig at mga gilid ay puro kahoy. Sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mesa sa harap ng Panginoon .”

23Ang Banal na Lugar at ang Pinakabanal na Lugar ay may tigdalawang pinto,

24ang bawat pinto ay may dalawang hati na maaaring itiklop.

25Ang pintuan ng Banal na Lugar ay may mga nakaukit na kerubin at punong palma gaya ng sa dingding. At ang balkonahe ay may mga bubong na kahoy.

26Sa bawat gilid ng balkonahe ay may maliliit na bintanang may nakaukit sa gilid na mga puno ng palma. Ang mga silid sa gilid ng Templo ay may bubong din.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.