Ezekiel 46

1Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon , “Ang daanan papunta sa bakuran sa loob na nakaharap sa silangan ay kinakailangang nakasara sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho, pero bubuksan ito sa Araw ng Pamamahinga at sa panahon ng Pista ng Bagong Buwan.

2Ang pinuno ay dadaan sa balkonahe ng daanang nakaharap sa silangan at tatayo siya sa may pintuan habang ang pari ay nag-aalay ng kanyang handog na sinusunog at handog pangkapayapaan. Ang pinuno ay sasamba sa akin doon sa may pintuan at pagkatapos ay lalabas siya, ngunit hindi isasara ang pintuan hanggang sa gumabi.

3Sasamba rin sa Panginoon ang mga mamamayan ng Israel doon sa harap ng pintuan sa bawat Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan.

4Sa bawat Araw ng Pamamahinga, maghahandog ang pinuno ng isang barakong tupa at anim na batang tupa na walang kapintasan, at iaalay ito sa Panginoon bilang handog na sinusunog.

5Ang handog na pagkaing butil na kasama ng barakong tupa ay kalahating sako ng harina, pero nasa pinuno na kung gaano karami ang harinang isasama niya sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na tupa ay maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.

6“Sa bawat Pista ng Bagong Buwan, ang pinuno ay maghahandog ng isang batang toro, isang barakong tupa, at anim na batang tupa na pawang walang kapintasan.

7Ang handog na pagkaing butil ay isasama ng pinuno sa batang toro at barakong tupa, depende sa kanya kung gaano karami ang isasama niyang harina sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sakong harinang kanyang ihahandog, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.

8Kapag ang pinuno ay pumasok upang maghandog, doon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya dadaan sa kanyang paglabas.

9“Kapag sumamba sa Panginoon ang mga mamamayan sa Templo ng Israel sa panahon ng mga pista, ang mga papasok sa pintuan sa hilaga ay lalabas sa pintuan sa timog, at ang mga papasok naman sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Dapat walang lumabas sa pintuang pinasukan niya. Kinakailangang sa ibang pintuan siya lumabas kung pumasok siya sa kabila.

10Sasabay ang pinuno sa pagpasok at paglabas nila.

11“Sa panahon ng ibaʼt ibang pista, ang handog na pagkaing butil na isasama sa batang toro at sa barakong tupa ay tig-kakalahating sako ng harina, pero depende sa naghahandog kung gaano karami ang isasama niya sa bawat batang tupa. At sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na hayop, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.

12Kapag ang pinuno ay mag-aalay sa Panginoon ng handog na sinusunog o handog pangkapayapaan na kusang-loob na handog, bubuksan para sa kanya ang pintuan sa gawing silangan. At iaalay niya ang kanyang mga handog tulad ng kanyang paghahandog sa Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, isasara agad ang pinto.

13“Tuwing umaga, kinakailangang may inihahandog sa akin na tupang walang kapintasan bilang handog na sinusunog para sa Panginoon .

14Sasamahan ito ng handog na pagkaing butil na tatlong kilong harina, at kalahating galong langis ng olibo na pangmasa sa harina. Ang tuntuning ito tungkol sa handog na pagkaing butil para sa Panginoon ay dapat sundin magpakailanman.

15Kaya tuwing umaga ay kailangang may inihahandog sa akin na tupa, harina, at langis ng olibo na pang-araw-araw na handog na sinusunog.”

16Sinabi rin ng Makapangyarihang Panginoon : “Kapag ang pinuno ay magbibigay ng pamanang lupa sa isa sa mga anak niya, ang lupang iyon ay para lang sa mga angkan niya habambuhay.

17Ngunit kung ibibigay niya ito sa isa sa kanyang mga alipin, magiging sa alipin na ito hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sa taong iyon, ang aliping iyon ay palalayain at ang lupa ay isasauli sa pinuno. Tanging ang mga anak lamang ng pinuno ang magmamay-ari ng lupa niya magpakailanman.

18Ang pinuno ay hindi dapat kumuha ng lupa ng mga tao. Kapag magbibigay siya ng lupa sa mga anak niya, ang lupa niya ang dapat niyang ibigay upang hindi mawalan ng lupa ang mga mamamayan.”

19Pagkatapos, dinala ako ng tao sa banal na mga silid ng mga pari sa gawing timog. Doon kami dumaan sa pintuang nasa gilid ng daanan. Ipinakita niya sa akin doon ang lugar na nasa kanluran ng mga silid na ito.

20Sinabi niya sa akin, “Dito sa lugar na ito nagluluto ang mga pari ng handog na pambayad ng kasalanan, handog para sa kasalanan, at handog na pagkaing butil. Dito sila magluluto upang maiwasan nila ang pagdadala ng mga handog sa labas ng bulwagan. Sa ganitong paraan hindi maapektuhan ang mga tao sa kabanalan nito.”

21Pagkatapos, dinala niya ako sa bulwagan sa labas, at ipinakita sa akin ang apat na sulok nito.

22Sa bawat sulok nito ay may maliliit na bakuran na pitumpung talampakan ang haba at limampuʼt tatlong talampakan ang lawak, at pare-pareho ang laki nito.

23Ang bawat isa nito ay napapaligiran ng mababang pader, at sa tabi ng pader ay may mga kalan.

24Pagkatapos, sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mga pinaglulutuan ng mga naghahandog sa Templo ng handog ng mga tao.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.