The chat will start when you send the first message.
1Nang dumating ang ikapitong buwan, noong nakatira na ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan, nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa.
2Pagkatapos, muling itinayo ang altar ng Diyos ng Israel upang makapag-alay dito ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises na kanyang lingkod. Ang nagpatayo nito ay si Jeshua na anak ni Josadac at ang iba pa niyang mga kasamahang pari, at si Zerubabel na anak ni Selatiel at ang mga kamag-anak niya.[#3:2 : O propeta. Sa literal, tao.]
3Kahit takot sila sa mga taong dati nang nakatira sa lupaing iyon, itinayo nila ang altar sa dating pinagtayuan nito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa umaga at gabi.
4Ipinagdiwang din nila ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ayon sa nakasulat sa Kautusan. At nag-alay sila ng mga handog na sinusunog, na kinakailangang ihandog sa bawat araw ng ganitong pista.
5Bukod pa sa mga handog na sinusunog, naghahandog din sila ng mga handog sa bawat Pista ng Bagong Buwan, at sa iba pang mga pista sa pagsamba sa Panginoon . At nag-aalay din sila ng handog na kusang-loob para sa Panginoon .
6Kahit hindi pa nasisimulan ang muling pagpapatayo ng Templo ng Panginoon , nagsimula na ang mga Israelita sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa unang araw ng ikapitong buwan.
7Nagbigay ang mga Israelita ng perang pambayad sa mga tagatabas ng bato at sa mga karpintero. Nagbigay din sila ng mga pagkain, inumin, at langis na pambayad sa mga taga-Sidon at taga-Tiro para sa mga kahoy na sedro na galing sa Lebanon. Ang mga kahoy na ito ay isasakay sa mga barko at dadalhin sa Joppa. Pinahintulutan ito ni Haring Ciro ng Persia.
8Sinimulan ang pagpapatayo ng bahay ng Diyos nang ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang makabalik ang mga Israelita sa Jerusalem. Tulong-tulong sa pagtatrabaho ang lahat ng nakabalik sa Jerusalem galing sa pagkabihag, kasama na rito sina Zerubabel na anak ni Selatiel, Jeshua na anak ni Josadac at ang mga kasamahan niyang pari, at ang mga Levita. Ang pinagkatiwalaan sa pamamahala sa pagpapatayo ng bahay ng Panginoon ay ang mga Levita na nasa edad dalawampung taon pataas.
9Silaʼy si Jeshua, ang mga anak niya at mga kamag-anak, si Kadmiel at ang mga anak niya. Silang lahat ay mula sa lahi ni Hodavias. Tumulong din sa kanila ang mga angkan at mga kamag-anak ni Henadad na mga Levita rin.
10Nang matapos na ng mga karpintero ang pundasyon ng Templo ng Panginoon , pumuwesto na ang mga pari na nakasuot ng kanilang damit na pangpari upang hipan ang mga trumpeta. Pumwesto rin ang mga Levita, na angkan ni Asaf, sa pagtugtog ng mga pompyang upang purihin ang Panginoon ayon sa kaparaanan na itinuro noon ni Haring David sa Israel.
11Nagpuri sila at nagpasalamat habang umaawit sa Panginoon :
“Napakabuti ng Panginoon ,
dahil ang pag-ibig niya sa Israel ay walang hanggan.”
At sumigaw nang malakas ang lahat ng tao sa pagpupuri sa Panginoon dahil nailagay na ang pundasyon ng bahay ng Panginoon .
12Ngunit marami sa mga matatandang pari at Levita at mga pinuno ng pamilya na nakakita noon sa unang Templo ay umiyak nang malakas nang makita nila ang pundasyon ng bagong Templo, habang marami naman ang sumigaw sa galak.
13Hindi na malaman ang sigaw ng kagalakan at ang tinig ng pag-iyak dahil napakaingay ng mga tao, at naririnig ito sa malayo.