The chat will start when you send the first message.
1Pinalaya tayo ni Kristo sa ilalim ng Kautusan. Kaya manindigan kayo sa pananampalataya ninyo at huwag na kayong magpaaliping muli.
2Tandaan ninyo ang sinasabi ko: Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo na kung magpapatuli kayo upang maging katanggap-tanggap sa Diyos, mawawalan ng kabuluhan ang ginawa ni Kristo para sa inyo.
3Inuulit ko na ang sinumang magpapatuli upang maging katanggap-tanggap sa Diyos ay kinakailangang sumunod sa buong Kautusan.
4Kayong mga nagsisikap na ituring na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan ay napalayo na kay Kristo. Nahiwalay na kayo sa biyaya ng Diyos.
5Ngunit sa tulong ng Espiritu, sabik kaming naghihintay na ituring kaming matuwid ng Diyos dahil sa aming pananampalataya.
6Sapagkat sa mga nakay Kristo Hesus, walang halaga ang pagiging tuli o hindi. Ang tanging mahalaga ay ang pananampalatayang nakikita sa pamamagitan ng pagmamahalan.
7Mabuti noon ang mga ginagawa ninyo. Sino ang pumigil sa inyo sa pagsunod sa katotohanan?
8Hindi maaaring ang Diyos ang pumigil sa inyo dahil siya ang tumawag sa inyo sa pananampalataya.
9Ang maling aral ay parang pampaalsa na kahit kaunti ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina.
10Umaasa ako sa Panginoon na hindi kayo magpapadala sa ibang pananaw. Parurusahan ng Diyos ang mga nanggugulo sa inyo, maging sino man sila.
11May mga nagsasabing itinuturo ko raw na kailangan ang pagtutuli upang maging katanggap-tanggap sa Diyos. Kung totoo iyan, mga kapatid, bakit inuusig pa rin ako hanggang ngayon? At kung iyan nga ang itinuturo ko, walang kabuluhan ang mensahe tungkol sa kamatayan ni Kristo sa krus, ang mensaheng hindi matanggap ng iba.
12At sa mga nanggugulo naman sa inyo, hindi lang sana sila magpatuli kundi magpakapon na rin.
13Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan nʼyo para pagbigyan ang mga pagnanasa ng laman. Sa halip, magmahalan kayoʼt magtulungan.
14Sapagkat ang buod ng buong Kautusan ay nasa isang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”[#5:14 Lev. 19:18.]
15Ngunit kung patuloy kayong mag-aaway-away na parang mga hayop, baka tuluyan na ninyong masira ang buhay ng isaʼt isa.
16Kaya mamuhay kayo nang ayon sa Espiritu upang hindi ninyo mapagbigyan ang pagnanasa ng laman.
17Sapagkat ang ninanasa ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang nais ng Espiritu ay laban sa ninanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang gusto ninyong gawin.
18Ngunit kung ginagabayan na kayo ng Espiritu, hindi na kayo sakop ng Kautusan.
19Ang mga taong sumusunod sa ninanasa ng laman ay makikilala sa gawa nila: seksuwal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan,
20pagsamba sa mga diyos-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagkainggit, pagkamakasarili, pagkagalit, pagkakawatak-watak, pagkakahati-hati,[#5:20 : O pagiging sakim.]
21pagkainggit, paglalasing, pagkahilig sa kalayawan, at iba pang kasamaan. Binabalaan ko kayo tulad ng ginawa ko na noon: Ang mga namumuhay nang ganito ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Diyos.
22Ngunit ito ang bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan,
23kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
24Ipinako na ng mga nakay Kristo Hesus ang pagnanasa at masasamang hangarin ng kanilang laman doon sa krus.
25At dahil nga namumuhay na tayo sa kapangyarihan ng Espiritu, magpatuloy tayo sa patnubay nito.
26Huwag tayong maging mapagmataas, huwag nating galitin ang ating kapwa, at iwasan ang inggitan.