Habakuk 1

1Ito ay isang propesiya na ipinahayag kay Propeta Habakuk.

Ang Unang Hinaing ni Habakuk

2Sinabi ni Habakuk,

“Panginoon , hanggang kailan po ako

hihingi ng tulong sa inyo

bago nʼyo ako dinggin?

Kailan nʼyo po ba kami ililigtas

sa mga karahasang ito?

3Bakit nʼyo po ipinapakita sa akin

ang mga kasamaan at kaguluhan?

Kahit saan ay nakikita ko

ang patayan, karahasan,

hidwaan at pagtatalo.

4Kaya naging walang kabuluhan

ang kautusan.

At wala ring katarungan

dahil ang mga taong may kasalanan

ang siyang nananalo sa korte,

at hindi ang mga taong walang kasalanan.

Kaya nababaluktot ang katarungan.”

Ang Sagot ng Diyos kay Habakuk

5Sumagot ang Diyos,

“Tingnan ninyong mabuti

ang mga nangyayari sa mga bansa

at talagang magtataka kayo

sa inyong makikita.

Sapagkat may gagawin ako

sa inyong kapanahunan

na hindi ninyo paniniwalaan

kahit may magbalita pa nito sa inyo.

6Sapagkat pamamahalain ko

ang mga taga-Babilonia,

na kilala sa kalupitan at karahasan.

Mabilis nilang sinasalakay

ang mga bansa sa buong mundo

upang agawin ang mga lugar

na hindi kanila.

7Kinatatakutan sila ng mga tao.

Ginagawa nila ang gusto nila

at walang makakapigil sa kanila.

8Ang mga kabayo nilaʼy mas mabilis

kaysa sa mga leopardo

at mas mabangis kaysa sa mga lobo

na gumagala sa gabi.

Tumatakbo ito mula sa malalayong lugar,

parang agilang mabilis na lumilipad

para dagitin ang kanyang biktima.

9Paparating ang kanilang mga sundalo

na handang gumawa ng kalupitan.

Para silang malakas na hangin

mula sa silangan.

Ang kanilang mga bihag

ay kasindami ng buhangin.

10Hinahamak nila ang mga hari

at mga pinuno.

Tinatawanan lamang nila

ang mga napapaderang lungsod,

dahil kaya nila itong akyatin

sa pamamagitan ng pagtambak

ng lupa sa tabi nito.

Sa ganitong paraan, nakakapasok sila

at nasasakop nila ang lungsod.

11Pagkatapos, aalis sila

na parang hangin lang na dumaan.

Nagkasala sila,

dahil wala silang kinikilalang diyos

kundi ang sariling kakayahan.”

Ang Pangalawang Hinaing ni Habakuk

12Sinabi ni Habakuk,

O Panginoon ,

ang aking Batong kanlungan,

Kayo ang aking Diyos,

ang banal na Diyos

na walang kamatayan.

O Panginoon ,

ang Batong kanlungan,

pinili nʼyo ang mga taga-Babilonia

upang kamiʼy parusahan.

13Dahil banal kayo,

hindi nʼyo matitiis na tingnan

ang kasamaan at kaguluhan.

Ngunit bakit nʼyo hinahayaan

ang mga traydor na gawin ito sa amin?

Bakit nʼyo hinahayaang pagmalupitan

ang mga taong matutuwid

kung ihahambing sa kanila?

14Ang kanilang mga kalaban

ay ginawa ninyong parang mga isda

na walang pinunong magtatanggol

sa kanila.

15Masayang nagdiriwang

ang mga taga-Babilonia

dahil sa pagbihag nila

sa kanilang mga kalaban

na parang mga isdang nahuli

sa bingwit o lambat.

16At dahil marami silang nabihag,

ipinagmamalaki nila

ang kanilang kakayahan

katulad ng mangingisdang sinasamba

ang kanyang bingwit o lambat

sa pamamagitan ng paghahandog ng insenso

bilang handog sa mga bagay na ito.

Dahil sa pamamagitan ng bingwit o lambat

ay yumaman siya at nagkaroon

ng masaganang pagkain.

17Kaya Panginoon ,

magpapatuloy na lang po ba

ang kanilang walang awang pagbihag

at pagwasak sa mga bansa?

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.