The chat will start when you send the first message.
1Ito ang panalangin ni Propeta Habakuk:[#3:1 Sa Hebreo ay may karugtong pang “ayon sa ‘Shigionot’,” na hindi naman malinaw ang ibig sabihin. Maaaring ang ibig sabihin nito ay kung paano aawitin ang nasabing panalangin o kayaʼy anong instrumento ang gagamitin kapag inawit ito.]
2Panginoon ,
narinig ko po ang tungkol
sa inyong mga ginawa,
at ako ay lubos na humanga sa inyo.
Gawin ninyong muli sa aming panahon
ang ginawa ninyo noon.
At sa araw na ipadama ninyo
ang inyong galit,
maawa kayo sa amin.
3Ikaw ang Diyos
na dumating mula sa Teman,
ang Banal na Diyos mula
sa Bundok ng Paran.
Tinatakpan ang langit
ng inyong kadakilaan
at napupuno ang lupa
ng mga papuri sa iyo.
4Darating kayong kasinliwanag ng araw;
may sinag na lumalabas
sa inyong mga kamay
kung saan nakatago
ang inyong kapangyarihan.
5Darating kayong may dalang mga salot.
6Kapag tumayo kayo
ay nayayanig ang mundo,
at kapag tumingin kayo
ay nanginginig sa takot ang mga bansa
at gumuguho ang sinaunang kabundukan
at kaburulan.
Ang inyong mga pamamaraan
ay mananatili magpakailanman.
7Nakita ko ang mga tolda ng Cushan
na nasa panganib,
at ang mga tahanan sa Midian
na naghihinagpis.
8Panginoon ,
sino ba ang inyong kinapopootan?
Ang mga ilog ba at ang mga dagat?
Sinalakay ninyo sila
gamit ang inyong mga kabayo at mga karwahe
na nagbigay sa inyo nang tagumpay.
9Kinuha ninyo ang inyong pana
sa lalagyan niya,
inihanda ninyo ang inyong mga palaso.
Biniyak ninyo
ang lupang may mga ilog.
10Ang mga bundok ay nanginig
nang kayoʼy kanilang magisnan.
Patuloy na umagos ang matinding baha;
umugong nang malakas ang dagat
at nilakihan ang kanyang mga alon.
11Tumigil ang araw at ang buwan
sa kanilang kinaroroonan
sa kislap ng nagliliparan ninyong pana
at kumikinang ninyong sibat.
12Sa inyong matinding galit
ay tinapakan nʼyo ang mundo
at niyurakan ang mga bansa.
13Dumating kayo upang iligtas
ang inyong mga tao,
at makaiwas sa kapahamakan
ang inyong hinirang.
Pinuksa ninyo ang pinuno
ng kahariang napakasama,
at lubusang nilipol ang lahat
ng kanyang tagasunod.
14Tinuhog nʼyo ng sarili niyang sibat
ang ulo ng pinuno ng kanyang mga kawal,
nang salakayin kami
ng kanyang mga mandirigma
upang kami ay ikalat.
Ikinagagalak nilang lipulin
kaming mga kawawang nagtatago sa takot.
15Para kayong sundalo
na nakasakay sa kabayong
nagtatatakbo sa karagatan
hanggang sa lumaki ang mga alon.
16Nang marinig ko ang lahat ng ito,
nanginig ang aking buong katawan
at nangatal ang aking mga labi
dahil sa takot.
Nanghina ako at nangatog
ang aking mga tuhod.
At dahil sa ipinahayag na ito
ng Panginoon ,
matiyaga kong hihintayin
ang takdang panahon ng pagpaparusa niya
sa mga sumalakay sa amin.
17Kahit hindi mamunga
ang mga puno ng igos, ubas,
o ang kahoy ng olibo,
at kahit walang anihín sa mga bukirin,
at kahit mamatay ang mga alagang hayop
sa kanilang mga kulungan,
18magagalak pa rin ako
sapagkat ang Panginoong Diyos
ang nagliligtas sa akin.
19Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagbibigay sa akin ng kalakasan.
Pinalalakas niya ang aking mga paa
na tulad ng mga paa ng usa,
upang makaakyat ako
sa matataas na lugar.