1Ito ang pahayag tungkol sa Babilonia na ipinakita kay Isaias na anak ni Amoz:
2Magtaas kayo ng isang bandila
roon sa tuktok ng burol na walang tanim.
Pagkatapos, sumigaw kayo
nang malakas sa mga sundalo
at senyasan ninyo silang
pasukin ang lungsod
ng mga kilala at makapangyarihang
3Inutusan ko na
ang mga itinalaga kong sundalo
na magpaparusa
sa mga taong kinapopootan ko.
Ang mga sundalo na itoʼy natutuwa
at umaasang isasagawa ko
ang parusang ito.
4Pakinggan nʼyo ang ingay sa mga bundok
na tulad ng napakaraming tao!
Pakinggan nʼyo ang ingay ng mga kaharian
na tulad ng mga bansang nagtitipon.
Tinitipon ng Panginoon ng mga Hukbo
ang mga sundalo para sa digmaan.
5Nanggaling sila sa malalayong lugar,
mula sa dulo ng daigdig.
Ang Panginoon at ang mga sandata niya
ay parating upang wasakin
ang buong lupain.
6Tumangis kayo,
dahil malapit na ang araw ng paghatol
ng Panginoon ,
ang araw ng pagwawasak
ng Diyos na Makapangyarihan.
7Sa araw na iyon,
manlulupaypay ang lahat ng tao.
Ang bawat pusoʼy masisiraan ng loob,
8at manginginig sa takot.
Madadama nila ang labis na paghihirap
katulad ng paghihirap
ng isang babaeng nanganganak.
Magtitinginan sila
nang may matinding takot
at mamumula ang kanilang mga mukha
sa kahihiyan.
9Makinig kayo!
Darating na ang araw ng paghatol
ng Panginoon ,
ang araw ng kalupitan at matinding galit.
Wawasakin ang lupain
hanggang sa hindi na matirhan,
at ang mga makasalanang
naroon ay lilipulin.
10Ang mga bituin at mga konstelasyon
nila sa kalangitan
ay hindi na magniningning.
Ang sumisikat na araw
ay magdidilim
at ang buwan
ay hindi na magbibigay ng liwanag.
11Parurusahan ko ang mundo
dahil sa kasamaan nito,
at ang mga masasama
dahil sa kanilang kasalanan.
Wawakasan ko ang pagiging hambog
ng mga mayayabang.
Tatapakan ko ang angas
ng mga taong malulupit.
12Gagawin kong mas kakaunti ang tao
kaysa sa purong ginto,
mas madalang pa kaysa
sa ginto ng Ofir.
13Kayaʼt yayanigin ko ang langit
at mauuga ang lupa
sa kinalalagyan nito.
Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo
ay gagawin ito
sa araw na aking ipapakita
ang matindi kong galit.
14Ang mga dayuhan sa Babilonia
ay tatakas at babalik
sa sarili nilang bayan
na parang mga usang hinahabol.
Silaʼy parang mga tupang
walang nagbabantay
na babalik sa kani-kanilang bayan,
tatakas patungo
sa kani-kanilang mga lupain.
15Ang bawat mahuhuli ay sasaksakin,
at ang ibaʼy mamatay
sa pamamagitan ng espada.
16Ang kanilang mga sanggol
ay luluray-lurayin
sa kanilang harapan.
Ang kanilang mga tahanaʼy
sasamsaman ng mga ari-arian
at ang kanilang mga asawaʼy gagahasain.
17Makinig kayo!
Ipapalusob ko ang Babilonia
sa mga taga-Media
na sa pilak ay walang pakialam
at sa ginto ay walang pagpapahalaga.
18Papatayin nila ang mga kabataang lalaki
sa pamamagitan ng pana.
Hindi sila maaawa sa mga sanggol
pati na sa mga bata.
19Ang Babilonia, kahariang pinakamaganda
sa lahat ng kaharian,
itoʼy ipinagmamalaki
ng kanyang mga mamamayan.
Ngunit wawasakin ko ito
katulad ng Sodoma at Gomora.
20At hindi na ito titirhan
ninuman magpakailanman.
Walang Arabong makapagtatayo roon
ng kanyang tolda.
At wala ring pastol na mag-aalaga roon
ng kanyang mga tupa.
21Magiging tirahan na lamang ito
ng mga hayop sa gubat.
Titirhan ng mga kuwago
ang kanilang mga bahay
at ng iba pang mababangis na hayop,
at lulukso-lukso roon ang mga kambing na maiilap.
22Aalulong sa kanilang mga tore
at mga palasyo ang mga asong-gubat.
Nalalapit na ang katapusan ng Babilonia;
hindi na ito magtatagal.