Isaias 51

Ang Panawagang Magtiwala sa Panginoon

1“Makinig kayo sa akin,

kayong mga nagsusumikap

na maging matuwid at sumunod sa akin.

Isipin ninyo ang bato

kung saan kayo pinutol,

ang minahang pinaghukayan sa inyo.

2Alalahanin ninyo sina Abraham

na inyong ama,

at si Sara na nagsilang sa inyo

Noong tinawag ko si Abraham, nag-iisa siya,

ngunit pinagpala ko siya

at pinarami ang kanyang lahi.

3Aaliwin ko ang Jerusalem

at kahahabagan ko

ang pagkawasak nito.

Ang mga disyerto nito ay gagawin kong

parang halamanan ng Eden.

Maghahari sa Jerusalem

ang kagalakan, pasasalamat

at pag-aawitan.

4“Mga mamamayan ko,

makinig kayo sa akin.

O aking bayan,

akoʼy inyong dinggin:

Ibibigay ko ang aking kautusan

at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa.

5Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay.

Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo.

Ako ang mamamahala sa mga bansa.

Ang mga nasa malalayong lugar

ay maghihintay sa akin

at maghahangad ng

aking kapangyarihan.

6Tumingin kayo sa langit;

pagmasdan ninyo ang lupa.

Mawawala ang langit na parang usok,

masisira ang lupa na parang damit,

at mamamatay ang mga mamamayan nito

na parang mga kulisap.

Ngunit ang kaligtasan koʼy

mananatili magpakailanman.

Ang katarungan koʼy walang hanggan.

7“Makinig kayo sa akin,

kayong mga nakakaalam

kung ano ang tama

at sumusunod sa aking kautusan!

Huwag kayong matatakot

sa mga panghihiya

at pangungutya ng mga tao

sa inyo.

8Sapagkat matutulad sila

sa damit na nginatngat

ng mga kulisap.

Ngunit ang aking katuwiran

ay mananatili magpakailanman.

Ang kaligtasan koʼy magpapatuloy

sa mga salinlahi.”

9Sige na, Panginoon ,

tulungan nʼyo na po kami.

Gamitin nʼyo na ang inyong

kapangyarihan sa pagliligtas sa amin.

Tulungan nʼyo kami

katulad ng ginawa nʼyo noon.

Hindi baʼt kayo ang tumadtad

sa dragon na si Rahab?

10Hindi baʼt kayo po ang nagpatuyo ng dagat,

ang tubig na mula pa sa kailaliman

gumawa ng daan sa gitna nito

upang makatawid ang inyong

mga mamamayang iniligtas ninyo

mula sa Ehipto?

11Ang mga tinubos ng Panginoon

ay babalik sa Zion na nag-aawitan

at may kagalakan magpawalang hanggan.

Mapapawi na ang kanilang

mga kalungkutan,

at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan.

12“Ako ang nagpapalakas

at nagpapaligaya sa inyo.

Kaya bakit kayo matatakot

sa mga taong katulad ninyo

na mamamatay din lang

na parang damo?

13Ngunit kinalimutan ninyo ang Panginoon ,

ang inyong Manlilikha.

Siya ang naglatag langit

at naglagay ng pundasyon ng mundo.

Bakit nabubuhay kayong natatakot

sa galit ng mga umaapi

at gustong lumipol sa inyo?

Ang kanilang galit

ay hindi makakapinsala sa inyo.

14Hindi magtatagal

at ang mga bihag ay palalayain.

Hindi sila mamamatay sa kanilang piitan

at hindi rin sila mawawalan ng pagkain.

15Sapagkat ako ang Panginoon

na inyong Diyos.

Kapag kinalawkaw ko ang dagat

ay umuugong ang mga alon.

Panginoon ng mga Hukbo

ang aking pangalan.

16Itinuro ko sa inyo ang ipinasasabi ko,

at ipinagtatanggol ko kayo

sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.

Ako ang naglagay ng langit

at ng pundasyon ng mundo,

at ako ang nagsabi sa Zion,

‘Ikaw ang aking mamamayan.’ ”

Ang Kopa ng Poot ng Panginoon

17Jerusalem, bumangon ka!

Ang galit ng Panginoon

ay parang alak na ininom mong lahat

hanggang sa ikaw ay magpasuray-suray

sa kalasingan.

18Wala ni isa man sa iyong mga tauhan

ang aalalay sa iyo;

wala ni isa man sa kanila

ang tutulong sa iyo.

19Dalawang sakuna ang nangyari sa iyo:

Nawasak ka dahil sa digmaan,

at nagtiis ng gutom

ang iyong mga mamamayan.

Walang naiwan sa mga mamamayan mo,

na lilingap at aaliw sa iyo.

20Nanlulupaypay sila

at nakahandusay sa mga lansangan.

Para silang mga usa

na nahuli sa bitag.

Dumanas sila ng matinding galit

ng Panginoon ;

sinaway sila ng iyong Diyos.

21Kaya pakinggan ninyo ito,

kayong mga nasa matinding hirap

at nalasing ng hindi dahil sa alak.

22Ito ang sinasabi

ng Makapangyarihang Panginoon

na kumakalinga sa inyo:

“Makinig kayo! Inalis ko na

ang aking galit

na parang alak na

nakapagpalasing sa inyo.

Hindi ko na kayo paiinuming

muli nito.

23Ibibigay ko ito

sa mga nagpahirap sa inyo,

sa mga nag-utos sa inyo

na dumapa

para tapakan nila kayo.

Tinapakan nila ang inyong mga likod na

para bang dumadaan sila

sa lansangan.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.