Isaias 59

Babala Laban sa Kasalanan

1Makinig kayo! Ang Panginoon

ay hindi mahina

para hindi makapagligtas.

Hindi rin siya bingi

para hindi makarinig

kapag tumawag kayo sa kanya.

2Ngunit ang inyong mga kasalanan

ang siyang naglayo sa inyo sa Diyos

at iyon ang dahilan

kung bakit niya kayo tinalikuran

at hindi na siya makikinig

sa inyong mga dalangin.

3Pumapatay kayo ng tao,

at gumagawa pa

ng ibang mga kasalanan.

Nagsisinungaling kayo

at nagsasalita ng masama.

4Wala sa isip ninyo ang katarungan;

ang mga bintang ninyo sa inyong kapwa

ay puro mga kasinungalingan.

Ang inyong iniisip ay masama,

at iyon ay inyong ginagawa.

5Ang masasamang plano nʼyo

ay parang itlog ng makamandag na ahas;

o kayaʼy bahay ng gagamba na

ang sinumang kumain nito ay mamamatay.

6Katulad din ito ng bahay ng gagamba

na hindi maaaring gawing damit

kaya walang kabuluhan

ang inyong masasamang plano.

Masama ang ginagawa nʼyo

at namiminsala kayo.

7Nagmamadali kayong gumawa ng masamá

at mabilis ang kamay ninyong pumatay

ng walang kasalanan.

Palaging masamá ang iniisip ninyo,

at kahit saan kayo pumunta

ay wala kayong ginawa

kundi kapahamakan at karahasan.

8Wala kayong alam tungkol

sa mapayapang pamumuhay.

Binabalewala ninyo ang katarungan

at binabaluktot pa ninyo ito.

Ang sinumang sumunod

sa inyong mga ginagawa

ay hindi rin makakaranas

ng mapayapang pamumuhay.

9Kaya nga hindi pa pinarurusahan ng Diyos

ang ating mga kaaway,

at hindi pa natin natatamo

ang tagumpay at katuwiran.

Naghintay tayo ng liwanag

ngunit dilim ang dumating,

kaya lumalakad tayo sa kadiliman.

10Nangangapa tayo

na parang bulag.

Natitisod tayo kahit katanghaliang tapat,

na parang lumalakad sa dilim.

Tayoʼy parang mga patay

kung ihahambing sa mga taong malakas.

11Umuungal tayo sa hirap na parang oso

at dumadaing na parang mga kalapati.

Hinihintay nating parusahan na ng Diyos

ang ating mga kaaway at tayoʼy iligtas,

ngunit hindi pa rin nangyayari.

12Sapagkat napakarami na

ng ating mga kasalanan sa Diyos

at iyan ang nagpapatunay

na dapat tayong parusahan.

At talaga namang alam natin

na gumagawa tayo ng masama.

13Nagrebelde tayo at nagtaksil

sa Panginoon .

Itinakwil natin ang ating Diyos.

Inaapi natin at sinisiil ang ating kapwa.

Pinag-iisipan natin nang mabuti

kung paano magsalita ng kasinungalingan.

14Iyan ang dahilan kung bakit hindi pa

pinarurusahan ng Diyos

ang ating mga kaaway

at hindi pa niya tayo binibigyan

ng tagumpay na may katuwiran.

Sapagkat hindi na matagpuan

ang katotohanan kahit saan,

at ang mga tao

ay hindi na mapagkakatiwalaan.

15Oo, nawala na ang katotohanan,

at ang mga umiiwas sa kasamaan

ay inuusig.

Nakita ito ng Panginoon

at nalulungkot siya

dahil sa kawalan ng katarungan.

16Nagtataka siya sa kanyang nakita

na wala kahit isa man

na tumutulong sa mga inaapi.

Kung kaya, gagamitin niya

ang kanyang kapangyarihan

sa pagliligtas sa kanila.

At dahil matuwid siya, tutulungan niya sila.

17Gagamitin niyang panangga sa dibdib

ang katuwiran, at helmet ang kaligtasan.

Isusuot niya na parang damit

ang paghihiganti at ang matindi niyang galit.

18Gagantihan niya ang kanyang mga kaaway

ayon sa kanilang ginawa,

pati na ang mga nasa malalayong lugar.

Madadama nila ang kanyang galit.

19Mula sa kanluran,

ang mga taoʼy matatakot

sa pangalan ng Panginoon ,

mula sa pagsikat ng araw,

siyaʼy kanilang pararangalan.

Sapagkat siyaʼy darating tulad

ng rumaragasang tubig

na pinapadpad ng napakalakas na hangin.

20Sinabi ng Panginoon , “Darating sa Zion[#59:20 : O Jerusalem.]

ang magliligtas sa inyong mga lahi ni Jacob,

at kanyang ililigtas ang mga nagsisisi

sa kanilang mga kasalanan.

21“At ito ang kasunduan ko sa inyo: Hindi mawawala ang aking Espiritu na nasa inyo at ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak, at kailangang sabihin din ito ng inyong mga anak sa kanilang mga anak hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.