Juan 13

Hinugasan ni Hesus ang mga Paa ng mga Alagad Niya

1Bisperas noon ng Pista ng Paglampas ng Anghel, alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng pag-alis niya sa mundong ito upang bumalik sa Ama. Mahal na mahal niya ang kanyang mga alagad dito sa mundo, at ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kanila hanggang sa katapusan.

2Nang gabing iyon, naghapunan si Hesus kasama ang kanyang mga alagad. Inudyukan na ni Satanas si Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo niya si Hesus.

3Alam ni Hesus na ipinasailalim ng Ama sa kanyang kapangyarihan ang lahat. At alam din niyang galing siya sa Diyos at babalik din sa Diyos.

4Tumayo si Hesus habang naghahapunan sila. Hinubad niya ang kanyang panlabas na kasuotan at nagbigkis ng tuwalya sa baywang niya.

5Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa isang palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad niya at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.

6Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, “Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?”

7Sumagot si Hesus, “Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, ngunit maiintindihan mo rin sa bandang huli.”

8Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi po ninyo kailanman huhugasan ang aking mga paa.”

Sumagot si Hesus, “Hanggaʼt hindi ko hinuhugasan ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin.”

9Kaya sinabi ni Simon Pedro, “Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan ninyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!”

10Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya, “Ang taong nakapaligo na ay kailangan lamang maghugas ng paa, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. Malinis na kayo, ngunit hindi kayong lahat.”

11Sinabi ni Hesus na hindi lahat ay malinis dahil alam niya kung sino ang magkakanulo sa kanya.

12Nang mahugasan na ni Hesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang panlabas na kasuotan at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naiintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo?

13Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo.

14Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa.

15Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo.

16Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang aliping higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na higit sa nagsugo sa kanya.

17Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, pagpapalain kayo ng Diyos kung gagawin nʼyo ang mga ito.

Sinabi ni Hesus na Ikakaila Siya

18“Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko, sapagkat kilala ko ang mga pinili ko. Ngunit kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan, ‘Ipinagkanulo ako ng nakisalo sa akin sa pagkain.’[#13:18 Salmo 41:9.]

19“Sinasabi ko ito sa inyo bago pa man mangyari, upang kapag nangyari na ay maniwala kayo na Ako ang sinasabi kong Ako.

20Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang tumatanggap sa mga taong isinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

21Pagkasabi nito ni Hesus, labis siyang nabagabag. Sinabi niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.”

22Nagtinginan ang mga alagad niya na naguguluhan kung sino ang tinutukoy niya.

23Nakaupo noon sa tabi ni Hesus ang alagad na malapit sa puso niya.

24Kaya sinenyasan ito ni Simon Pedro na tanungin si Hesus kung sino ang tinutukoy niya.

25Sumandal ito kay Hesus at nagtanong, “Panginoon, sino po ang tinutukoy ninyo?”

26Sumagot si Hesus, “Kung sino ang bibigyan ko ng tinapay na isinawsaw ko, siya iyon.” Kaya kumuha si Hesus ng tinapay at matapos isawsaw ay ibinigay kay Judas na anak ni Simon Iscariote.

27Pagkatanggap ni Judas ng tinapay, pumasok sa kanya si Satanas.

Sinabi ni Hesus sa kanya, “Gawin mo na agad ang gagawin mo.”

28Hindi naintindihan ng mga kasalo sa hapunan kung bakit sinabi iyon ni Hesus.

29Ang akala ng iba, inutusan lang ni Hesus si Judas na bumili ng mga kakailanganin sa pista o kayaʼy magbigay ng limos sa mga mahihirap, dahil siya ang tagapag-ingat ng pera nila.

30Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon.

Sinabi ni Hesus na Ikakaila Siya ni Pedro

(Mat. 26:31‑35; Mar. 14:27‑31; Luc. 22:31‑34)

31Nang makaalis na si Judas, sinabi ni Hesus, “Ang Anak ng Tao ay luluwalhatiin na, at sa pamamagitan niyaʼy luluwalhatiin ang Diyos.

32At kung sa pamamagitan niyaʼy luluwalhatiin ang Diyos, siya ay luluwalhatiin din ng Diyos, at gagawin niya ito kaagad.

33“Mga anak, sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga pinuno nating mga Hudyo, hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.

34“Kaya isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: Magmahalan kayo. Kung paano ko kayo minamahal, ganoon din dapat ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa.

35Kung nagmamahalan kayo, malalaman ng lahat na mga alagad ko kayo.”

36Nagtanong si Simon Pedro kay Hesus, “Panginoon, saan po kayo pupunta?”

Sumagot si Hesus, “Sa ngayon ay hindi ka makakasama sa pupuntahan ko, pero susunod ka rin doon balang araw.”

37Nagtanong pa si Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako maaaring sumáma sa inyo ngayon? Handa naman akong mamatay para sa inyo.”

38Sumagot si Hesus, “Talaga bang handa kang mamatay para sa akin? Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.