The chat will start when you send the first message.
1Sumagot si Job,
2“Napakinggan ko na iyan noon pa.
Sa halip na aliwin ninyo ako,
lalo nʼyo pang pinabigat
ang paghihirap ko.
3Hindi na ba kayo titigil
sa pagsasalita ng walang kabuluhan?
Ano baʼng gumugulo sa isipan nʼyo
at wala kayong tigil
sa pakikipagtalo sa akin?
4Kung kayo ang nasa kalagayan ko,
masasabi ko rin ang katulad
ng mga sinasabi ninyo sa akin.
Pagsasabihan ko kayo
at kukutyain pa.
5Ngunit hindi ko gagawin iyon.
Sa halip, magsasalita ako
ng mga salitang makapagpapalakas
at makapagpapaaliw sa inyo.
6“Ngunit sa ngayon, patuloy pa rin
ang paghihirap ko kahit ano pa
ang sabihin ko.
At kung tumahimik man ako,
hindi rin ito mawawala.
7O Diyos, pinanghina nʼyo ako
at winasak ang buong sambahayan ko.
8Pinapayat nʼyo ako; butoʼt balat na lang ako,
at ayon sa iba ito ang katunayan
na akoʼy nagkasala.
9Sa galit nʼyo, O Diyos,
sinalakay nʼyo ako.
Para kayong mabangis na hayop
na lumuray ng aking laman.
Nagngangalit ang inyong ngipin
at tinititigan nʼyo ako
na parang akoʼy inyong kaaway.
10Kinukutya ako
at pinagtatawanan ng mga tao.
Sinasampal upang hiyain.
Nagkaisa sila laban sa akin.
11Ipinaubaya ako ng Diyos
sa kamay ng taong masasama
at makasalanan.
12Maganda ang kalagayan ko noon,
ngunit dinurog niya ako.
Hinawakan niya ako sa leeg,
inilugmok, at ginawa niya
akong puntiryahan.
13Pinalibutan ako ng mga tagapana niya
at walang awang pinagpapana.
Tinamaan ang aking bato,
at ang apdo koʼy bumulwak sa lupa.
14Paulit-ulit niya akong sinusugatan.
Sinasalakay niya akong parang mandirigma.
15“Nagdamit ako ng sako
at naupo sa lupa upang magluksa.
16Namumula na ang aking mukha
at namumugto na ang aking mga mata
sa kakaiyak.
17Wala akong nagawang kasalanan
at tapat ang aking panalangin.
18“Ang katulad koʼy isang taong pinatay
na nakikiusap sa lupa na huwag tatabunan
ang kanyang dugo hanggaʼt
hindi niya nakakamtan
ang katarungan.
19Kahit ngayon ang saksi koʼy nasa langit.[#16:19 : Maaaring isa sa makalangit na nilalang.]
Siya ang magpapatunay
na wala akong kasalanan.
20Hinahamak ako ng mga kaibigan ko;
ngunit umiiyak ako sa Diyos
at humihingi ng tulong sa kanya.
21Ang saksi ko ang siyang magmamakaawa
sa Diyos para sa akin,
katulad ng taong nakikiusap
para sa kanyang kaibigan.
22Sapagkat malapit na
akong pumanaw
at hindi na babalik pa.