The chat will start when you send the first message.
1Sumagot si Job,
2“Pakinggan ninyo akong mabuti
upang mapasaya rin ninyo ako.
3Makinig kayo habang nagsasalita ako
at kapag akoʼy tapos na,
tuyain ninyo ako kung gusto ninyo.
4“Ang hinaing koʼy hindi laban sa tao.
Ito ang dahilan kung bakit maikli
ang pasensya ko.
5Tingnan ninyo ako
at kayoʼy masisindak.
Sa nakita ninyo sa akin
makakapagsalita pa ba kayo?
6Kung iisipin ko ito, akoʼy nangangatog;
at nababalot ng takot
ang buo kong katawan.
7Bakit patuloy na nabubuhay
ang mga masama?
Tumatanda sila at nagiging maunlad.
8Nakikita nila ang paglaki
ng kanilang mga anak at apo.
9Namumuhay sila sa kanilang tahanan
na ligtas sa panganib
at walang kinatatakutan.
Hindi sila pinaparusahan ng Diyos.
10Walang tigil ang panganganak
ng kanilang mga baka
at hindi ito nakukunan.
11Marami silang anak,
parang kawan ng tupa sa dami;
at ang mga itoʼy nagsasayawan.
12Silaʼy nag-aawitan,
at nagkakatuwaan sa tugtog
ng tamburin, alpa at plauta.
13Namumuhay sila sa kasaganaan
at payapang humihimlay sa libingan.
14Ngunit sinasabi nila sa Diyos,
‘Pabayaan mo kami!
Ayaw naming malaman
ang iyong mga pamamaraan.
15Sino kang Makapangyarihan
na dapat naming paglingkuran?
At ano ba ang mapapala namin
kung mananalangin kami sa iyo?’
16Subalit ang totoo,
ang pag-unlad nilaʼy hindi galing
sa sarili nilang pagsisikap.
Kaya anuman ang ipapayo
ng masasamang taong ito
ay hindi ko tatanggapin.
17“Subalit madalang ang taong masasamâ
na namamatay.
Bihirang dumating sa kanila
ang kahirapan
o parusang ipinapadala ng Diyos
dahil sa kanyang galit.
18Bihira nilang maranasan
ang mapalayas
tulad ng ipa na tinatangay
ng malakas na hangin.
19Sinasabi ninyong
kapag hindi sila parurusahan ng Diyos,
ang mga anak nila ang parurusahan.
Ngunit sa ganang akin,
ang nagkasala ang siyang
dapat parusahan ng Diyos
upang maunawaan nila ang kanyang hatol.
20Nawaʼy makita nila
ang kanilang kapahamakan.
Matikman sana nila ang galit
ng Diyos na Makapangyarihan.
21Kapag patay na sila,
hindi na nila malalaman
ang mga nangyayari
sa kanilang sambahayan.
22“Matuturuan ba ng tao ang Diyos,
na siya ngang pinakamataas na hukom?
23May mga taong namamatay
sa gitna ng kasaganaan
at panatag na kalagayan;
24malusog na pangangatawan
masisigla at matitibay ang buto.
25May mga tao ring namamatay
sa kahirapan,
at hindi nakaranas ng kahit kaunting
kaginhawahan sa buhay.
26Ngunit pareho rin silang ililibing sa lupa
at kakainin ng mga uod.
27“Alam ko kung ano ang nasa isip ninyo.
Alam ko kung ano
ang binabalak ninyo
laban sa akin.
28Sasabihin ninyo sa akin
ang tungkol sa mga taong mayaman
na nawasak ang tahanan
dahil sa kanilang kasamaan.
29Hindi ba kayo nakapagtanong
sa mga naglalakbay?
Hindi ba ninyo binigyang pansin
ang kanilang mga salaysay?
30Sabi nila, ang masamaʼy nakakatakas
sa araw ng kapahamakan,
at silaʼy nakakaligtas sa araw
ng kaparusahan.
31Walang sumasaway
sa mga taong masasamâ.
Walang gumaganti
sa kanilang mga maling gawa.
32At kapag namatay siya
at inihatid sa huling hantungan,
maraming tao ang nakikipaglibing.
33Tinatanggap ng lupa ang kanyang katawan
at binibigyan ito ng kapahingahan.
Binabantayan pa
ang kanyang libingan.
34“Kaya paano ninyo ako maaaliw
sa pamamagitan ng mga salita ninyong
walang kabuluhan?
Ang mga sinasabi ninyoʼy
walang katotohanan!”