The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos, sumagot si Elifaz na taga-Teman,
2“May pakinabang ba ang tao sa Diyos?
Kahit na marunong pa ito,
wala itong maitutulong sa kanya.
3Matutuwa kaya ang Diyos na Makapangyarihan
kung matuwid ka?
May mapapala ba siya sa iyo
kung walang kapintasan ang buhay mo?
4“Sinasaway ka at hinahatulan ng Diyos
hindi dahil may takot ka sa kanya,
5kundi dahil sa sukdulan na ang kasamaan mo
at walang tigil ang paggawa mo ng kasalanan.
6Walang awa mong kinukuha
ang damit ng iyong kapwa
bilang garantiya sa kanyang utang sa iyo.
7Hindi mo binibigyan ng tubig ang nauuhaw
at hindi mo rin binibigyan
ng pagkain ang nagugutom.
8Ginagamit mo ang iyong kapangyarihan
at kadakilaan sa pangangamkam ng lupa.
9Kapag humihingi sa iyo ng tulong
ang mga biyuda,
pinauuwi mo silang walang dala.
Pinagmamalupitan mo pa
pati ang mga ulila.
10Iyan ang mga dahilan
kung bakit napapalibutan ka ng patibong
at dumarating sa iyo
ang biglang pagkatakot.
11Iyan din ang mga dahilan
kung bakit nadiliman ka
at hindi nakakita,
at inaapawan pa ng baha.
12“Ang Diyos ay nasa kataas-taasang langit,
mas mataas pa sa pinakamataas na bituin.
13Kaya sinasabi mo,
‘Hindi alam ng Diyos
ang ginagawa ko.
Paano siya makakahatol
kung napapalibutan siya
ng makapal na ulap?
14Napapalibutan nga siya
ng makapal na ulap,
kaya hindi niya tayo makikita
habang naglalakad siya
sa itaas ng langit.’
15Patuloy ka bang susunod
sa pag-uugaling matagal nang sinusunod
ng taong masasama?
16Namatay sila nang wala pa sa panahon;
katulad sila ng pundasyon ng bahay
na tinangay ng baha.
17Sinabi nila sa Diyos na Makapangyarihan,
‘Pabayaan mo kami!’
at ‘Ano baʼng magagawa
ng Diyos na Makapangyarihan sa amin?’
18Ngunit ang Diyos ang siyang pumuno
sa kanilang tahanan ng mabubuting bagay.
Kaya ang ipapayo ng masasamang tao
ay hindi ko tatanggapin.
19Kapag nakita ng mga taong matuwid
at walang kasalanan
ang kapahamakan ng mga taong masama,
matutuwa sila at magdiriwang.
20Sasabihin nila, ‘Napahamak na
ang mga kaaway natin,
at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’
21“Job, magpasakop ka sa Diyos
at makipagkasundo sa kanya
upang pagpalain ka niya.
22Tanggapin mo ang kanyang mga itinuturo
at ingatan sa iyong puso
ang kanyang mga salita.
23Kung manunumbalik ka sa Diyos
na Makapangyarihan,
at aalisin ang kasamaan
sa iyong sambahayan,
muli ka niyang bibiyayaan.
24At kung ituturing mong parang buhangin lang
ang iyong kayamanan,
at itatapon sa ilog
ang iyong mamahaling ginto,
25ang Diyos na Makapangyarihan
ang magiging kayamanan mo,
Mamahaling pilak siya para sa iyo.
26At saka mo matatagpuan
ang kaligayahang nagmumula
sa Diyos na Makapangyarihan,
at hindi ka mahihiyang
lumapit sa kanya.
27Manalangin ka sa kanya
at diringgin ka niya.
Tuparin mo
ang iyong mga pangako sa kanya.
28Anuman ang binabalak mong gawin
ay mangyayari
at magiging maliwanag ang iyong daan.
29Kung may taong nanghihina,
at kung idadalangin mo sa Diyos
na palakasin siya,
tutulungan niya ang taong iyon.
30Pati ang mga taong nagkasala
ay ililigtas niya sa pamamagitan
ng buhay mong matuwid.”