Job 31

1“Ipinangako ko sa aking sarili

na hinding-hindi ako titingin

nang may pagnanasa sa isang dalaga.

2Sapagkat anong igaganti

ng Diyos na Makapangyarihan na nasa langit

sa mga ginagawa ng tao?

3Hindi baʼt kapahamakan at kasawian

para sa mga gumagawa ng kasamaan?

4Alam ng Diyos ang lahat ng aking ginagawa.

5“Kung nagsinungaling man ako at nandaya,

6hahayaan kong hatulan ako ng Diyos,

dahil siya ang nakakaalam

na wala akong kasalanan.

7Kung hindi ako sumunod sa tamang daan,

o kung sinunod ko ang nais ng aking mata,

at dinungisan ko ang aking sarili,

8masira nawa ang aking mga pananim

o di kayaʼy pakinabangan ng iba.

9“Kung naakit ako ng ibang babae

o napaibig sa asawa ng aking kapwa,

10kunin nawa at sipingan

ng ibang lalaki ang asawa ko.

11Sapagkat ang pangangalunya

ay kasalanang nakakahiya,

at dapat na parusahan ang taong

ganyan ang ginagawa.

12Iyan ay parang mapamuksang apoy

na uubos sa lahat ng aking kabuhayan.

13“Kung hindi ko pinahalagahan

ang karapatan ng aking alipin

nang dumaing sila sa akin,

14anong gagawin ko

kung hatulan ako ng Diyos?

Ano ang aking isasagot kung tanungin niya ako?

15Hindi baʼt ang Diyos na lumikha sa akin

ang siya ring Diyos na lumikha

sa aking mga alipin?

16“Pinagkaitan ko ba ng tulong ang mga mahihirap

o hinayaan kong mawalan ng pag-asa

ang mga biyuda?

17Ipinagtago ko ba ng pagkain

ang aking sarili

at hindi nagbigay sa mga ulila?

18Ngunit mula pa noong kabataan ko,

tumutulong na ako sa mga ulila,

at sa buong buhay ko

hindi ko pinabayaan ang mga biyuda.

19Kapag nakakita ako ng taong

nahihirapan sa lamig

dahil kapos siya sa damit,

20binibigyan ko siya ng damit pangginaw

na yari sa balahibo ng aking mga tupa.

At buong puso siyang nagpapasalamat sa akin.

21Kung pinagbuhatan ko ng kamay

ang mga ulila,

dahil alam kong malakas ako sa hukuman,

22maputol sana ang mga braso ko.

23Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyan

dahil natatakot ako sa parusa

at kapangyarihan ng Diyos.

24“Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan.

25Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko

at lahat ng aking ari-arian.

26Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang.

27Ang puso koʼy hindi nahikayat

na sumamba sa mga ito.

28Kung nagkasala ako sa paggawa ng mga ito,

dapat akong parusahan

dahil nagtaksil ako sa Diyos na nasa langit.

29“Hindi ko ikinatuwa ang kapahamakan

ng aking kaaway

o ang pagsapit sa kanila ng kahirapan.

30Hindi ako nagkasala

sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila.

31Alam ng aking mga kasambahay

na pinapakain ko ang lahat

kahit na ang mga dayuhan.

32Hindi ko pinabayaang matulog

kahit saan ang mga dayuhan,

dahil palaging bukas ang pintuan

ng aking tahanan

para sa kanila.

33Hindi ko itinatago ang aking kasalanan

katulad ng ginagawa ng ibang tao.

34Hindi ako tumahimik o nagtago

dahil takot ako sa anumang sasabihin ng mga tao.

35“Kung mayroon lang sanang

makikinig ng panig ko,

nakahanda akong lumagda

upang patunayan na wala akong kasalanan.

Kung may reklamo ang Makapangyarihan

laban sa akin,

ipapakiusap ko sa kanyang

sabihin niya ito sa akin

o kayaʼy isulat na lang.

36At ikakabit ko ito sa aking balikat

o sa ulo ko na parang korona.

37Iuulat ko sa kanya

ang bawat hakbang ko.

Haharap ako sa kanya

katulad ng isang pinuno.

38“Kung inaabuso ko ang aking lupain,

o kinamkam ko ito sa iba,

39o kung pinasama ko ang loob

ng mga manggagawa sa aking lupain

dahil kinuha ko ang kanilang ani

nang walang bayad,

40tumubo nawa sa lupain ko

ang mga matitinik na halaman

at mga damo sa halip na trigo at sebada.”

Dito natapos ang mga sinabi ni Job.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.
0:00-0:00