Job 36

1Nagpatuloy pa si Elihu,

2“Pagtiyagaan mo pa ako ng kaunti,

dahil may sasabihin pa ako

upang ipagtanggol ang Diyos.

3Marami akong nalalaman

at papatunayan ko sa iyo

na ang Diyos na lumikha sa akin ay tama.

4Tinitiyak ko sa iyong

hindi ako nagsisinungaling,

dahil ako na kausap moʼy

tunay na marunong.

5“Makapangyarihan ang Diyos,

ngunit wala siyang hinahamak.

Nalalaman niya ang lahat ng bagay.

6Hindi niya pinapayagang

mabuhay ang masama,

at ang mga inaapi

ay binibigyan niya ng katarungan.

7Hindi niya pinapabayaan

ang mga matuwid.

Pinararangalan niya sila

kasama ng mga hari magpakailanman.

8Ngunit kung silaʼy pinahihirapan

na parang ginagapos ng kadena,

9ipinapakita sa kanila ng Diyos

ang ginawa nilang kasalanan

na ipinagmamalaki pa nila.

10Ipinaririnig niya sa kanila

ang kanyang babala

at inuutusan silang tumalikod

sa kasamaan.

11Kung susunod sila at maglilingkod sa kanya,

buong buhay silang mamumuhay

sa kasaganaan at kaligayahan.

12Ngunit kung hindi sila susunod,

mamamatay sila sa digmaan

na kapos sa kaalaman.

13“Ang mga taong hindi makadiyos

ay nagkikimkim ng galit sa puso,

at kahit na pinaparusahan na sila ng Diyos,

hindi pa rin sila humihingi

ng tulong sa kanya.

14Mamamatay silang nang maaga,

habang silaʼy bata pa

pagkatapos nilang sayangin

ang kanilang buhay sa kalaswaan.

15Ngunit sa pamamagitan

ng mga paghihirap,

tinuturuan ng Diyos ang mga tao.

Natututo silang makinig sa kanya

sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

16“Inilalayo ka ng Diyos sa panganib

at binibigyan ng kalayaan at kasaganaan.

At mapupuno ng masasarap na pagkain

ang iyong hapag-kainan.

17Ngunit ngayong nararanasan mo

ang parusang nararapat sa masasamâ,

hindi ka na makakaiwas sa katarungan.

18Mag-ingat kaʼt

baka matukso ka sa kayamanan

at maakit sa malaking suhol.

19Makakatulong kaya sa iyong paghihirap

ang mga kayamanan moʼt kakayahan?

20Huwag mong hahanapin ang gabi,[#36:20 : Ang ibig sabihin, ang oras ng pagpaparusa ng Diyos.]

ang panahon ng kapahamakan

ng mga bansa.

21Mag-ingat kaʼt

huwag gumawa ng masama.

Pinahihirapan ka

upang makaiwas sa kasamaan.

22“Alalahanin mong ang Diyos

ay tunay makapangyarihan.

Walang guro na katulad niya.

23Walang makapagtuturo sa kanya

kung ano ang dapat niyang gawin,

at walang makapagsasabing

nagkamali siya.

24Huwag mong kalimutang purihin

ang kanyang mga ginawa

gaya ng ginagawa ng iba

sa kanilang pag-awit.

25Nakita ng lahat ng tao ang kanyang mga gawa,

kahit tinitingnan ito mula sa malayo.

26Tunay na makapangyarihan ang Diyos

at hinding-hindi natin kayang unawain

ang kanyang kadakilaan.

Kahit ang kanyang mga taon

ay hindi natin mabibilang.

27“Ang Diyos ang nagpapaakyat

ng tubig mula sa lupa

at ginagawa niyang ulan.

28Bumubuhos ang ulan

mula sa ulap

at ang lahat ng taoʼy nakikinabang.

29Walang nakakaalam

kung paano kumakalat ang ulap,

at kung paano kumukulog sa langit

kung saan nananahan ang Diyos.

30Masdan mo kung paano niya

pinakikidlat sa kanyang paligid,

at kung paano nito pinaliliwanag

hanggang sa dulo ng dagat.

31Ganito niya kinakalinga

ang mga bansa,

binibigyan niya sila

ng pagkaing sagana.

32Hinahawakan niya ang kidlat

at inuutusang tamaan

ang sinumang nais niyang patamaan.

33Ang kulog ay nagpapahiwatig

na may bagyong paparating,

kahit mga hayop ay alam

na itoʼy darating.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.