Job 38

Nagsalita ang Panginoon

1Pagkatapos, sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipuipo, sinabi niya,

2“Sino itong nag-aalinlangan

sa aking karunungan?

At nagsasalita ng pawang kamangmangan.

3Humanda ka.

Sagutin mo ang aking mga tanong.

4“Nasaan ka noong itinatag ko

ang pundasyon ng daigdig?

Sabihin mo kung iyong nauunawaan.

5Alam mo ba kung sino ang nagpasya

ng magiging lawak ng pundasyon

at sukat nito?

6Sino ang may hawak

ng pundasyon ng mundo?

At sino ang naglagay ng pundasyon na ito

7habang sama-samang umaawit

ang mga bituin sa umaga

at nagsisigawan sa tuwa

ang lahat ng anghel?

8“Sino ang naglagay ng hangganan sa dagat

nang bumulwak ito mula sa kailaliman?

9Ako ang naglagay ng makapal na ulap

at kadiliman bilang takip ng dagat.

10Itinakda ko ang hangganan ang dagat;

parang pintuang isinara

at nilagyan ng tarangka.

11Sinabihan ko ang dagat,

‘Hanggang dito ka lang

at huwag kang lalampas;

hanggang dito lang ang malalaki mong alon.’

12“Nautusan mo na ba

ang umaga na magliwanag,

o ituro sa bukang-liwayway

kung saan siya sisikat?

13Nagawa mo na bang ikalat

ang liwanag ng araw sa buong mundo

para mapatigil ang kasamaang

ginagawa kapag madilim?

14At dahil sa sikat ng araw,

ang daigdig ay malinaw na nakikita

katulad ng marka ng pantatak

at lukot ng damit.

15Ang liwanag ay nakakapigil sa masasama,

dahil hindi sila makakagawa

ng karahasan sa iba.

16“Ikaw baʼy nakapunta na sa mga bukal

na nasa ilalim ng dagat

o sa pinakamalalim na bahagi ng dagat?

17Naipakita na ba sa iyo

ang mga pintuang patungo

sa lugar ng mga patay?

18Alam mo ba kung gaano kalaki

itong mundo?

Sabihin mo sa akin

kung alam mo ang lahat ng ito!

19“Saan ang daan patungo

sa tahanan ng liwanag?

Saan ang tahanan ng kadiliman?

20Madadala mo ba sila

sa kanilang pinanggalingan?

Alam mo ba ang daan

patungo sa kanilang tahanan?

21Oo nga pala, alam mo ang lahat ng ito

dahil ipinanganak ka na

bago pa likhain ang mga ito

at matagal na panahon ka nang nabubuhay!

22“Nakapunta ka na ba

sa lugar na pinanggagalingan

ng nyebe o ulan na yelo?

23Ang mga yelong itoʼy inihahanda ko

para sa panahon ng kaguluhan at digmaan.

24Alam mo kung saan nagmumula ang kidlat?

At kung saan nagmumula

ang hanging silangan?

25Sino nga ba ang gumawa

ng dadaanan ng ulan at ng bagyo?

26Sino nga ba ang nagpapadala

ng ulan sa disyerto,

sa lugar na walang nakatirang tao?

27Sino ang nagpapadala ng ulan sa ilang upang tumubo ang mga damo?

28Mayroon bang ama ang ulan?

Sino ang ama ng mga ng hamog?

29Sino ang ina ng niyebe?

Sino ang nagsilang sa yelong mula sa langit?

30Ang tubig ay nagyeyelo

na kasintigas ng bato,

pati na ang itaas

na bahagi ng dagat.

31“Kaya mo pagkumpul-kumpulin

ang mga bituin ng Pleyades

o ikalat ang mga bituin ng Orion?

32Masasabihan mo ba ang mga bituin

na lumabas sa tamang oras?

o magagabayan ang mga bituing

Malaking Oso at Maliit na Oso

sa kanilang daan?

33Alam mo ba ang mga tuntuning

umiiral sa langit?

Ito kayaʼy mapapairal mo rito sa lupa?

34“Masisigawan mo ba ang mga ulap

para bumuhos sila ng ulan?

35Mauutusan mo ba ang kidlat na kumislap?

Mapapasunod mo kaya ito?

36Sino ang nagbibigay ng karunungan

at pang-unawa ng tao?

37Sinong napakarunong ang makakabilang ng mga ulap?

Sinong makakapagbuhos

ng tubig mula sa langit

38upang ang mga tuyong alikabok

ay maging buo-buong putik?

39“Maihahanap mo ba ng pagkain

ang mga leon

upang sila ay mabusog

40habang silaʼy nagtatago

sa kanilang lungga

o sa maliliit na punongkahoy?

41Sino ang nagpapakain sa mga uwak

kapag silaʼy nagugutom

at kapag ang mga inakay nilaʼy

humihingi ng pagkain sa Diyos?

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.