Job 4

Nagsalita si Elifaz

1Nagsalita si Elifaz na taga-Teman. Sinabi niya,

2“Magagalit ka ba

kung magsasalita ako?

Hindi ko na kayang manahimik.

3Noon, pinapayuhan mo

ang maraming tao na

magtiwala sa Diyos,

at pinalalakas ang mahihina

at nanlulupaypay.

4Ang mga salita moʼy

nagpalakas sa kanila

at umalalay sa mga nanghihina.

5Ngunit ngayong ikaw na

ang dumaranas ng kahirapan,

tila ikaw ang nanghihina

at naguguluhan.

6Hindi baʼt kapag

may takot ka sa Diyos

at namumuhay ka nang matuwid,

magdudulot ito sa iyo

ng tiwalaʼt pag-asa?

7“Ngayon, isipin mong mabuti.

May tao bang matuwid

at walang kasalanan na napahamak?

8Ayon sa aking nakitaʼt nalaman,

ang mga taong gumagawa

ng kasamaan at kaguluhan,

gayundin ang kanilang

kahahantungan.

9Sa isang bugso lamang

ng galit ng Diyos,

mapapahamak sila.

10Kahit na silaʼy tulad

ng malakas at mabangis na leon,

tatanggalin pa rin

ang kanilang mga ngipin.

11Mamamatay ang leon

dahil wala siyang mahuli

at ang mga anak ng babaeng leon

ay magkakahiwa-hiwalay.

12“May lihim na dumating sa akin,

nahagip ng aking pandinig

ang bulong na ito.

13Sa gitna ng gabing puno

ng maliligalig na panaginip,

habang mahimbing ang lahat

sa pagkakaidlip,

14binalot ako ng takot at nginig,

at ang mga buto koʼy nangatog.

15May espiritung dumaan

sa aking harapan,

at tumindig ang mga balahibo

sa aking katawan.

16Huminto ito, ngunit hindi ko

gaanong maaninag.

At may narinig akong mahinang tinig

na nagsasabi,

17‘Maaari bang maging matuwid

ang isang tao sa harapan ng Diyos?

May kakayahan ba ang isang taong

maging dalisay

sa harapan ng kanyang Manlilikha?

18Kung mismong sa mga anghel

na lingkod niya

ay hindi siya lubusang nagtitiwala,

at nakakakita siya ng kamalian nila,

19di lalo na sa taong nilikha lamang

mula sa lupa,

na madaling pisain

katulad ng gamo-gamo!

20Ang taoʼy maaaring buháy pa sa umaga

ngunit kinagabihaʼy patay na

at hindi na makikita magpakailanman.

21Para silang mga toldang bumagsak.

Namatay sila nang kulang

sa karunungan.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.