Job 40

1Sinabi pa ng Panginoon kay Job,

2“Makikipagtalo ka pa rin ba sa akin,

ako na Diyos na Makapangyarihan?

Sinasabi mong nagkamali ako.

Ngayon, sagutin mo ako.”

3Kaya sinagot ni Job ang Panginoon ,

4“Hindi po ako karapat-dapat

na sumagot sa inyo.

Tatahimik na lamang po ako.

5Marami na akong nasabi,

kaya hindi na po ako magsasalita.”

6At sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipuipo,

7“Ihanda mo ang iyong sarili,

at sagutin mo ang mga tanong ko.

8“Gusto mo bang patunayan na mali ako

upang palabasin na ikaw ang tama?

9Ang kamay mo baʼy makapangyarihan

tulad ng sa Diyos?

Dadagundong ba ang boses mo

tulad ng sa kanya?

10Kung magagawa mo iyan,

patunayan mo na ikaw nga

ay makapangyarihan, marangal at dakila.

11Ipakita mo ang matindi mong galit

sa taong mayayabang at ibagsak sila.

12Wasakin mo ang taong masasama

sa kanilang kinatatayuan.

13Ilibing mo silang lahat sa lupa,

sa lugar ng mga patay.

14Kapag nagawa mo ang mga ito,

ako ang pupuri sa iyo

at tatanggapin kong may kakayahan ka

na iligtas ang iyong sarili.

15“Tingnan mo ang Behemot,[#40:15 : Maaaring isang elepante o hipopotamus o dambuhalang hayop panlupa.]

nilalang ko rin siya katulad mo.

Kumakain ito ng damo na tulad ng baka,

16ngunit napakalakas nito,

at napakatibay ng katawan.

17Ang buntot niyaʼy

tuwid na tuwid

na parang kahoy ng sedro,

at ang mga hitaʼy matipuno.

18Ang mga buto nitoʼy

tulad ng tubong tanso o bakal.

19Kahanga-hanga siya sa lahat

ng aking nilalang.

Ngunit ako na Manlilikha niya

ay hindi niya matatalo.

20Nanginginain siya sa mga kabundukan

habang naglalaro ang mga hayop sa gubat

malapit sa kanya.

21Nagpapahinga siya

sa matitinik na halamang

natatabunan ng talahib.

22Ang mga halamang matinik

at ang iba pang mga punongkahoy

sa tabi ng batis

ay nagiging kanlungan niya.

23Hindi siya natatakot

kahit na rumaragasa

ang tubig sa ilog.

Tahimik pa rin siya

kahit halos natatabunan na siya

ng tubig ng Ilog Jordan.

24Sino ang makakahuli sa kanya

sa pamamagitan ng pagbulag sa kanya?

Sino ang makakabitag sa kanya

at makakakawit sa ilong niya?

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.