Josue 1

Itinalaga si Josue bilang Bagong Lider

1Nang mamatay na si Moises na lingkod ng Panginoon , sinabi ng Panginoon sa kanang kamay ni Moises na si Josue na anak ni Nun,

2“Patay na ang lingkod kong si Moises. Kaya ngayon, maghanda kayo, ikaw at ang lahat ng Israelita, na tumawid sa Ilog Jordan papunta sa lupaing ibibigay ko sa inyo.

3Ang lahat ng lugar na aapakan ninyo ay ibibigay ko sa inyo, gaya ng ipinangako ko kay Moises.

4Ito ang magiging teritoryo ninyo: mula sa disyerto sa timog hanggang sa kabundukan ng Lebanon sa hilaga, at mula sa malaking Ilog Eufrates sa silangan, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, at ang lupain ng mga Heteo.

5Walang makakatalo sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita iiwan, ni pababayaan.

6Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mamumuno sa mga taong ito para angkinin ang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno.

7“Magpakatatag ka at magpakatapang. Sundin mong mabuti ang lahat ng kautusan na ibinigay saʼyo ng lingkod kong si Moises. Huwag mo itong kalilimutan upang magtagumpay ka sa lahat ng gagawin mo.

8Huwag mong kalimutang basahin ang Aklat ng Kautusan. Pagbulay-bulayan mo ito araw at gabi upang malaman mo kung paano mo matutupad nang mabuti ang lahat ng nakasulat dito. Kung gagawin mo ito, uunlad ka at magtatagumpay.

9Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Diyos ay kasama mo kahit saan ka pumunta.”

10Kaya, inutusan ni Josue ang mga pinuno ng Israel,

11“Libutin ninyo ang kampo at sabihin sa mga tao na maghanda ng mga pagkain nila, dahil sa ikatlong araw mula ngayon ay tatawid tayo sa Ilog Jordan upang angkinin ang lupaing ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Diyos.”

12At sinabi ni Josue sa mga lahi nina Ruben, Gad at sa kalahating lahi ni Manases,

13“Alalahanin ninyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon matapos niyang sabihin sa inyong, ‘Bibigyan kayo ng Panginoon na inyong Diyos ng kapahingahan sa pamamagitan ng pagbibigay niya sa inyo ng lupaing ito.’

14Sinabi niyang mananatili rito sa silangang bahagi ng Ilog Jordan ang mga asawa, mga anak at mga hayop ninyo. Ngunit ang mga lalaki sa inyo na kayang makipaglaban at armado ay dapat maunang tumawid sa Ilog Jordan kaysa sa mga kapwa ninyo Israelita. Tutulungan ninyo sila

15hanggang sa ibigay din ng Panginoon sa kanila ang kapahingahan, gaya ng ginawa niya para sa inyo, at hanggang sa mapasakanila na rin ang lupain na ibibigay ng Panginoon na inyong Diyos sa kanila. Pagkatapos, maaari na kayong bumalik dito sa silangang bahagi ng Jordan, para angkinin ang lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod niya.”

16Sumagot sila kay Josue, “Gagawin po namin ang lahat ng sinabi nʼyo, at pupunta kami kahit saan nʼyo kami ipadala.

17Susunod kami sa inyo gaya ng pagsunod namin kay Moises. Samahan nawa kayo ng Panginoon na inyong Diyos gaya ng pagsama niya kay Moises.

18Ang sinumang lalabag sa pamumuno at utos ninyo ay papatayin. Kaya magpakatatag po kayo at magpakatapang!”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.