The chat will start when you send the first message.
1Maaga paʼy bumangon na si Josue at ang lahat ng mga Israelita. Umalis sila sa Shitim at pumunta sa Ilog Jordan kung saan nagkampo muna sila bago tumawid sa kabilang ibayo.
2Pagkalipas ng tatlong araw, nag-ikot sa kampo ang mga pinuno
3at sinabi nila sa mga tao, “Kapag nakita ninyong dinadala ng mga Levitang pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Diyos, sumunod kayo sa kanila,
4para malaman nʼyo kung saan kayo dadaan, dahil hindi pa kayo nakakadaan doon. Ngunit huwag kayong lalapit sa Kahon ng Kasunduan; magkaroon kayo ng agwat na isang kilometro.”
5Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga tao, “Linisin nʼyo ang inyong sarili dahil bukas magpapakita ang Panginoon ng mga kamangha-manghang bagay sa inyo.”[#3:5 : Ang ibig sabihin, sundin nila ang seremonya ng pagiging malinis.]
6Sinabi rin ni Josue sa mga pari, “Dalhin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan at mauna kayo sa mga tao.” Sinunod nila ang sinabi ni Josue.
7At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises.
8Sabihin mo sa mga paring tagadala ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog Jordan ay huminto muna sila.”
9Kaya sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Halikayoʼt sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Diyos.
10Ngayon, malalaman nʼyo na sumasainyo ang buháy na Diyos, dahil siguradong itataboy niya papalayo sa inyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo at mga Jebuseo.
11Tiyakin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo ay mauuna sa inyo sa pagtawid sa Ilog Jordan.
12Kaya ngayon, pumili kayo ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lahi ng Israel.
13Kapag lumusong na ang mga pari na tagadala ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon , ang Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo, hihinto ang pagdaloy ng tubig sa Ilog Jordan. Ang tubig nito mula sa itaas ay maiipon sa isang lugar.”
14-15Anihan noon at umaapaw ang tubig sa pampang ng Ilog Jordan. Umalis ang mga tao sa mga kampo nila para tumawid sa ilog. Nauuna sa kanila ang mga paring may dala ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon . Paglusong ng mga pari sa ilog,
16huminto agad sa pagdaloy ang tubig. Naipon ang tubig sa malayo, sa lugar na tinatawag na Adam – isang bayan malapit sa Zaretan. Walang tubig na dumaloy papunta sa Dagat ng Araba (na siya ring tinatawag na Dagat na Patay), kaya nakatawid ang mga tao sa lugar na malapit sa Jerico.
17Nakatayo sa gitna ng natuyong ilog ang mga pari, dala ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon habang tumatawid ang mga Israelita. Hindi sila umalis doon hanggaʼt hindi nakakatawid ang lahat.