Josue 4

Nagtayo ang mga Israelita ng Monumento

1Nang makatawid na ang lahat ng mamamayan ng Israel sa Ilog Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue,

2“Pumili ka ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lahi,

3at utusan ang bawat isa sa kanila na kumuha ng isang bato sa gitna ng ilog, doon sa kinatatayuan ng mga pari. Pagkatapos, dadalhin nila ito sa lugar na tutuluyan nʼyo ngayong gabi.”

4Kaya tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na pinili niya mula sa bawat lahi ng Israel at sinabi,

5“Pumunta kayo sa gitna ng ilog, sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Diyos. Ang bawat isa sa inyoʼy kumuha ng isang malaking bato para sa bawat lahi ng Israel at pasanin ito.

6Gawin nʼyo agad itong monumento bilang alaala sa ginawa ng Panginoon . Sa darating na panahon, kapag nagtanong ang mga anak nʼyo kung ano ang ibig sabihin ng mga batong ito,

7sabihin nʼyo sa kanila na huminto sa pagdaloy ang Ilog Jordan nang itinawid dito ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon . Ang mga batong ito ay isang alaala para sa mga mamamayan ng Israel magpakailanman.”

8Sinunod ng labindalawang Israelita ang iniutos sa kanila ni Josue, ayon sa sinabi ng Panginoon . Kumuha sila ng labindalawang bato sa gitna ng ilog Jordan, isang bato para sa bawat lahi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kampo nila at inilagay doon.

9Naglagay din si Josue ng labindalawang bato sa gitna ng ilog, sa lugar na kinatatayuan mismo ng mga paring may dala ng Kahon ng Kasunduan. Hanggang ngayon nandoon pa ang mga batong iyon.

10Nanatiling nakatayo sa gitna ng ilog Jordan ang mga paring may dala ng Kahon hanggang sa matapos ang lahat ng iniutos ng Panginoon na siya ring iniutos ni Moises kay Josue. At ang mga Israelita ay mabilis na tumawid sa kabilang ibayo.

11Nang makatawid na silang lahat, itinawid din ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon . At nauna ulit ang mga pari sa mga tao.

12Tumawid din at nauna sa mga tao ang mga lalaking armado na mula sa lahi nina Ruben, Gad at kalahating lahi ni Manases, ayon sa iniutos ni Moises sa kanila.

13Ang bilang ng mga armadong kalalakihang ito ay nasa apatnapung libo. Kasama nila ang presensya ng Panginoon at pumunta sa Kapatagan ng Jerico para makipaglaban.[#4:13 presensya ng : Maaaring ang ibig sabihin, Kahon ng Kasunduan.]

14Nang araw na iyon, pinarangalan ng Panginoon si Josue sa harap ng mga Israelita. At iginalang si Josue ng mga tao sa buong buhay niya gaya ng ginawa ng mga tao kay Moises.

15Nauna nang sinabi ng Panginoon kay Josue,

16“Utusan mo ang mga paring may dala ng Kahon ng Kasunduan, na umahon na sila sa ilog.”

17At sinunod iyon ni Josue.

18Kaya umahon ang mga pari na dala ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon . At pagtapak nila sa pampang, dumaloy ulit ang tubig at umapaw gaya ng dati.

19Ang pagtawid ng mga Israelita sa Ilog Jordan ay nangyari nang ikasampung araw ng unang buwan. Pagkatapos, nagkampo ang mga Israelita sa Gilgal, sa gawing silangan ng Jerico.

20Doon ipinalagay ni Josue ang labindalawang bato na ipinakuha niya sa Ilog Jordan.

21Sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Sa darating na panahon, kapag nagtanong sa inyo ang mga anak nʼyo kung anong ibig sabihin ng mga batong ito,

22sabihin nʼyo na lumakad sa tuyong lupa ang mga Israelita nang tumawid sila sa Ilog Jordan.

23Sabihin nʼyo sa kanila na pinatuyo ng Panginoon na inyong Diyos ang Ilog Jordan hanggang sa makatawid kayo, gaya ng ginawa niya sa Dagat na Pula hanggang sa makatawid tayo.

24Ginawa niya ito para kilalanin ng lahat ng mga tao sa mundo na makapangyarihan ang Panginoon at upang lagi kayong magkaroon ng takot sa Panginoon na inyong Diyos.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.
0:00-0:00