Josue 8

Ang Pagsakop sa Ai

1Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot o kayaʼy manghina. Isama mo ang lahat ng iyong sundalo at lusubin ulit ninyo ang Ai, dahil ibinigay ko na sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga mamamayan, ang kanyang bayan at ang kanyang lupain.

2Kung ano ang ginawa ninyo sa Jerico at sa hari nito, ganoon din ang gawin ninyo sa Ai. Ngunit sa pagkakataong ito, maaari na ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at mga hayop para sa inyong sarili. Maghanda kayo at tambangan ninyo sila sa likod ng lungsod.”

3Kaya umalis sila Josue at ang lahat ng sundalo niya para lusubin ang Ai. Pumili si Josue ng tatlumpung libong sundalo na mahuhusay makipaglaban at pinaalis nang gabi.

4Ito ang bilin ni Josue sa kanila, “Magtago kayo sa likod ng lungsod, pero huwag masyadong malayo. Maging handa kayo sa paglusob kahit anong oras.

5Ako at ang mga kasama ko ay lalapit sa lungsod, at kapag lumabas na sila para makipaglaban sa amin, tatakas kami, gaya ng nangyari noon.

6Iisipin nilang natatakot kami kagaya noon, kaya hahabulin nila kami hanggang sa makalayo sila sa lungsod.

7Pagkatapos, lumabas kayo sa pinagtataguan nʼyo at sakupin ang lungsod. Ibibigay ito sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos.

8Kapag nasakop nʼyo na ang lungsod, sunugin nʼyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon . Tiyakin nʼyong gagawin ito ayon sa iniutos.”

9Pinaalis sila ni Josue, at nagtago sila sa bandang kanluran ng Ai, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. At sina Josue naman ay nagpaiwan sa kampo nang gabing iyon.

10Kinaumagahan, maagang tinipon ni Josue ang mga sundalo niya. Pinangunahan niya sila kasama ang mga pinuno ng Israel at pumunta sila sa Ai.

11Nakarating sila sa lugar na nakaharap sa lungsod, sa bandang hilaga nito, at doon sila nagtayo ng mga tolda. May lambak na nakapagitan sa kanila at sa Ai.

12Nagpadala si Josue ng 5,000 sundalo para tambangan ang lungsod sa bandang kanluran nito, sa kalagitnaan ng Ai at Betel.

13Kaya pumuwesto na ang mga sundalo. Ang ibang mga sundalo ay nasa bandang hilaga ng lungsod, at ang iba naman ay naroon sa bandang kanluran nito.

Nang gabing iyon pumunta sina Josue sa lambak.

14Nang makita ng hari ng Ai sina Josue, maaga paʼy agad-agad na siyang lumabas sa lungsod kasama ang mga tauhan niya, at pumunta sa lugar na nakaharap sa Kapatagan ng Jordan para makipaglaban sa Israel. Hindi nila alam na may lulusob sa kanila galing sa likod ng lungsod.[#8:14 : Sa Hebreo, Araba.]

15Si Josue at ang lahat ng mga kasama niya ay nagkunwaring natalo, at tumakas papuntang ilang.

16Kaya hinabol silang lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa nailayo na nila ang mga ito sa lungsod.

17Lahat ng kalalakihan sa Ai at Betel ay humabol sa mga Israelita, kaya walang naiwan para ipagtanggol ang lungsod.

18Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ituro mo ang sibat mo sa Ai dahil ipapasakamay ko sa inyo ang lungsod na ito.” Kaya itinuro ni Josue ang sibat niya sa Ai.

19Nang ginawa niya iyon, lumabas at nagsitakbo ang mga tauhan niyang nananambang sa bayan, lumusob sila papasok sa lungsod, at dali-daling sinunog ito.

20Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nila ang makapal na usok sa ibabaw ng lungsod. Wala na silang matatakbuhan, dahil bigla na lang silang hinarap ng mga Israelita na hinahabol nila sa ilang.

21Dahil nang makita ni Josue at ng mga kasama niya na nakapasok na sa lungsod ang ibang mga kasama nila at sinunog na nila ito, bumalik sila at nilusob ang mga taga-Ai.

22Lumusob din ang mga Israelitang pumasok sa lungsod, kaya napagitnaan nila ang mga taga-Ai. Pinatay nilang lahat ang mga ito at walang nakatakas o kayaʼy naiwang buháy sa kanila,

23bukod lang sa hari nila. Binihag siya at dinala kay Josue.

24Nang mapatay na nilang lahat ang taga-Ai na humabol sa kanila sa ilang, bumalik silang lahat sa lungsod at pinatay din ang lahat ng naiwan doon.

25Nang araw na iyon, namatay ang lahat ng naninirahan sa Ai; labindalawang libo lahat, lalaki at babae.

26Nanatiling nakatutok ang sibat ni Josue sa lugar ng Ai hanggang sa malipol ang lahat ng mamamayan nito.

27Kinuha ng mga Israelita ang mga hayop at mga ari-arian ng lungsod, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Josue.

28Pagkatapos, ipinasunog ni Josue ang buong Ai, at hindi na ito muling maitatayo; hanggang ngayon wala nang nakatira rito.

29Ibinitin ni Josue sa isang puno ang hari at pinabayaan doon maghapon. Paglubog ng araw, ipinakuha niya ang bangkay at ipinatapon sa labas ng pintuan ng lungsod. Pinatambakan nila ito ng malaking bunton ng mga bato, at hanggang ngayon ay makikita pa roon ang mga batong ito.

Binasa ang Kasunduan sa Bundok ng Ebal

30Pagkatapos, nagpagawa si Josue ng altar sa Bundok ng Ebal para sa Panginoon , ang Diyos ng Israel.

31Ipinagawa niya ito ayon sa utos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga Israelita. Nakasulat ito sa Aklat ng Kautusan ni Moises at ito ang sinasabi: “Gumawa ka ng altar na bato na hindi natabasan ng gamit na bakal.” Sa ibabaw ng altar, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan.

32Sa harap ng mga Israelita, kinopya ni Josue sa mga bato ang kautusang isinulat ni Moises.[#8:32 : O sa mga bato ng altar.]

33Ang lahat ng mga Israelita, kasama ang kanilang mga tagapamahala, mga opisyal at mga hukom nila, pati ang mga dayuhang kasama nila ay tumayo sa dalawang grupo na magkaharap. Ang isang grupo ay nakatalikod sa Bundok ng Gerizim at ang isaʼy nakatalikod sa Bundok ng Ebal. Sa gitna nila ay nakatayo ang mga paring Levita na nagdadala ng Kahon ng Kasunduan. Nag-utos sa kanila noon si Moises na lingkod ng Panginoon na gawin ito sa panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas.

34Binasa ni Josue ang kautusan, pati ang pagpapala at sumpa na nakasulat sa Aklat ng Kautusan.

35Isa-isang binasa ni Josue ang mga utos ni Moises sa harap ng buong mamamayan ng Israelita, kasama na ang mga babae, anak at mga dayuhang naninirahan kasama nila.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.
0:00-0:00