Mga Panaghoy 1

1Napakalungkot na sa Jerusalem na dati

ay puno ng mga tao.

Ang kilalang-kilala noon sa buong mundo,

ngayoʼy naging tulad ng isang biyuda.

Kung dati ay reyna siya ng lahat ng lungsod,

ngayoʼy isang alipin ang kanyang katulad.

2Buong pait siyang umiiyak sa magdamag.

Ang mga luha niyaʼy dumadaloy

sa kanyang mga pisngi.

Walang dumamay sa kanya

kahit isa man

sa kanyang mga minamahal.

Siyaʼy pinagtaksilan

ng lahat ng kanyang kaibigan,

na ngayoʼy kanyang naging mga kaaway.

3Lubhang pinahirapan ang Juda

at ang mga mamamayan niyaʼy binihag.

Doon na sila nakatira sa ibang bansa

kung saan silaʼy inalipin.

Tinugis sila ng kanilang mga kaaway

hanggang hindi na sila makatakas.

4Ang mga daan patungo sa Zion

ay puno na ng kalungkutan,

dahil wala nang dumadalo

sa mga itinakdang pista.

Sa mga pintuang-bayan

ay wala na ring mga tao.

Ang mga pari ay dumadaing,

at ang mga dalaga ay nagdadalamhati.

Napakapait ng sinapit ng Jerusalem.

5Pinamunuan sila ng kanilang mga kaaway,

at yumaman ang mga ito.

Sapagkat pinahirapan

ng Panginoon ang Jerusalem

dahil napakarami nitong kasalanan.

Ang kanyang mga mamamayan

ay binihag ng mga kaaway.

6Ang kagandahan ng Zion ay naglaho na.

Ang kanyang mga pinuno

ay parang mga gutom na usa

na naghahanap ng pastulan.

Silaʼy nanghihina na habang tumatakas

sa mga tumutugis sa kanila.

7Ngayong ang Jerusalem

ay nagdadalamhati at naguguluhan,

naalala niya ang lahat

ng dati niyang kayamanan.

Nang mahulog siya

sa kamay ng kanyang mga kaaway,

walang sinumang tumulong sa kanya.

At nang siyaʼy bumagsak,

kinutyaʼt tinawanan pa siya

ng kanyang mga kaaway.

8Napakalaki ng kasalanan ng Jerusalem,

kaya naging marumi siya.

Ang lahat ng pumupuri noon sa kanya

ngayoʼy hinahamak na siya,

dahil nakita nila ang kanyang kahihiyan.

Sa hiya ay napadaing siya at tumalikod.

9Nabunyag sa lahat ang kanyang karumihan,

at hindi niya inalala ang kanyang kasasapitan.

Malagim ang kanyang naging pagbagsak,

at walang sinumang tumutulong sa kanya.

Kaya sinabi niya, “O Panginoon ,

tingnan po ninyo ang aking paghihirap,

dahil akoʼy nilupig ng aking mga kaaway.”

10Ang mga kaaway niyaʼy ninakaw

ang lahat ng kanyang kayamanan.

At nakita niyang pumasok

sa banal na Templo

ang mga bansang pagano,

silang mga ipinagbawal mo

na pumasok sa iyong santuwaryo.

11Ang mga mamamayan niyaʼy dumadaing

habang naghahanap ng pagkain.

Ipinagpalit nila ang kanilang mga kayamanan

para sa pagkain upang mabuhay.

Sinabi ng Jerusalem, “O Panginoon ,

pagmasdan po ninyo

sapagkat akoʼy nasa kahihiyan.”

12Sinabi rin niya sa mga dumaraan,

“Balewala lang ba ito sa inyo?

May nakita ba kayong naghirap

na kagaya ko?

Ang paghihirap na ito

ay ipinataw sa akin ng Panginoon

nang magalit siya sa akin.

13“Mula sa langit, nagpadala siya ng apoy

na tila sumusunog sa aking mga buto.

Naglagay siya ng bitag para sa aking mga paa

kaya akoʼy napaatras.

Iniwan niya akong wasak

at nanghihina buong maghapon.

14“Itinali ang aking mga kasalanan

at ginawang pamatok;

sariling kamay niya ang naghabi nito.

Inilagay niya ito sa aking batok,

at inubos ang aking lakas.

Ako ay ibinigay sa kamay

ng mga taong hindi ko kayang labanan.

15“Itinakwil ng Panginoon

ang lahat ng aking mga kawal.

Tinipon niya ang aking mga kaaway

upang lipulin

ang aking mga kabataang sundalo.

Ang mga mamamayan ng Juda

ay naging tulad ng ubas

na inilagay ng Panginoon sa pisaan

at tinapak-tapakan.

16“Iyan ang dahilan

kung bakit akoʼy umiiyak,

at dumadaloy ang luha

sa aking mga mata.

Walang nagpapalakas sa akin

ni walang umaalo.

Nakakaawa ang aking mga mamamayan

dahil natalo sila ng kanilang mga kaaway.”

17Humingi ng tulong ang Jerusalem

pero walang tumulong sa kanya.

Sapagkat niloob ng Panginoon

na makaaway ng lahi ni Jacob

ang mga bansa sa palibot niya.

Itinuring nila ang Jerusalem

na napakaruming basahan ang Jerusalem

at dapat nang itapon.

18“Matuwid ang Panginoon ,

ngunit hindi ko sinunod

ang kanyang mga utos.

Kaya lahat kayo, pakinggan ninyo ako

at tingnan ang aking paghihirap.

Ang mga kabataan kong babae at lalaki

ay dinala sa malayong lupain at binihag.

19“Humingi ako ng tulong sa aking mga kakampi

ngunit pinagtaksilan nila ako.

Namatay ang aking mga pari

at ang mga tagapamahala ng lungsod

habang naghahanap ng pagkain

para mabuhay.

20“Panginoon , masdan po ninyo ang aking kagipitan!

Nagdurusa ang aking kalooban

at parang pinipiga ang puso ko,

sapagkat naghihimagsik ako sa inyo.

Kabi-kabila ang patayan sa aking mga lansangan

pati na sa loob ng aking tahanan.

21“Narinig ng mga tao ang pagdaing ko

ngunit wala kahit isang umaalo sa akin.

Nalaman ng lahat ng kaaway ko ang aking mga paghihirap

at natuwa sila sa ginawa nʼyong ito sa akin.

Dumating na sana ang araw

na ipinangako ninyong pagpaparusa sa kanila,

upang maging katulad ko rin sila.

22“Masdan ninyo ang lahat ng kasamaang ginagawa nila;

parusahan nʼyo sila tulad ng pagpaparusa nʼyo sa akin

dahil sa lahat ng aking kasalanan.

Paulit-ulit akong dumadaing

at parang mawawalan na ako ng malay.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.