The chat will start when you send the first message.
1Isa ako sa mga nakaranas ng parusa ng Panginoon
dahil sa kanyang galit.
2Pinalayas niya ako at pinalakad
sa dilim sa halip na sa liwanag.
3Paulit-ulit niya akong pinarusahan
araw at gabi.
4Pinahina ang aking katawan
at binali ang aking mga buto.
5Sinalakay niya ako at ibinilanggo
sa paghihirap at pagdurusa.
6Inilagay sa kadiliman
na parang isang tao na matagal nang patay.
7Kinadena niya ako at ikinulong
upang hindi makatakas.
8Kahit na humingi ako ng tulong,
hindi niya ako pinakinggan.
9Hinarangan niya ng pader na bato ang aking landas,
at pinaliku-liko ang aking dadaanan.
10Para siyang oso o leon na nag-aabang
para salakayin ako.
11Kinaladkad ako palayo sa daan
at pagkatapos ay nilapa at iniwan.
12Iniumang niya ang kanyang pana
at itinutok sa akin.
13Pinana niya ako
at tumagos ito sa puso ko.
14Naging katawa-tawa ako sa aking mga kalahi.
Buong araw nila akong inaawitan ng pangungutya.
15Pinuno niya ako ng labis na kapaitan
at binigyan ng inuming may lason.
16Nabungi ang mga ngipin ko dahil pinakain niya ako ng graba,
at saka tinapak-tapakan niya ako sa lupa.
17Inalis niya ako sa maganda kong kalagayan
at hindi ko na naranasan ang kasaganaan.
18Nawala na ang karangalan ko
at lahat ng pag-asa sa Panginoon .
19Napakasakit isipin ang mga paghihirap
at pagdurusa kong tulad ng mapait na lason.
20At kung palagi ko itong iisipin,
manghihina ako.
21Ngunit nanunumbalik ang aking pag-asa
sapagkat aking naalala:
22Dahil ang pag-ibig at awa ng Panginoon
ay walang katapusan
kaya hindi tayo tuluyang nalipol.
23Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag.
Dakila ang katapatan ng Panginoon !
24Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang Panginoon ang lahat para sa akin,
kaya sa kanya ako nagtitiwala.”
25Mabuti ang Panginoon
sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya.
26Mabuting matiyagang maghintay
sa pagliligtas ng Panginoon .
27Mabuti para sa isang tao na kahit bata pa
ay matuto nang makipamatok at sumunod.
28Kapag tinuturuan tayo ng Panginoon ,
tumahimik tayo at pag-isipan itong mabuti.
29Magpakumbaba tayo sa harap ng Panginoon
at huwag mawalan ng pag-asa.
30Kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa ang kabila.
At tanggapin mo rin ang pangungutya ng iyong mga kaaway.
31Dahil hindi tayo itatakwil
ng Panginoon magpakailanman.
32Ngunit kahit nagpaparusa siya, ipinapakita pa rin niya ang kanyang habag
at ang napakalakiʼt walang hanggan niyang pag-ibig sa atin.
33Dahil hindi siya natutuwa
na tayoʼy saktan o pahirapan.
34Ayaw ng Panginoon na apihin ang mga bilanggo,
35o balewalain ang karapatan ng tao.
36Ayaw din ng Kataas-taasang Diyos
na ipagkait ang katarungan sa sinumang tao.
Nakikita niya ang lahat ng ito.
37Walang anumang bagay na nangyayari
na hindi pinahihintulutan ng Panginoon.
38Hindi baʼt ang Kataas-taasang Diyos ang nagpapasya
kung mangyayari ang isang bagay,
mabuti man ito o masama?
39Kaya bakit tayong mga taoʼy magrereklamo
kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan?
40Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay
at magbalik-loob sa Panginoon .
41Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Diyos na nasa langit at sabihin:
42“Panginoon , nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo,
at hindi nʼyo kami pinatawad.
43“Nagalit kayo sa amin at inusig kami
at walang awang pinatay.
44Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili
upang hindi nʼyo marinig ang aming mga panalangin.
45Ginawa nʼyo kaming parang basura
sa paningin ng ibaʼt ibang bansa.
46“Kinutya kami ng lahat
ng aming mga kaaway.
47Dumanas kami ng matinding takot, panganib,
pagkasira at kapahamakan.”
48Napaluha ako
dahil sa kapahamakang
sinapit ng aking mga kalahi.
49Patuloy akong iiyak,
at dadaloy ang aking luha nang walang tigil,
50hanggang sa tumunghay
ang Panginoon mula sa langit.
51Labis akong nasaktan sa sinapit
ng mga kababaihan ng aking lungsod.
52Hinahabol ako ng aking mga kaaway
na parang isang ibon,
kahit na wala naman akong nagawang kasalanan sa kanila.
53Sinubukan nila akong patayin
sa pamamagitan ng pambabato at paghulog sa balon.
54Halos malunod na ako
at ang akala koʼy mamamatay na ako.
55Doon sa ilalim ng balon,
tumawag ako sa inyo Panginoon .
56Pinakinggan nʼyo ang pagmamakaawa ko
at paghingi ng tulong.
57Dumating kayo nang akoʼy tumawag
at sinabi ninyong huwag akong matakot.
58Tinulungan nʼyo ako sa aking problema, Panginoon,
at iniligtas nʼyo ang aking buhay.
59Panginoon , nakita ninyo ang kasamaang ginawa sa akin ng aking mga kaaway,
kaya bigyan ninyo ako ng katarungan.
60Alam ninyo kung paano nila ako pinaghigantihan
at ang lahat ng kanilang binabalak laban sa akin.
61Napakinggan nʼyo, O Panginoon , ang kanilang mga pangungutya
at alam ninyo ang lahat ng binabalak nila laban sa akin.
62Buong araw nilang pinag-uusapan
ang pinaplano nilang masama laban sa akin.
63Masdan nʼyo, nakaupo man sila o nakatayo,
kinukutya nila ako sa pamamagitan ng pag-awit.
64Panginoon , parusahan nʼyo sila
ayon sa kanilang ginagawa.
65Patigasin nʼyo ang mga puso nila
at sumpain nʼyo sila.
66Sa galit nʼyo Panginoon , habulin nʼyo sila
at lipulin nang mawala na sila sa mundong ito.