Leviticus 19

Ibaʼt ibang Kautusan

1Inutusan ng Panginoon si Moises

2na sabihin ito sa lahat ng mamamayan ng Israel: Magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Diyos ay banal.

3Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.

4Huwag kayong sasamba sa mga diyos-diyosan o gagawa ng mga imahen nila. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.

5Kung mag-aalay kayo ng handog pangkapayapaan sa akin na inyong Panginoon , ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin.

6Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Ngunit kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito.

7Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na.

8At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin na inyong Panginoon , kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

9Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira.

10Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.

11Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.

12Huwag kayong manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan dahil kapag iyon ay ginawa ninyo iyon nilalapastangan ninyo ang aking pangalan. Ako ang Panginoon .

13Huwag ninyong lalamangan o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad ng suweldo ng taong pinagtatrabaho ninyo.

14Huwag kayong magsasalita ng masama sa bingi, at huwag ninyong lalagyan ng katitisuran ang dinadaanan ng bulag. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin sa pamamagitan ng pagsunod ng mga utos ko. Ako ang Panginoon .

15Kinakailangang matuwid at walang kinikilingan ang inyong paghatol sa inyong kapwa, mayaman man o dukha.

16Huwag ninyong siraan ang inyong kapwa. Huwag kayong gagawa ng anumang maglalagay sa panganib ng inyong kapwa. Ako ang Panginoon .

17Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapwa. Paalalahanan ninyo siya kung siyaʼy nagkasala upang wala kayong pananagutan.

18Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili. Ako ang Panginoon .

19Sundin ninyo ang aking mga utos. Huwag ninyong palalahian ang isang hayop sa ibang uri ng hayop. Huwag kayong magtatanim ng dalawang klaseng binhi sa iisang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang klaseng tela.

20Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ikasal sa ibang lalaki, pero hindi pa natutubos o napapalaya ang babae, dapat silang parusahan. Ngunit huwag silang patayin dahil hindi pa napapalaya ang nasabing babae.[#19:20 : Ang ibig sabihin, hindi pa siya natutubos ng kanyang mapapangasawa o ng ibang tao sa kanyang amo para siyaʼy lumaya sa pagkaalipin.]

21-22Kinakailangang magdala ang lalaki ng lalaking tupa malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan bilang handog na kabayaran ng kanyang pagkakasala sa Panginoon . Sa paghahandog ng pari ng tupang iyon sa aking harapan, ituturing kong malinis ang lalaking iyon sa kanyang kasalanan at patatawarin ko siya.

23Kapag dumating na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong kakainin ang bunga ng mga punongkahoy na inyong itinanim sa loob ng tatlong taon. Ituring ninyong marumi iyon.

24Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga ay ituturing na banal, ihandog ninyo ito sa akin na inyong Panginoon bilang papuri sa akin kaya huwag ninyo itong kakainin.

25Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga ng inyong mga pananim. At kung susundin ninyo ang tuntuning ito, magiging sagana ang bunga ng inyong mga pananim. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.

26Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.

Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.

27Kung magluluksa kayo, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas.

28At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatatu. Ako ang Panginoon .

29Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.

30Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang aking santuwaryo. Ako ang Panginoon .

31Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.

32Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Diyos, ako ang Panginoon .

33Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.

34Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Ehipto. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.

35Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal.

36-37Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.

Ako ang Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon .

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.