Leviticus 23

Mga Espesyal na Araw ng Pagsamba

1Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2“Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ito ang mga pistang pinili ng Panginoon na dapat ninyong itakda bilang araw ng pagtitipon at pagsamba ninyo sa kanya.

3“ ‘May anim na araw kayo para magtrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil ito ang Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong magtrabaho sa araw na ito, sa halip ay magtipon kayo upang sumamba dahil ito ang araw para magpuri sa Panginoon .

(Bil. 28:16‑25)

4“ ‘Ito ang mga natatanging araw na pinili ng Panginoon na dapat magtipon ang mga Israelita para sumamba sa akin.

5Ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ginaganap sa gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan.[#23:5 : Sa literal, Pista ng Paglampas ng Anghel para sa .]

6At sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, magsisimula naman ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw ang pistang ito at sa mga araw na iyon, ang tinapay na kakainin ninyo ay dapat walang pampaalsa.[#23:6 : Sa literal, Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa para sa .]

7Sa unang araw ng pistang ito, huwag kayong magtatrabaho, sa halip ay magtipon kayo at sumamba sa inyong Panginoon .

8Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo sa kanya ng handog sa pamamagitan ng apoy. At sa ikapitong araw, huwag kayong magtatrabaho sa halip ay magtipon nga kayo at sumamba sa akin na inyong Panginoon .’ ”

(Bil. 28:26‑31)

9Sinabi ng Panginoon kay Moises,

10“Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon at kayoʼy mag-aani, dadalhin ninyo sa pari ang unang bigkis ng bawat ani,

11at kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, itataas niya ito sa Panginoon para tanggapin kayo ng Panginoon sa pamamagitan nito.

12Sa araw ding iyon, maghahandog din kayo sa Panginoon ng tupa na isang taóng gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog.

13Kasama nito, maghandog din kayo ng apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil sa Panginoon , at isang litrong alak bilang handog na inumin. Mga handog ito sa pamamagitan ng apoy, at nakalulugod ang samyo nito sa Panginoon .

14Hindi kayo dapat kumain ng anuman mula sa inyong bagong ani, ito man ay sariwa o binusa o nilutong tinapay, hanggaʼt hindi niyo pa ito naihahandog sa inyong Diyos. Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira.

15“ ‘Pagkatapos ng pitong linggo mula sa araw na kayoʼy naghandog ng mga binigkis na ani bilang handog na itinataas,

16muli kayong magtipon at mag-alay sa Panginoon ng handog na pagkaing butil mula sa mga binigkis ng unang ani ninyo.

17At sa ika-limampung araw, ang araw pagkatapos ng ikapitong Araw ng Pamamahinga, maghandog kayo dalawang tinapay na gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina na may pampaalsa. Ihandog ninyo ito bilang handog na itinataas para sa Panginoon , mula sa inyong unang ani.

18Kasama nito, magdala rin kayo ng pitong lalaking tupa na isang taóng gulang na walang kapansanan, isang batang toro, at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Ihahandog ninyo ang mga ito bilang handog na sinusunog para sa Panginoon , kasama ng handog na pagkaing butil at handog na inumin. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon .

19Maghahandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan, at dalawang tupa na tig-isang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan.

20Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari.

21Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon . Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira.

22“ ‘Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Diyos.

(Bil. 29:1‑6)

23-24“ ‘Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon . Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya.

25Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon .

(Bil. 29:7‑11)

26-27-28“ ‘Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Diyos.

29Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

30Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon.

31-32Kaya magpahinga kayo at mag-ayuno mula sa paglubog ng araw nang ikasiyam na araw ng buwang iyon hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira.’ ”

(Bil. 29:12‑40)

33-34Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Sa ika-labinlimang araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol at itoʼy ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw.[#23:33‑34 : Sa literal, Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol para sa .]

35Sa unang araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo at sumamba sa Panginoon .

36Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon . Sa ikawalong araw, hindi rin kayo magtatrabaho kundi muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon , at maghandog sa kanya. Iyan ang panghuling araw ng inyong pagtitipon.[#23:36 : Ito ay dagdag na araw ng pista na siyang huling araw ng kapistahan.]

37“ ‘Iyon ang itinakdang espesyal na mga araw na magtitipon kayo para sumamba sa Panginoon at para mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon ; mga handog na sinusunog, handog na pagkaing butil sa Panginoon , at mga handog na inumin. Ang mga handog na ito ay kinakailangang ihandog ninyo sa itinakdang araw ng paghahandog nito.

38Ipagdiwang ninyo ang itinakdang mga araw na ito bukod pa sa lingguhang Araw ng Pamamahinga na ginagawa ninyo. At ang mga handog na ito ay dapat ninyong ialay dagdag sa inyong mga kaloob, mga handog para tuparin ang isang panata, at handog na kusang-loob na iniaalay ninyo sa Panginoon .

39“ ‘Tungkol naman sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, ipagdiriwang ninyo ito para parangalan ang Panginoon mula sa ika-labinlimang araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng anihan. Ipagdiwang nʼyo ito sa loob ng pitong araw. Huwag kayong magtatrabaho sa una at sa ikawalong araw.

40Sa unang araw, kumuha kayo ng pinakamagandang bunga ng mga punongkahoy, mga dahon ng palma, mga mayayabong na sanga ng puno sa lambak, at kayoʼy masayang magdiwang sa presensya ng Panginoon na inyong Diyos sa loob ng pitong araw.

41-42-43Ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa ikapitong buwan bawat taon para parangalan ang Panginoon . Sa loob ng pitong araw, lahat kayong mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol para malaman ng inyong mga anak na pinatira ng Panginoon na inyong Diyos ang inyong mga ninuno sa mga kubol nang sila ay inilabas sa Ehipto. Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira.’ ”

44Ito ang tungkol sa mga itinakdang pagdiriwang para sa pagsamba sa Panginoon na sinabi ni Moises sa mga Israelita.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.