The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos ng Araw ng Pamamahinga, sa madaling-araw ng Linggo, pumunta sa libingan si Maria Magdalena kasama ang isa pang Maria para tingnan ito.
2Biglang lumindol nang malakas, dahil isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit at iginulong ang batong nakatakip sa libingan at inupuan ito.
3Nakakasilaw na parang liwanag ng kidlat ang kanyang anyo at puting-puti ang kanyang damit.
4Nanginig sa takot ang mga sundalong nagbabantay nang makita ang anghel kaya hinimatay sila.
5Sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Hesus na ipinako sa krus.
6Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan ng kanyang bangkay.
7Pagkatapos, puntahan nʼyo agad ang mga alagad niya, at sabihin ninyo sa kanila na nabuhay siyang muli at mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo!”
8Kaya dali-daling umalis ang mga babae mula sa libingan, na bagamaʼt takot na takot ay puno ng kagalakan, at patakbo silang pumunta sa mga alagad para sabihin ang mensahe ng anghel.
9Ngunit habang tumatakbo sila, bigla silang sinalubong ni Hesus sa daan at binati. Lumapit sila kay Hesus, niyakap ang kanyang mga paa at sinamba siya.
10Sinabi sa kanila ni Hesus, “Huwag kayong matakot. Puntahan ninyo ang aking mga kapatid at sabihin sa kanila na pumunta sila sa Galilea, at doon makikita nila ako.”
11Habang nasa daan pa ang mga babae, pumasok sa lungsod ang ilan sa mga guwardiya para ibalita sa mga namamahalang pari ang nangyari.
12Matapos makipagpulong ng mga namamahalang pari sa mga pinuno ng mga Hudyo, napagdesisyunan nilang suhulan ng malaking halaga ang mga bantay.
13Sinabi nila sa mga bantay, “Ipamalita ninyo na habang natutulog kayo kagabi, dumating ang mga alagad ni Hesus at ninakaw ang kanyang bangkay.
14Kapag narinig ito ng gobernador, kami na ang bahalang magpaliwanag sa kanya, upang hindi kayo mapahamak.”
15Tinanggap ng mga guwardiya ang pera at ginawa ang mga ibinilin sa kanila. Kaya hanggang ngayon, ito pa rin ang kuwentong ikinakalat ng mga Hudyo.
16Samantala, pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, doon sa bundok na sinabi sa kanila ni Hesus kung saan sila magkita-kita.
17Nang makita nila si Hesus, sumamba sila sa kanya, subalit may ilan sa kanilang may pag-aalinlangan.
18Lumapit sa kanila si Hesus at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa.
19Kaya humayo kayo sa lahat ng mga lahi at gawin silang mga alagad ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu.
20Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: Akoʼy palagi ninyong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”[#28:20 : Sa Griyego, katapusan ng panahon.]