Mga Bilang 14

Nagrebelde ang mga Israelita

1Nang gabing iyon, humagulgol ang lahat ng mamamayan.

2Nagreklamo ang mga Israelita kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pang namatay na lang tayo sa Ehipto o dito sa disyerto.

3Bakit pa ba tayo dadalhin ng Panginoon sa lupaing iyon? Para lang ba mamatay tayo sa labanan at bihagin ang ating mga asawaʼt anak? Mabuti pa sigurong bumalik na lang tayo sa Ehipto.”

4At nag-usap-usap sila, “Pumili tayo ng pinuno at bumalik sa Ehipto!”

5Pagkatapos, nagpatirapa sina Moises at Aaron sa harapan ng lahat ng mamamayan ng Israel na nagkakatipon doon.

6Pinunit ni Josue na anak ni Nun at ni Caleb na anak ni Jefune ang kanilang mga damit dahil sa labis na kalungkutan. Ang dalawang ito ay kasama sa pag-espiya sa lupain.

7Sinabi nila sa mga mamamayan ng Israel, “Napakabuti ng lupaing aming pinuntahan.

8Kung nalulugod ang Panginoon sa atin, gagabayan niya tayo papunta sa lupang iyon – lupaing masagana sa gatas at pulot at ibibigay niya ito sa atin.

9Huwag lang kayong magrerebelde sa Panginoon . At huwag kayong matatakot sa mga tao doon dahil madali natin silang matatalo. Wala nang magtatanggol sa kanila, ngunit kasama natin ang Panginoon . Kaya huwag kayong matakot sa kanila.”[#14:9 : Sa literal, dahil tinapay lang sila sa atin.]

10Babatuhin sana sila ng buong kapulungan, ngunit biglang nagpakita sa lahat ng Israelita ang kaluwalhatian ng Panginoon sa itaas ng Toldang Tipanan.

11Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan pa ba ako itatakwil ng mga taong ito? Hanggang kailan pa ba sila hindi maniniwala sa akin sa kabila ng lahat ng mga himalang ginawa ko sa kanila?

12Padadalhan ko sila ng salot at papatayin ko sila, ngunit gagawin kitang isang bansa na mas makapangyarihan at matatag kaysa sa kanila.”

13Sinabi ni Moises sa Panginoon , “Ano na lang po ang sasabihin ng mga Ehipsiyo kung mababalitaan nila ito? Hindi baʼt nalalaman nila na kinuha ninyo ang mga Israelita sa kanila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan?

14Kapag nilipol po ninyo ang inyong mamamayan, sasabihin nila ito sa mga naninirahan sa Canaan. Narinig ng mga Cananeo na kayo, Panginoon ay sumasama sa mga Israelita, at nagpapakita sa kanila sa pamamagitan ng ulap na gumagabay sa kanila. Pinangungunahan nʼyo sila kapag gabi sa pamamagitan ng apoy na parang haligi, at kapag araw sa pamamagitan ng ulap na parang haligi rin.

15Ngayon, kapag pinaslang po ninyong lahat ang inyong mamamayan, sasabihin ng mga bansang nakarinig ng inyong katanyagan,

16‘Hindi kayang dalhin ng Panginoon ang mga Israelita sa lupaing ipinangako niya sa kanila, kaya pinatay na lang niya sila sa disyerto.’

17“Kaya ngayon, O Panginoon , sana po ay ipakita ninyo ang inyong kapangyarihan ayon sa inyong sinabi na mapagmahal kayo

18at hindi madaling magalit, at mapagpatawad sa mga kasalanan ng tao. Subalit pinaparusahan po ninyo ang mga nagkakasala, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.

19Ayon sa inyong dakilang pagmamahal, patawarin po ninyo ang mga kasalanan ng mga taong ito, gaya ng pagpapatawad ninyo sa kanila mula nang lumabas sila sa Ehipto.”

20Sumagot ang Panginoon , “Patatawarin ko sila ayon sa iyong hiling.

21Ngunit sumusumpa ako, ang Panginoong nabubuhay, habang napupuno ang buong mundo ng kaluwalhatian ko,

22walang sinuman sa mga taong nakakita sa kaluwalhatian ko at sa mga tanda na ginawa ko sa Ehipto at sa disyerto ngunit sinubukan pa rin ako nang sampung beses,

23wala ni isa sa kanila ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno. Walang sinuman sa kanila na humamak sa akin ang makakakita rito.

24Ngunit makakapasok si Caleb na aking lingkod sa lupaing kanyang pinuntahan, dahil naiiba siya sa kanila at sumusunod siya sa akin nang buong puso. Sasakupin at mamanahin ng kanyang mga angkan ang lupaing iyon.

25Dahil may mga Cananeo at mga Amalekitang naninirahan sa mga lambak, bumalik kayo bukas at magtungo sa disyerto, sa daang papunta sa Dagat na Pula.”

26Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

27“Hanggang kailan pa ba ang pagrereklamo sa akin ng masasamang mamamayang ito? Narinig ko ang mga reklamo ng mga Israelita.

28Kaya sabihin mo ito sa kanila: Ako, ang Panginoong buháy, ay sumusumpa na gagawin ko sa inyo ang inyong hinihiling.

29Mamamatay kayo rito sa disyerto. Dahil nagreklamo kayo sa akin, walang kahit isa sa inyo na may edad na dalawampung taóng gulang pataas

30ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko na ibibigay sa inyo na inyong titirhan, maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune at kay Josue na anak ni Nun.

31Tungkol naman sa inyong mga anak na sinabi ninyong bibihagin, dadalhin ko sila sa lupain na inyong itinakwil at magiging kanila ito.

32Ngunit mamamatay kayo sa disyerto.

33Ang inyong mga anak ay magiging tulad ng mga tagapagbantay ng tupa na palibot-libot sa disyerto sa loob ng apatnapung taon. Sa pamamagitan nito, magdurusa sila dahil sa inyong pagtataksil sa akin hanggang sa mamatay kayong lahat.

34Dahil ang mga espiya sa lupain ay tumira roon ng apatnapung araw, magdurusa rin kayo ng apatnapung taon dahil sa inyong kasalanan, para malaman ninyo kung paano ako magalit sa mga kumakalaban sa akin.

35Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito at siguradong gagawin ko ang mga bagay na ito sa masasamang mamamayang ito na nagkaisang kumalaban sa akin. Mamamatay silang lahat sa disyerto.”

36Ang mga lalaking inutusan ni Moises na magmanman sa lupain ng Canaan, na bumalik at naging dahilan ng pagrereklamo ng sambayanang Israel dahil sa pagkakalat nila ng masamang balita,

37ay namatay sa harap ng Panginoon dahil sa salot.

38Sa labindalawang espiya, si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune lang ang hindi namatay.

39Nang sinabi ito ni Moises sa lahat ng mga Israelita, nagluksa sila.

40At kinabukasan, maaga silang bumangon para umakyat sa kabundukan ng Canaan. Sinabi nila, “Napagtanto naming nagkasala kami, at ngayoʼy handa na kaming pumunta sa lugar na ipinangako ng Panginoon .”

41Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na bumalik sa disyerto? Hindi kayo magtatagumpay!

42Huwag kayong lalakad, dahil hindi kayo sasamahan ng Panginoon , at matatalo lang kayo ng inyong mga kaaway.

43Sa oras na makipaglaban sa inyo ang mga Cananeo at mga Amalekita, mamamatay kayo; hindi sasáma ang Panginoon sa inyo dahil siyaʼy itinakwil ninyo.”

44Ngunit umakyat pa rin sila sa kabundukan ng Canaan kahit hindi sumáma sa kanila si Moises at ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon .

45Pagkatapos, sinalakay sila ng mga Amalekita at ng mga Cananeo na naninirahan doon sa kabundukan, at natalo sila, at hinabol pa sila hanggang sa Horma.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.