Mga Bilang 28

Ang Pang-araw-araw na mga Handog

(Exo. 29:38‑46)

1Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2“Sabihin mo sa mga Israelita na kailangan silang maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy sa nakatakdang panahon. Ang mga handog na ito ay ang pagkain ko, at ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa akin. Kaya sabihin mo ito sa mga Israelita:[#28:2 : Tingnan ang talababa sa 15:3.]

3‘Ito ang mga handog na pagkaing inyong iaalay sa Panginoon araw-araw: dalawang tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan bilang handog na sinusunog.

4Ang isa ay iaalay sa umaga at ang isa ay sa dapit-hapon,

5kasama ng handog na pagkaing butil ang isang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis ng olibo.

6Ito ang pang-araw-araw na handog na inyong susunugin na iniutos noon ng Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon .

7Ang handog na inumin na isasama sa bawat tupa ay isang litrong alak at ibubuhos ito sa banal na lugar para sa Panginoon .

8Ito rin ang gagawin ninyo sa ikalawang tupang ihahandog ninyo sa dapit-hapon. Samahan din ninyo ito ng isang handog na pagkaing butil para sa Panginoon at handog na inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon .

Ang mga Handog sa Araw ng Pamamahinga

9“ ‘Sa araw ng Pamamahinga, maghandog kayo ng dalawang tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan, kasama ang handog na inumin at ang handog na pagkaing butil para sa Panginoon na apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis.

10Ito ang handog na sinusunog tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod pa sa pang-araw-araw na handog kasama ang handog na inumin.

Ang Buwanang Handog

11“ ‘Sa bawat unang araw ng buwan, maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa Panginoon . Ang inyong handog ay dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taóng gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito.

12Ang bawat toro ay sasamahan ng handog na pagkaing butil para sa Panginoon na mga tatlong kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, bawat isang lalaking tupa ay sasamahan din ng handog na may mga dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon .

13At ang batang lalaking tupa ay sasamahan ng handog na isang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon . Itoʼy mga handog na sinusunog, ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon .

14Ang bawat toro ay sasamahan ng handog na inumin na dalawang litrong alak. At ang bawat batang tupa ay sasamahan ng mga isang litrong alak. Ito ang buwanang handog na sinusunog na inyong gagawin sa bawat simula ng buwan sa buong taon.

15Maghandog pa kayo sa Panginoon ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan. Gawin ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa mga handog na inumin.’

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel

(Lev. 23:4‑8)

16“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel ng Panginoon sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan.[#28:16 : Sa literal, Pista ng Paglampas ng Anghel para sa .]

17Bukas magsisimula ang pitong araw na pista. At sa loob ng pitong araw, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa.

18Sa unang araw ng pista, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo upang sumamba sa Panginoon .

19Maghandog kayo sa Panginoon ng handog na sinusunog na dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taóng gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito.

20At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, tatlong kilo sa bawat toro, dalawang kilo sa lalaking tupa

21at isang kilo sa bawat batang tupa.

22Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan upang mapatawad ang inyong mga kasalanan.

23Ialay ninyo ang mga handog na ito bukod pa sa inyong pang-araw-araw na handog na sinusunog tuwing umaga.

24Sa ganitong paraan ninyo ialay itong mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang pagkain para sa Panginoon . Gawin ninyo ito bawat araw sa loob ng pitong araw. Ang mabangong samyo ng mga handog na ito ay makalulugod sa Panginoon . Ihandog ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa handog na inumin.

25Sa ikapitong araw, muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon . At huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.

Ang mga Handog sa Panahon ng Pista ng Pag-aani

(Lev. 23:9‑22)

26“Sa unang araw ng Pista ng Pag-aani, sa panahong maghahandog kayo sa Panginoon ng bagong ani ng trigo, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo bilang pagsamba sa Panginoon .

27Mag-alay kayo ng handog na sinusunog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taóng gulang. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon .

28At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, tatlo kilo sa bawat toro, dalawa kilo sa lalaking tupa

29at isang kilo sa bawat batang tupa.

30Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.

31Ihandog ninyo ito kasama ang mga handog na inumin bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at ng handog na pagkaing butil para sa Panginoon . Siguraduhin ninyo na ang mga hayop na ito ay walang kapintasan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.