Mga Bilang 32

Ang mga Lahi sa Silangan ng Ilog Jordan

(Deu. 3:12‑22)

1Napakaraming hayop ng mga lahi nina Ruben at Gad. Kaya nang makita nila na masagana ang lupain ng Jazer at Gilead para sa mga hayop

2nagpunta sila kina Moises at sa paring si Eleazar at sa mga pinuno ng mamamayan ng Israel at sinabi,

3“Ang mga lugar ng Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebam, Nebo at Beon

4na sinakop ng Panginoon para sa mga Israelita ay mabuting lugar para sa mga hayop at kami na mga alagad ninyo ay napakaraming hayop.

5Kaya kung nalulugod kayo sa amin, ibigay ninyo ang mga lupaing ito sa amin, bilang bahagi namin at huwag na ninyo kaming dalhin sa kabila ng Ilog ng Jordan.”

6Sinabi ni Moises sa mga lahi nina Gad at Ruben, “Ano ang ibig ninyong sabihin, magpapaiwan na lang kayo dito habang ang mga kapwa ninyo Israelita ay sasabak sa labanan?

7Pahihinain lang ninyo ang loob ng mga Israelita na pumunta sa lupaing ibinigay ng Panginoon sa kanila.

8Ganito rin ang ginawa noon ng inyong mga ninuno nang ipinadala ko sila mula sa Kades-barnea para tingnan ang lupaing ito.

9Nang makarating sila sa Lambak ng Eshcol, at nakita nila ang lupain, pinahina nila ang loob ng mga Israelita na pumunta sa lupaing ibinigay ng Panginoon sa kanila.

10Matindi ang galit ng Panginoon nang araw na iyon at sumumpa siya:

11‘Dahil sa hindi sila sumunod sa akin nang buong puso nila, wala ni isa man sa kanila na dalawampung taóng gulang pataas na nagmula sa Ehipto, ang makakakita ng lupaing ipinangako ko kay Abraham, Isaac, at Jacob,

12maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo at kay Josue na anak ni Nun, dahil sumunod sila sa Panginoon nang buong puso nila.’

13Nagalit nang matindi ang Panginoon sa mga Israelita, kaya pinaikot-ikot niya sila sa ilang sa loob ng apatnapung taon hanggang sa nangamatay ang buong henerasyon na gumawa ng masama sa kanyang paningin.

14“At ngayon, kayo namang lahi ng mga makasalanan ang pumalit sa inyong mga ninuno at dinagdagan pa ninyo ang galit ng Panginoon sa mga Israelita.

15Kung hindi kayo susunod sa Panginoon , pababayaan niyang muli kayong mga mamamayan dito sa ilang at kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng mga Israelita.”

16Ngunit lumapit pa sila kay Moises at sinabi, “Gagawa na lang po kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop at mga lungsod para sa aming mga kababaihan at anak.

17Ngunit handa po kaming pangunahan ang aming mga kapwa Israelita sa pakikipaglaban hanggang sa madala namin sila sa kanilang mga lugar. Habang nakikipaglaban kami, dito po maninirahan ang aming mga anak sa napapaderang lungsod na aming ipapatayo para maging ligtas sila sa mga naninirahan sa lupaing ito.

18Hindi po kami uuwi hanggang sa matanggap ng lahat ng mga Israelita ang lupaing kanilang mamanahin.

19Ngunit ayaw naming makatanggap ng lupa kasama nila sa kabila ng Jordan. Mas gusto po namin dito sa bandang silangan ng Jordan dahil nakakuha na kami ng parte namin dito sa silangan ng Jordan.”

20Sinabi ni Moises sa kanila, “Kung talagang gagawin ninyo ʼyan, kapag handa na kayo sa pakikipaglaban kasama ang Panginoon ,

21at kapag tumawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Jordan hanggang sa maitaboy ng Panginoon ang kanyang mga kaaway

22at maangkin ang lupa, maaari na kayong makabalik dito dahil natupad na ninyo ang inyong tungkulin sa Panginoon at sa kapwa ninyo Israelita. At magiging inyo na ang lupaing ito sa harapan ng Panginoon .

23“Subalit kung hindi ninyo ito gagawin, magkakasala kayo sa Panginoon at siguradong pagbabayaran ninyo ang inyong mga kasalanan.

24Sige, magtayo kayo ng mga lungsod para sa inyong mga asawaʼt anak at gumawa ng mga kulungan para sa inyong mga hayop, ngunit dapat ninyong tuparin ang inyong ipinangako.”

25Sumagot ang mga lahi nina Gad at Ruben kay Moises, “Susundin namin ang inyong mga utos.

26Maiiwan dito sa mga lungsod ng Gilead ang aming mga asawa, mga anak at mga hayop.

27Subalit kami na iyong mga lingkod na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para makipaglaban kasama ang Panginoon ayon sa iyong utos.”

28Kaya nag-utos si Moises sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno ng lahi ng Israel.

29Sinabi niya, “Kung ang mga tauhan ng lahi nina Gad at Ruben na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para sumáma sa pakikipaglaban sa laban ng Panginoon at kung maagaw na ninyo ang lupaing iyon, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead bilang lupain nila.

30Ngunit kung hindi sila tatawid kasama ninyo dapat silang tumanggap ng lupa kasama ninyo, roon sa lupain ng Canaan.”

31Sinabi ng mga lahi nina Gad at Ruben, “Susundin namin kung ano ang sinabi ng Panginoon .

32Tatawid kami sa Jordan sa presensya ng Panginoon , ngunit ang mamanahin naming lupain ay ang nasa silangan sa tabi ng Jordan.”

33Kaya ibinigay ni Moises sa mga lahi nina Gad, Ruben at sa kalahati ng lahi ni Manases na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo at ang kaharian ni Haring Og ng Bashan – ang buong lupain pati na ang lungsod at mga teritoryo sa palibot nito.

34Itinayong muli ng lahi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer,

35Atrot-sofan, Jazer, Jogbeha,

36Bet-nimra at Bet-haran. Ang mga lungsod na ito ay pinalibutan nila ng pader. Gumawa rin sila ng mga kulungan para sa kanilang mga hayop.

37At itinayong muli ng mga lahi ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim

38pati ang mga lugar na tinatawag noon na Nebo at Baal-meon at ang Sibma. Pinalitan nila ang mga pangalan ng mga lungsod na muli nilang itinayo.

39Sinalakay ng mga angkan ni Maquir na anak ni Manases ang Gilead at naagaw nila ito, at itinaboy nila ang mga Amoreo na naninirahan doon.

40Kaya ibinigay ni Moises ang Gilead sa mga angkan ni Maquir, na lahi rin ni Manases at doon sila nanirahan.

41Naagaw ni Jair na mula rin sa lahi ni Manases, ang mga nayon sa Gilead at tinawag niya itong, “Mga Bayan ni Jair”.[#32:41 Sa Hebreo, .]

42Naagaw ni Noba ang Kenat at ang mga baryo sa palibot nito at tinawag niya itong, “Noba” ayon sa pangalan niya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.