1Ang kaunting pagkain na pinagsasaluhan
nang may kapayapaan
ay higit na mabuti kaysa sa saganang
pagkain ngunit may alitan.
2Pamumunuan ng maalam na lingkod
ang nakakahiyang anak ng kanyang amo
at sa kanilang mamanahin
makakabahagi pa ito.
3Sinusubok ng Panginoon ang puso
katulad ng apoy na sumusubok
sa pilak at ginto.
4Ang taong masama
ay gustong makinig
sa kapwa niya masama,
at ang taong sinungaling
ay gustong makinig
sa kapwa niya sinungaling.
5Ang kumukutya sa mahihirap
ay inaalipusta ang kanyang Manlilikha.
Ang taong nagagalak
sa kapahamakan ng iba
ay parurusahan.
6Karangalan ng mga loloʼt lola
ang kanilang mga apo,
gayon din naman, karangalan ng mga anak
ang kanilang mga magulang.
7Hindi bagay sa hangal
ang magsalita ng mabuti,
at lalong hindi bagay
sa isang namumuno
ang magsinungaling.
8Sa tingin ng iba ang suhol
ay parang salamangka
na magagawa ang kahit anumang bagay.
9Kung patatawarin mo
ang kasalanan ng iyong kaibigan,
mananatili ang inyong samahan,
ngunit kung patuloy mong uungkatin
ang kanyang kasalanan,
masisira ang inyong pagkakaibigan.
10Sa isang saway lang natututo
ang taong may pang-unawa,
ngunit ang taong mangmang
ay hindi natututo
hampasin mo man nang walang awa.
11Laging naghahanap ng gulo
ang taong masama,
kaya ipapadala laban sa kanya
ang isang taong malupit
na magpaparusa sa kanya.
12Mas mabuti pang masalubong mo
ang isang osong inagawan ng anak
kaysa sa hangal na gumagawa
ng kahangalan.
13Kapag kasamaan ang iginanti mo
sa kabutihang ginawa sa iyo,
palaging may masamang mangyayari
sa sambahayan mo.
14Ang simula ng away
ay katulad ng butas sa isang dike,
kailangang tapalan bago lumaki.
15Kasuklam-suklam sa Panginoon
ang taong nagpaparusa
sa taong walang kasalanan
o nagpapalaya sa taong may kasalanan.
16Walang kabuluhang pag-aralin
ang taong hangal
sapagkat hindi naman niya
hinahangad ang matuto.
17Ang kaibigan ay nagmamahal
sa lahat ng panahon,
at nagkakaroon tayo ng kapatid
para sa kagipitan ay tumulong.
18Ang taong nangakong managot
sa utang ng iba
ay kulang sa karunungan.
19Ang taong gusto ng kasalanan
ay gusto rin ng kaguluhan.
At ang taong mayabang
ay naghahanap ng kapahamakan.
20Hindi uunlad ang taong
baluktot ang pag-iisip,
at ang taong sinungaling
ay daranas ng kasawian.
21Ang anak na hangal
ay nagdudulot ng kalungkutan
at kabiguan sa magulang.
22Ang pagiging masayahin
ay parang gamot na nakabubuti sa katawan,
ngunit ang pagiging malungkutin
ay nagpapahina ng katawan.
23Ang taong masama
ay tumatanggap ng suhol
upang ipagkait ang makatarungang hatol.
24Ang taong may pang-unawa
ay naghahangad pa ng karunungan;
ngunit ang isip ng mangmang
ay pagala-gala.
25Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapaitan
at kalungkutan sa kanyang
mga magulang.
26Hindi mabuti na parusahan
ang taong matuwid o ang taong marangal.
27Ang taong marunong at nakakaunawa
ay maingat magsalita
at hindi padalos-dalos.
28Kahit ang mangmang
ay parang marunong
at nakakaunawa kapag tahimik.