The chat will start when you send the first message.
1Pupurihin ko ang Panginoon !
Panginoon kong Diyos,
kayo ay dakila sa lahat.
Nadadamitan kayo ng kadakilaan
at karangalan.
2Nababalutan kayo ng liwanag
na parang inyong damit.
At inilaladlad nʼyo na parang
tolda ang langit.
3Itinayo nʼyo ang inyong tahanan
sa itaas pa ng kalawakan.
Ginawa nʼyo ang mga alapaap
na inyong sasakyan,
at inililipad ng hangin habang
kayoʼy nakasakay.
4Ginagawa nʼyong tagapaghatid ng balita ang hangin,
at ang kidlat na inyong utusan.
5Inilagay nʼyo ang mundo sa matibay na pundasyon,
kaya hindi ito matitinag magpakailanman.
6Ang tubig ay ginawa nʼyong parang tela na ipinambalot sa mundo,
at umapaw hanggang sa kabundukan.
7Sa inyong pagsaway na parang kulog,
nahawi ang tubig;
sa inyong utos, ito ay tumalima;
8at itoʼy umagos sa mga kabundukan
at mga kapatagan,
hanggang sa mga lugar na inyong inilaan
na dapat nitong kalagyan.
9Nilagyan nʼyo ito ng hangganan,
upang hindi umapaw ang tubig,
upang hindi na muling matabunan ang mundo.
10Lumikha ka ng mga bukal
sa mga lambak,
at umagos ang tubig sa pagitan
ng mga bundok.
11Kaya lahat ng mga hayop sa gubat,
pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom.
12At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon,
at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit.
13Mula sa langit na inyong luklukan,
ang mga bundok ay inyong pinapaulanan.
At dahil sa inyong ginawa,
tumatanggap ang mundo ng pagpapala.
14Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop,
at mga tanim para sa mga tao
upang silaʼy may maani at makain,
15may alak na maiinom
na magpapasaya sa kanila,
may langis na pampakinis ng mukha,
at may tinapay
na makapagpapalakas sa kanila.
16Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy,
Panginoon ;
ang puno ng sedro sa Lebanon
na kayo rin ang nagtanim.
17Doon nagpupugad ang mga ibon,
at ang mga tagak ay tumatahan
sa mga puno ng abeto.
18Ang mga matataas na kabundukan
ay tirahan ng mga kambing-gubat.
Ang mga mababatong lugar naman
ay kanlungan ng mga badyer.
19Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon;
at ang araw namaʼy lumulubog
sa oras na inyong itinakda.
20Nilikha nʼyo ang kadiliman
na tinawag na gabi;
at kung gabiʼy gumagala
ang maraming hayop sa kagubatan.
21Umaatungal ang mga leon
habang naghahanap ng kanilang makakain
na sa inyo nagmumula.
22At pagsapit ng umaga,
bumabalik sila sa kanilang mga lungga,
at doon nagpapahinga.
23Ang mga tao naman
ay lumalabas papunta sa kanilang gawain,
at nagtatrabaho hanggang takip-silim.
24Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon .
Nilikha nʼyo ang lahat ayon
sa inyong karunungan.
Ang buong mundo
ay puno ng inyong nilikha.
25Ang dagat ay napakalawak,
at hindi mabilang
ang inyong mga nilalang dito,
may malalaki at maliliit.
26Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
at doon din lumalangoy-langoy
ang nilikha nʼyong Leviatan.
27Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo
ng kanilang pagkain,
sa oras na kanilang kailanganin.
28Binibigyan nʼyo sila ng pagkain
at kinakain nila ito,
at silaʼy nabubusog.
29Ngunit kung pababayaan nʼyo sila,
matatakot sila;
at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay,
silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30Nalilikha sila
kapag binigyan mo ng hininga,
at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo
ng bagong nilalang ang mundo.
31Panginoon , sana ay magpatuloy
ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
Sanaʼy magalak kayo sa lahat
ng inyong nilikha.
32Nayayanig ang mundo
kapag inyong tinitingnan.
Kapag hinipo nʼyo ang bundok,
itoʼy umuusok.
33Aawit ako sa Panginoon
habang akoʼy nabubuhay.
Aawit ako ng papuri sa aking Diyos
habang akoʼy may hininga.
34Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
Akoʼy magagalak sa Panginoon .
35Lipulin sana ang masasama,
at ang mga makasalanan sa mundo
ay tuluyan nang mawala.
Pupurihin ko ang Panginoon .
Purihin ang Panginoon !