The chat will start when you send the first message.
1Magpasalamat kayo sa Panginoon ,
sapagkat siyaʼy mabuti;
ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
2Sabihin ninyo ito, kayong mga iniligtas niya
sa kamay ng mga kaaway.
3Dahil tinipon niya kayo mula sa mga bansa;
sa silangan, kanluran, timog at hilaga.
4May mga taong naglakbay sa ilang;
hindi nila makita ang daan papunta sa lungsod
na maaari nilang tirhan.
5Silaʼy nagutom at nauhaw
at halos mamatay na.
6Sa kanilang kagipitan,
tumawag sila sa Panginoon ,
at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.
7At pinatnubayan niya sila
papunta sa lungsod
na kanilang matitirahan.
8Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon
dahil sa pag-ibig niya
at kahanga-hanga niyang gawa sa mga tao.
9Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
at pinakakain ang mga nagugutom.
10May mga taong ibinilanggo at kinadenahan
na nakaupo sa napakadilim na piitan.
11Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila
sa mga sinabi ng Kataas-taasang Diyos
at hindi sumunod sa kanyang mga payo.
12Kaya pinahirapan niya sila
sa kanilang mabigat na trabaho.
Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.
13Sa kanilang kagipitan,
tumawag sila sa Panginoon ,
at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.
14Pinutol niya ang kanilang mga kadena
at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.
15Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon ,
dahil sa pag-ibig niya
at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
16Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso
at binali ang mga rehas na bakal.
17May mga naging hangal
dahil sa kanilang likong pamumuhay,
at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.
18Nawalan sila ng gana sa kahit anong pagkain
at malapit nang mamatay.
19Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon ,
at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.
20Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling
at iniligtas niya sila sa kamatayan.
21Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon ,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
22Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya
at ihayag ang kanyang mga ginawa
nang may masayang pag-aawitan.
23May mga taong sumakay sa mga barko
at nagbiyahe sa karagatan,
dahil ito ang kanilang hanapbuhay.
24Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa
ng Panginoon sa karagatan.
25Sa utos niya, ang hangin ay lumakas
at lumaki ang mga alon.
26Kaya pumapaitaas ang kanilang barko
nang napakataas at pumapailalim.
At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.
27Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,
at hindi na alam kung ano ang gagawin.
28Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon ,
at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.
29Pinatigil niya ang malakas na hangin
at kumalma ang dagat.
30At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,
at silaʼy pinatnubayan ng Diyos
hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
31Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon ,
dahil sa pag-ibig niya
at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
32Dapat nilang parangalan ang Diyos
sa kanilang pagtitipon,
at purihin siya sa pagtitipon
ng mga namamahala sa kanila.
33Nagagawa ng Panginoon ang ilog
na maging ilang,
at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34Nagagawa rin ng Panginoon
na walang maani sa matabang lupa,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35Nagagawa rin niya ang ilang
na maging tubigan,
at sa mga tuyong lupain
ay magkaroon ng mga bukal.
36Doon niya pinapatira ang mga taong nagugutom,
at nagtatayo sila ng lungsod
na kanilang tatahanan.
37Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin
at nagtatanim ng ubas,
kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38Silaʼy pinagpapala ng Diyos,
at pinararami ang kanilang angkan.
Kahit ang kanilang mga alagang hayop
ay nadadagdagan.
39Ngunit dahil sa pang-aapi,
kahirapan at pagkabagabag,
silaʼy nabawasan at napahiya.
40Isinusumpa ng Diyos ang mga umaapi sa kanila,
at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41Ngunit tinulungan niya ang mga dukha
sa kanilang kahirapan,
at pinarami ang kanilang
sambahayan na parang kawan.
42Nakita ito ng mga matuwid
at silaʼy nagalak,
ngunit tumahimik ang masasamâ.
43Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan
sa puso ng mga taong marunong,
at dapat din nilang isipin
ang dakilang pag-ibig ng Panginoon .