1Kayong mga matuwid,
sumigaw kayo sa galak,
dahil sa ginawa ng Panginoon !
Kayong namumuhay ng tama,
nararapat ninyo siyang purihin!
2Pasalamatan ninyo ang Panginoon
sa pamamagitan ng mga alpa
at mga instrumentong may mga kuwerdas.
3Awitan ninyo siya ng bagong awit.
Tugtugan ninyo siya nang buong husay,
at sumigaw kayo sa tuwa.
4Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
at maaasahan ang kanyang mga gawa.
5Ninanais ng Panginoon ang katuwiran
at katarungan.
Makikita sa buong mundo
ang kanyang pagmamahal.
6Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ,
ang langit ay nalikha;
sa kanyang hininga nagmula ang araw,
buwan at mga bituin.
7Inipon niya ang dagat[#33:7 Sa Gen. 1:9, nakikita natin na ang buong mundo, noong una, ay nababalutan ng tubig.]
na parang inilagay sa isang sisidlan.
8Ang lahat ng tao sa daigdig
ay dapat matakot sa Panginoon ,
9dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10Sinisira ng Panginoon
ang mga plano
ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11Ngunit ang mga plano ng Panginoon
ay mananatili magpakailanman.
At ang kanyang mga balak,
sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
12Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon .
At mapalad ang mga taong
pinili niya na maging kanya.
13Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon
ang sangkatauhan.
14Mula sa kanyang luklukan,
tinitingnan niya ang lahat
ng narito sa mundo.
15Siya ang humuhubog sa kanilang puso,
at alam niya ang lahat
ng kanilang ginagawa.
16Hindi nananalo ang isang hari
dahil sa dami ng kanyang kawal,
at hindi naman naililigtas ang kawal
gamit ang kanyang lakas.
17Ang mga kabayo ay hindi maaasahan
na maipanalo ang digmaan;
hindi sila makapagliligtas sa kabila
ng kanilang kalakasan.
18Ngunit binabantayan ng Panginoon
ang mga may takot sa kanya,
sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
at sa panahon ng taggutom,
silaʼy kanyang inaalalayan.
20Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon .
Siya ang tumutulong at nagtatanggol sa atin.
21Nagagalak tayo,
dahil tayoʼy nagtitiwala
sa kanyang banal na pangalan.
22Panginoon , sumaamin nawa
ang inyong matapat na pag-ibig.
Ang aming pag-asa ay nasa inyo.